Kabanata II - Remeat

37 5 2
                                    

Inubos ni Hoff ang natitira sa kaniyang gabi sa pagsubok muling makatulog.

Ngunit sa takot niyang maramdaman muli ang matatalim na kuko ng agila, kusang namumulat ang kaniyang mga mata. Ilang oras din siyang ganito, hanggang sa naisipan na niyang lumabas ng bahay mga bandang alas-kuwatro ng umaga.

Maliliit ang bahay sa eskinitang tinitirhan ng pamilya ni Hoff. Umalis na ang kaniyang kapatid na si Dan, at ipinatawag ng Central Command ng Ministry of National Defense upang maglingkod bilang bala ng kanyon sa isang giyera sa Mindanao.

“Pagbabala sa kanyon” ang biruan nilang magkapatid sa unang assignment ng kaniyang kapatid.

Hindi lingid sa kaalaman ng marami na ang mga batang recruit ng MND ang unang pinapasugod sa mga war zone upang ‘palambutin’ muna ang puwersa ng kalaban. Matapos ang ilang linggong pagpapalambot, tsaka pa lamang isasangkap ang mga mas beteranong puwersa ng pambansang sandatahan. Pero hinding-hindi sila ipadadala kung hindi pa napalalambot ang unang bugso ng frontal offensive ng mga kalaban.

Naupo si Hoff sa labas ng kanilang gate. Mayroong lumang plastik na upuan dito, na napulot niya sa tambakan sa Payatas II Zone nang minsang naubos ang kaniyang pera’t walang-wala na siyang mapapagkunan ng makakain.

Alas sais ng umaga ang uwi ng kaniyang inang si Elena mula sa pabrika ng kemikal. Dose oras kada araw ang regular na oras ng pasok ng lahat ng manggagawa sa pabrika ng kemikal na araw-gabi’y sumusuka ng nakalalasong usok sa atmospera ng mga siyudad.

Ang dating smog dome na kusang nawawala sa init ng araw tuwing umaga o tanghali, ay permanente nang nakataklob sa langit; isang itim na salakot na hindi na mahubad-hubad ng One Philippine Manila. 

Kinapa ni Hoff ang bulsa ng kaniyang pantalong butas-butas, at hinanap ang kalahating kahang nicotine sticks. Gawa ang nicotine sticks sa India, at nagsilbing kapalit ng klasikong tabako nang hindi na kinakaya ng mga karaniwang mamamayan ang buwis na pinapataw sa regular na tabako. Ang sinisigarilyo ni Hoff, gawa sa iba’t ibang uri ng damo at pinasipsipan na lamang ng sintetikong nicotine upang makapaghatid ng ginhawa sa mga nangangasim na sikmura ng mga naninigarilyo.

Nagsindi si Hoff ng isa at dinama ang pagbaba ng mainit-init na usok sa kaniyang dibdib, patungo sa kaniyang baga.

Mabilis ang talab nito, at kaagad na naramdaman ng binata ang ginhawang hinahanap. Limang taon na rin siyang humihithit ng nicotine sticks, hindi dahil siya’y pumoporma o anoman, ngunit dahil pinapatay ng mga nicotine sticks mula India ang uhaw at gutom, at mas mura pa rin ito sa prutas, gulay, bigas, o tinapay.

Mahigit isang dekada na ang nakalipas nang magkaroon ng matinding depresyon sa Pilipinas, at bumulusok ang lokal na merkado sa kaguluhan at halos permanenteng pagkawasak.

Nawalan ng halaga ang Philippine peso at nagmistulang play money ito sa sobrang baba ng halaga. Bata pa si Hoff noon nang maranasan niyang magbitbit ng kalahati hanggang isang punong supot ng pera para lang makabili ng kaunting pagkain sa mga tindahan. Ang kaniyang ina, natutong magtanim ng mga kabuti isang kuwarto ng kanilang bahay para lamang may makain silang ma-protina.

Sa mga panahong ito natutunan ni Hoff na sumandig sa nicotine sticks, na may iba-iba pang lasa. Madalas, mga prutas na hindi pa niya nakikita o natitikman sa tanan ng buhay niya ang natitikman niya kahit papaano sa mga nicotine sticks: apple, peach, strawberry, orange, lemon. Marami pang klase, depende sa tatak. Ang tatak na gusto ni Hoff, Aasha. Malamig kasi ito sa lalamunan at ‘mixed fruits’ ang bawat kaha.

Maging ang Tsina ay naki-rambol na rin sa merkado’t naglalabas na rin ito ng mga jumbo nicotine sticks na isang oras mo hihithitin bago tuluyang maubos. Gustong-gusto ng mga manggagawa sa mga pabrika ang mga jumbo nicotine sticks at natatagalan nilang hindi na kumain sa buong maghapon, kaunting tubig na lamang kung nawawalan na ng boses sa sobrang pagkatuyo ng lalamunan.

VIRTUS: Unang Yugto (ONGOING)Where stories live. Discover now