CHAPTER 1

10.1K 144 4
                                    

MATAMANG tinitigan ni Janessa ang baso ng caramel macchiato sa mesa niya. Hindi niya malaman kung saan na ba napdpad ang utak niya habang nag-iisip ng mga bagong menu items para sa coffee shop niya. Palagi na lang siyang nakararamdam ng 'emptiness' sa tuwing nagkukulong sa opisina niyang iyon kasama ang isang baso ng kape.

"Ano pa bang kulang sa buhay ko—este sa coffee shop ko?" Natatawa niyang sinapo ang noo. "Hindi ako dapat nag-iisip ng ganito."

Muli siyang natigilan sa pagmumuni-muni nang mabaling ang paningin sa cell phone at maalala ang bilin ng kanyang ama. Gusto na naman nitong pauwiin siya ngayon sa bahay nila. Pinagbigyan na rin niya ito dahil magmula noong lumipat na siya sa itaas na palapag ng coffee shop niya ay hindi na sila madalas na nakakapag-usap.

Janessa Bosetti was the owner-manager-barista-baker-trainer of 'Espresso Your Love,' located inside the walls of Intramuros, Manila, along the streets of Victoria.

Pinili niyang sa loob ng Intramuros magtayo ng coffee shop dahil bukod sa napakaraming universities at colleges ang nakatayo doon ay marami ring mga turista ang namamasyal sa lugar na iyon–dagdag pa na malapit lang din ang coffee shop niya sa isang newspaper publishing company na 24/7 ang operation.

"Ano na naman bang gustong sabihin sa 'kin ni Daddy?" kunot-noong tanong niya habang nakatuon ang paningin sa latte machiatto na inihanda ng isa sa mga bagong barista niya.

"Ano po iyon, Ma'am Jan?" nag-aalangang tanong ng barista. Mukhang nagulat pa ito dahil bigla na lamang siya sumulpot sa production area.

"Wala. Kinakausap ko ang sarili ko," aniya at tumawa. "Magaling kang gumawa ng latte art. Infairness, hindi ako nagkamali ng pagtanggap sa'yo," nakangiting papuri niya sa lalaking empleyado.

Pagkatapos masigurong maayos ang production ng café ay nagpasya siyang pumunta muna sa pinakamalapit na mall para bumili ng pasalubong sa ama at sa mga pamangkin. Minsan na lang siya makadalaw sa bahay nila magmula noong lumipat siya ng tirahan kaya sa tuwing uuwi ay nagdadala siya ng mga pasalubong.

Agad siyang dumeretso sa department store pagkapasok niya sa mall. Malayo pa lang ay tanaw na niya ang asul na polong suot ng mannequin na nakatayo sa bungad ng Men's Section.

Binilisan ni Janessa ang paglalakad nang hindi inaalis ang paningin sa polo.

Sigurado akong bagay kay Daddy–"Aray!"

KUNOT-NOONG lumingon si Ardin sa babaeng nakabangga sa kanya, at nang magtama ang paningin nila ay halos tumagos na sa mga mata niya ang matalim na titig nito.

"Tumingin ka naman sa dinaraanan mo!" galit na sabi ng babae sa kanya.

Nagsalubong kaagad ang kilay ni Ardin sa narinig.

What the?

"Miss, ikaw ang bumangga sa 'kin. Nakatayo lang ako rito at nakikipag-usap sa phone nang bigla kang parang rumaragasang sasakyan na bumangga sa 'kin," iritadong sagot niya naman. "And apparently, you're driving in the wrong lane."

Hindi nakalagpas sa mga mata niya ang bahagyang pag-awang ng bibig nito, kaya bago pa man siya bugahan ng apoy ay mabilis na siyang naglakad palayo.

"Aba! Hindi man lang nag-sorry!" narinig niya pang sigaw ng babae mula sa likuran.

Hindi niya ito pinansin. Muli na niyang ibinalik ang phone sa tenga.

"Who's that?" tanong ng Mama niya mula sa kabilang linya.

Someone I think I know, gusto niyang isagot pero nagpigil siya. Pamilyar ang babae sa kanya pero imposibleng iyon ang babaeng kilala niya.

"Isang babae na hindi tumitingin sa dinaraanan," sa halip ay sagot ni Ardin sa ina.

Shades of ArdinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon