Kabanata III: Pyla

22 4 4
                                    

MND Secret Installation

Parati siyang naglalaro. Bunga ito ng kasunduan niya at ng kaniyang mga guwardiya. Basta makakapaglaro siya, walang masasaktan.

Hindi na siya magwawala, hindi na siya mambabali ng leeg ng mga malas na guwardiyang maaabot ng kaniyang mga kamay tuwing nagbibigay ng pagkain o tubig.

Ang kondisyon: siya’y dadalhan ng mga video games at iba’t ibang klaseng laruan na maisipan niyang ipadala sa kaniyang kulungan sa ilalim ng lupa. Baraha, jackstones, chess, depende sa makahiligan. Kahit ang chess, nilalaro niyang mag-isa. Pinakagusto niya ito’t napa-praktis niya ang isip nang husto. Nare-relaks din siya.

At kung bakit buhay pa siya’t hindi pa pinapaulanan ng bala ng mga sentry guns sa loob ng kaniyang kulungan, hindi niya sigurado, ngunit ilang taon na rin siyang ganito at wala naman siyang bagong naririnig sa kaniyang mga bantay. Inuubos na lamang ng bilanggo ang kaniyang oras sa paglalaro, sa pagbabasa ng mga pocket books na luma, at kung ano-ano pang mga aktibidades, para lang hindi siya mabaliw sa kaniyang pag-iisa sa kulungan.

Ilang taon na rin mula nang huli siyang nakipagbakbakan sa mga puwersa ng MND, at ang balita niya’y pinalabas ng gobyerno na siya’y isang malupit at mapanganib na  kalaban ng estado’t taumbayan, kaya ibinuhos sa kaniya ang ‘di bababa sa dalawang punong trak ng mga sundalo, at maging ang eksperimental na LeMarc sonic array. Handa na sana siya sa lahat ng patibong ng MND, ngunit hindi niya inasahan ang huling ginamit sa kaniya. Nahilo siya sandali, at dito na siya nadampot at iginapos. Gagamitin pa sana niya ang kaniyang mga binti at mga ngipin, ngunit binalot na siya sa makapal at mabigat na lambat na gawa sa halong hiblang abaca, plastik at bakal. Mabigat kung mabigat, matibay kung matibay. Halos madurog ang kaniyang mga tadyang sa bigat ng mga sundalong nag-dogpile sa taas ng lambat nang siya’y mahuli na.

Ngunit hindi siya nagsalita.

Mahigit isang taon na siya sa hawlang ginawa lamang para sa kaniya nang magsalita siyang muli – nang alukin siya ng libro at ibang mapapagkaabalahan. Nagbago ang ihip ng hangin mula sa taas, at sa tantiya ng bilanggo, gusto na siyang kaibiganin ng MND nang makuha na sa kaniya ang kanilang kailangan.

Ang lokasyon ng Virtus Machina.

Nabuhay ang maliit na speaker na nakapakat malapit sa kisame ng kaniyang pinaglalagakan. Pero ‘di tulad ng dati, hindi boses ng isa sa mga guwardiya niya ang lumabas. Matanda ang boses, parang may sakit. Magaspang, na alam mong may tinatagong kalupitan.

“Good morning, Pyla.”

Hindi sumagot ang bilanggo. Sa halip, kinuha niya ang ang deck ng mga baraha’t binalasa. Magso-solitaryo siya. Biro niya sa sarili, mainam na libangan ang solitaire at siya nama’y nasa solitary confinement. Birong pansarili lamang, at ‘di ganoon ka-bright ang mga guwardiya. Sayang lang ang mga ganoong joke sa kanila.

“Hindi naman puwedeng ganiyan ka na lang palagi. Hindi ka ba napapagod sa paglalaro?”

Nantutuya ang boses. Nanghahamak. Sinimulan ni Pyla ang paglalatag ng baraha sa sahig. Dati sa kama siya nagsosolitaryo, pero sa pagdaan ng mga taon mas kinahiligan niya ang sahig. Mas malaya ang pag-galaw niya sa sahig, ‘di tulad ng kama na madalas nagugulo ang mga baraha kapag gumalaw siya nang kaunti. Isa pa, mas sanay naman talaga si Pyla na natutulog sa sahig.

“May alok ako sa iyo, Pyla. Gusto mo bang makausap ang nanay mo? Kahit isang buong araw magkasama kayo sa labas, papayag ako.

“Walang ibang kondisyones. Basta matapos ang 24 oras, uuwi ka dito. Wala nang tanong-tanong kung ano ginawa ninyo sa labas. May libre pa kayong sasakyan.

“Mayroong perang panggasta. Patikimin mo ang nanay mo ng sariwang karne, hindi remeat. Mahilig ba siya sa isda, talangka? O baka naman mas gusto niya ang baka, tupa o usa? Marami niyan sa GenuMeat. Painumin mo siya ng katas ng prutas mula sa UltiMarket. Ikaw ang bahala.”

Parang kinurot ng plais ang puso ni Pyla. Mula nang lumayas siya sa kanila sa edad na katorse, hindi na niya nakausap pa ang kaniyang ina.

Tumingin siya sa speaker sa may pader at marahang iniangat ang kaniyang hinlalato.

Tanging nahihibang na tawa ang narinig ni Pyla pagkatapos noon.

***

Teritoryo Aries, New Tondo

Nag-iisip mabuti si Roger kung ano ang susunod na gagawin sa nakalambitin mula sa kisame. Si Roger ang lider ng mga Aries. Trenta y singko taong gulang, at parating nakasuot ng makapal na utility vest na maraming bulsa. Ang kaniyang pantalon na camouflage, pinasadya niyang marami ring mga tagpi-tagping bulsa. Laging may laman ang mga bulsang ito. Ngunit kung ano ang eksaktong laman, siya na lamang ang nakaaalam, at siguro, ang kaniyang maybahay na si Cora.

Nahuli ang lalaking liligid-ligid sa abandonadong building na nagsisilbing headquarters ng grupong Aries, isang urban warfare group na aktibong nag-oorganisa’t nagtatanggol ng maliliit na tao’t komunidad sa Kamaynilaan. Bagamat nagsimula ang grupo bilang karaniwang gang, nagbago ang lahat nang maging miyembro nila si Pyla. Si Pyla ang nagtuwid sa landas ng mga Aries. Natalos kasi ni Pyla kung bakit nabuo ang grupo – dahil kailangan ng mga tao ng matatakbuhan kapag sila’y dinarahas ng mayayaman, ng MND, at ng pambansang konstabularyo.

Kinakamot bahagya ni Roger ang manipis na balbas habang payapang kinakausap ang sundalong espiya.

“Sa panlimang pagkakataon, hudas. Ano ang pakay mo sa teritoryo ng mga Aries?”

“Hindi ako magsasalita! Wala akong alam! Patay kayong lahat kapag nalaman ito ng Supremo!”

Garalgal ang boses ng sundalo. Ilang oras na rin siyang nakabitin, at naiipunan na siguro ng laway ang mga pisngi. Mahirap lumunok ng laway kapag nagpalit ng puwesto ang mga paa’t ulo.

Hindi sumagot si Roger. Marami na siyang oras na inubos sa gunggong na sundalo, at mayroon pa siyang kailangan asikasuhin. Mula sa isang maliit na bulsa malapit sa balikat, kumuha siya ng isang botelyang may laman na malinaw na likido. May takip na goma ang botelya, at mahigpit ang pagkakakagat ng takip na ‘to sa bunganga ng botelyang may limang pulgada ang haba at tatlong pulgada ang lapad. Manipis ang pinaka-leeg nito, singkitid lang ng karaniwang straw.

Nang makita ng sundalong nakatiwarik ang botelya, nanlaki ang mga mata nito. Namilog. Nangintab at nahintakutan.

“A-ano yan? A-ano laman niyan?” sigaw nito kay Roger, na nanatiling walang emosyon ang pagmumukha.

Kinakabahan na ngayon ang sundalo. Pinapawisan nang malagkit. Nanginginig ang mga binti’t braso. Hindi dahil nakabitin siya nang matagal ngunit dahil alam niya ang laman ng botelya.

Sulfuric acid. Asidong tumutunaw ng laman, kahit bakal.

“Alam mo hudas, matagal na akong hindi naglalaro. Sa pahirap sa buhay ng panginoong Supremo ninyo, marami nang taong nakalimutan maglaro. Pero heto tayo, naguungguyan na parang mga paslit sa  pagawaan ng remeat. Kaya kung hindi mo pa gustong magsalita, hindi kita pagaaksayahan pa ng panahon,” sabi ni Roger habang binubutas ng maliit na kutsilyo ang takip ng botelya.

Sinipat ni Roger ang layo ng mga bota ng sundalo sa mukha nito. Inipit niya ang maliit na botelyabsa pagitan ng dalawang bota at binigkis ng lumang tali para hindi mahulog.

Nagsimulang pumatak ang laman ng botelya sa pisngi, baba, ilong at bibig ng sundalo. Wala pang dalawang minuto’y pumalahaw na ito sa sakit ng pagkakasunog nang  buhay. Umalimbukay ang halo-halong mura at insulto mula sa bibig nito, ngunit ‘di rin nagtagal ay tumahimik na ito.

Hindi dahil ayaw nang magmura, ngunit dahil mapapatakan pala siya ng asido sa loob ng bibig kapag nagsasalita siya. Mahigpit na mahigpit din  ang pagkakapikit nito, habang walang tigil ang pagpatak at pag-agos ng sulfuric acid sa leeg at mukha niya. Impit ang kaniyang mga sigaw sa bawat nakapapasong patak. Umaaso ang sulfuric acid tuwing tumatama sa balat ng sundalo;  gumuguhit ng pula na animo’y maingat na pintor na lumilkha ng obra sa malinis na canvas. At habang tumatagal, numinipis ang balat na dinadaanan madalas ng asido, hanggang sa tuluyan nang malusaw ito’t lumitaw na ang taba sa ilalim.

Nag-iwan ng babala si Roger bago siya tuluyang lumabas sa dating opesinang ginawang holding area ng mga espiya.

“Brad, kung ako sayo wag kang malikot, wag kang maingay. Magdasal kang maigi para bumagal ang pagkaubos niyan. Tawagin mo ako pag tapos ka nang mag-shower.”

Sumara ang pintong bakal  at kinandado mula sa labas, at naiwan ang sundalong nagpupumiglas sa buong-buong kadiliman. 

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Jun 06, 2018 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

VIRTUS: Unang Yugto (ONGOING)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon