Part 9

10K 319 12
                                    

"IBANG klase, kahit lasa ng ice cream dito, iba. Mas malinamnam at masarap," bulalas ni Alaina sa pagitan ng pagsubo sa ice cream na nakalagay sa glass bowl at kailangan kutsarain. Nakaupo na sila sa loob ng ice cream café, malapit sa glass wall kasi gusto niyang makita pa rin ang nasa labas habang kumakain sila. Nasa pandalawahang lamesa sila ni Randall dahil kahit anong alok ang gawin niya kay Salem tumanggi ang lalaki na saluhan sila sa pagkain. Nakapuwesto lang ito ilang metro ang layo mula sa kanila at tila estatwang nakatayo.

"It tastes normal to me," komento ni Randall na napilit niyang bumili rin ng ice cream para sa sarili nito.

Sa tuwing sumusubo ito hindi niya maiwasang mapatitig dito. Si Randall lang yata ang nakita niyang kahit pagkain ng ice cream may finesse. O mas tamang sabihing, kontrolado at measured. Kaya pa naman niya hinamon ang lalaki na kumain ng ice cream ay para makapag-relax ito kahit papaano.

Oh well, hindi naman ganoon kadali balewalain ang nakasanayan na niya ng buong buhay niya. At least, nakalabas sila sa araw na iyon kaysa magkulong uli sa mansiyon. Kaya sumubo na lang uli si Alaina ng ice cream at muling napa-ungol sa sarap. Nakangiting sumubo na sana siya uli nang mapansin niyang titig na titig sa kaniya si Randall.

"Bakit?" takang tanong ni Alaina bago marahang isinubo ang kutsara at ninamnam ang ice cream.

"The way you eat makes it looks like yours tastes better," sabi ni Randall.

Napatingin siya sa ice cream nito at natawa. "Pareho lang kaya ang flavor ng ice cream natin."

"No. Mine tastes bland," pagmamatigas ni Randall na bahagya pang inilayo sa sarili ang glass bowl.

Umangat ang kilay ni Alaina. Then she scooped her ice cream and offered it to him. "O tikman mo, pareho lang ng lasa," sabi niya.

Napatitig sa kaniya si Randall. Siya naman ay natigilan at nanlaki ang mga mata nang mapagtanto kung ano ang nasabi at ginawa niya. Masyado siyang nag-e-enjoy at nawala sa isip niya kung sino ang kasama niya. "Sorry," nausal ni Alaina at binawi ang kamay na may hawak ng kutsarang may ice cream.

Napasinghap siya nang bago pa niya tuluyang maibaba ang kamay ay nahawakan na ni Randall ang palapulsuhan niya. Umawang ang mga labi niya nang marahan nitong hatakin palapit ang kamay niyang hawak pa rin ang kutsarang may ice cream. Nahigit ni Alaina ang paghinga nang isubo ni Randall ang kutsara. Pagkatapos ay tumingin sa kaniya ang lalaki bago marahang inalis iyon mula sa bibig nito.

Bumilis ang tibok ng puso niya at nag-init ang mukha niya sa tinging ipinupukol sa kaniya ng lalaki. Lalo na at bigla niyang nadama na parang may naiba dito. His eyes became expressive and hot. At ang aura ni Randall na tila palaging ayaw magpalapit ng kahit na sino ay nawala. He suddenly felt intimate kahit pa nabitawan na nito ang kamay niya.

Tumikhim si Alaina upang kalmahin ang puso niya. Pasimple rin niyang hinaplos ang bahagi ng kamay niyang hinawakan ni Randall. Para kasing nararamdaman pa rin niya ang mga daliri nito roon. "So? Pareho lang ng lasa hindi ba?" basag niya sa tensiyonadong katahimikan na namagitan sa kanilang dalawa.

Pinaraan ni Randall ang hinlalaki sa gilid ng mga labi nito at tila ninanamnam pa ang kinain bago marahang tumango. "Yes. It's the same."

"Sabi ko na sa iyo eh," sagot ni Alaina.

Naging matiim na naman ang tingin ni Randall sa kaniya. "Then, the different one must be you," usal nito na tila sarili ang kausap.

Nagliparan ang mga paru-paro sa sikmura niya sa sinabi nito. At sa pagkamangha ni Alaina ay may sumilay pa na munting ngiti sa mga labi ni Randall. Hindi na niya nagawang alisin ang pagkakatingin sa mukha nito. Hindi pa iyon malawak na ngiti subalit napakalaki na ng ipinagbago ng ekspresyon sa mukha ni Randall dahil doon. For once he looks like an eighteen year-old.

Natagpuan tuloy ni Alaina ang sarili na nakangiti na rin. "Kung makikita mo ang sarili mo sa salamin ngayon, ma-re-realize mo na mas bagay sa iyo ang relaxed at nakangiti," usal niya.

Nagtama ang mga mata nila ni Randall at akala niya papalisin na nito ang ngiti at muling seseryoso. Subalit muli ay ginulat siya ng lalaki nang sumandal pa ito sa backrest ng silyang inuupuan nito at lalong naging relaxed ang ekspresyon sa mukha na humalukipkip. "You think so?"

Tumango siya at lalong lumawak ang ngiti. "Ang totoo, mula noong unang beses na dumating kami ni papa sa mansiyon ninyo, ang naging challenge ko sa araw-araw ay ang mapangiti ka. Kaya masaya akong makita na kahit papaano nagawa kitang pangitiin ngayon. It makes me feel so accomplished," amin ni Alaina.

"Why?" tanong ni Randall.

"Ha?" litong usal niya nang mapansing titig na titig na naman sa kaniya ang lalaki.

"Why do you want me to smile?"

Hindi nakahuma si Alaina at napatitig na lang din kay Randall. Bakit nga ba gustong gusto niyang makita ang ngiti nito? Bakit nga ba palaging ang lalaki ang nasa isip niya? It's as if she... like him. Nag-init ang mukha niya sa rebelasyong iyon. Gusto niya si Randall. Kaya gusto niyang maging masaya ito. Pero hindi niya iyon maaaring sabihin sa lalaki.

"You haven't answered my question," untag ni Randall.

Nakagat ni Alaina ang ibabang labi habang nag-iisip ng isasagot. Kaya lang na-blangko na naman siya nang makitang bumaba ang tingin nito sa mga labi niya. Parang may humalukay sa sikmura niya at tumikhim siya upang kalmahin ang sarili. "Hindi ko alam kung paano sasagutin ang tanong mo," nahihiyang usal niya.

"Why?"

Huminga siya ng malalim at sinalubong ang tingin ni Randall. "Kasi minsan may mga pakiramdam na mahirap ipaliwanag. Sometimes an urge will fill up your heart whenever you think of someone, pero kapag pilit mong hinanapan ng rason kung bakit mo iyon nararamdaman, you cannot put it into words." Napangiwi si Alaina. "I think I'm not making any sense. Sorry."

Ilang segundo ang lumipas bago dumeretso ng upo si Randall at nagsalita, "No. I get what you mean." Pagkatapos ay pinukol siya nito ng makahulugang tingin na nagpabilis sa tibok ng puso niya. Napamaang na lang tuloy siya sa lalaki.

Gusto pa sana niyang magtanong kung ano ang ibig nitong sabihin pero naunahan na siya nitong magsalita. "Finish your food. Then let's check out the other amenities since we are already here," utos ni Randall.

"Okay," mabilis na sagot na lang ni Alaina at binilisan ang pagkain ng ice cream. Sa totoo lang kasi nakahinga siya ng maluwag na naalis ang usapan nila sa nararamdaman niya para sa lalaki. Ayaw pa niyang pakaisipin iyon. Ang mahalaga lang sa kaniya sa ngayon ay mukhang pareho naman silang masaya sa company ng isa't isa.

REMEMBER YESTERDAYWhere stories live. Discover now