CHAPTER EIGHT

1.4K 70 4
                                    


Kyline’s POV

NAGISING ako na nasa tabi ko si Bianca. Masuyo niya akong pinagmamasdan. Medyo nakaramdam ako ng pagkailang kaya iniiwas ko ang tingin ko sa kanya. Nag-aagaw na ang dilim at liwanag sa labas. “Kanina ka pa ba diyan? Pinapanood mo ba ako habang natutulog?” tanong ko.

Tumango siya. “Oo. Nakaka-amaze lang kasi na nakikita ko ang sarili ko. Ikaw ba, hindi ka namamangha na nakikita mo ang sarili mo tapos may ibang kaluluwa na nasa loob ng katawan mo? Pagdating talaga kay Lord, lahat posible!” anito.

“Kung lahat posible, bakit hindi na lang niya alisin itong sakit mo? Bakit hindi na lang niya ako ginawang mayaman para hindi na ako nahihirapan? Nagawa nga Niya tayong pagpalitin ng katawan, 'di ba? Bakit hindi Niya magawa ang mga bagay na iyon?”

“'Ayan ka na naman, Kyline, e. Kung lahat ay gagawing madali, walang thrill ang buhay. Walang challenge. Boring na. Magiging tamad lahat ng tao. Hindi ba’t palagi kong sinasabi sa iyo na lahat ng nangyayari ay may magandang reason. Hindi pa natin nakikita ngayon ang reason na iyon pero kapag dumating na ang time na iyon, masasabi na lang natin sa sarili natin na… Ah, kaya pala. Just trust His plans and you’ll never go wrong.”

“'Wag mo nga akong ini-English diyan.”

“Oo nga pala, hindi pa ako nakakapagpasalamat sa iyo sa pagpapaunta mo dito. Thank you, Kyline. Bakit mo pala ako pinapunta dito? Dahil ba sa nag-aalala ka kung nahihirapan na ako sa buhay na meron ka? Iyon ba ang reason?”

Umiling ako sabay irap. “Assuming ka rin, 'no? Hindi. Iniisip ko kasi na baka nami-miss mo na ang mommy at daddy mo. Kahit naman nasa katawan mo ako, ayokong ipagdamot sila sa iyo. Ikaw pa rin ang anak nila. Hindi naman ako ganoon kasama.”

“Wala naman akong sinabing masama ka, a. Saka hindi ka naman talaga masama. Hindi ko naman iniisip na ipinagdadamot mo sila. Pero, salamat pa rin talaga. Si tatay mo nga pala, hindi ko pa siya nadadalaw sa kulungan. Baka bukas pupunta ako doon. Tapos babalitaan kita kung ano na ang lagay niya.”

“S-salamat…”

Isang mahabang katahimikan ang namagitan pagkatapos niyon. Nakatingin lang ako sa kawalan habang si Bianca ay nakatingin lang sa akin. Para siyang timang na nakangiti.

“Ano nga pala ang ipinagdasal mo kanina sa simbahan?” untag ni Bianca.

Tumingin ako sa kanya. “Ipinagdasal? Nakita mo ba akong lumuhod kanina? Wala akong ipinagdasal sa Kanya sa simbahan. Bakit pa? E, pinahirapan lang naman Niya ako kaya nga nagpakamatay ako, 'di ba?”

“Iyan… Iyang pagpapakamatay mo ang maling-mali, Kyline. 'Buti at nabanggit mo ang tungkol diyan. Gusto ko lang sabihin sa iyo na kahit gaano pa kabigat ang problema na dinadala mo, hindi solusyon ang suicide. Mas lalo pa nitong papalalain ang sitwasyon. Hindi mo ba naisip na may mga taong mas mahirap ang pinagdadaanan kesa sa iyo ngunit mas pinipili nilang lumaban at mabuhay.”

“E, ikaw, Bianca… Bakit sa kabila ng sakit mo ay lumalaban ka pa rin? Bakit kahit alam mong mamamatay ka na ay positibo pa rin ang pananaw mo sa buhay?”

“Dahil ganoon nga ang iniisip ko. May mga taong mas mahirap ang pinagdadaanan sa akin kaya nakakahiya naman kung gugustuhin kong mamatay na lang. Gusto ko pang mabuhay ng matagal, Kyline. Marami pa akong gustong gawin. Ikaw ba, kaya ka ba nagtangkang magpakamatay kasi wala ka nang gustong gawin sa buhay mo? Kuntento ka na ba na hanggang diyan ka na lang?”

Grabe naman magsalita itong si Bianca. Para siyang imbestigador. Ngunit napaisip ako sa tanong niya na iyon, ha. Siyempre, hindi naman ako kuntento na hanggang dito na lang ako. May mga pangarap pa ako na gusto kong magkaroon ng katuparan. Katulad ng gusto kong makatapos hanggang college. Para magkaroon ako ng maganda at maayos na trabaho. Tapos kapag kumikita na ako, kung buhay pa sana ng nanay ko ay bibigyan ko siya ng negosyo. Si tatay naman, alam ko marunong siya mag-drive kaya ibibili ko siya ng jeep para makapagpasada siya. Atleast, kapag abala na sila sa ibang bagay ay baka hindi na nila maisipan pa ang gumamit ng drugs. Mag-iipon din ako para makaalis na kami sa squatter. Ayoko naman na tumanda sila na nandoon pa rin sila. Simple lang naman ang pangarap ko, e. Ang guminhawa kahit papaano ang buhay namin. Sayang nga lang at wala na si nanay…

Heaven Can WaitTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon