Wattpad Original
Mayroong 7 pang mga libreng parte

Chapter 2

13.9K 464 84
                                    

CHAPTER II

Nang umahon ako ay nakita ko si Sophia na nakaupo sa may tabing-dagat at sa tabi niya ay ang tuwalya ko.

Nakahalumbaba siya at nakatukod sa mga tuhod niya ang siko niya. Tumatakas ang ilang hibla ng buhok niyang nakapusod na tinatangay ng hangin at bahagya iyong humaharang sa kanyang mukha.

Sumimangot ako nang makita ko siyang ngumiti. Lumapit ako sa kanya at tumayo sa harap niya. Dinampot ko ang towel at ikinuskos ko sa buhok ko.

"Ano namang ginagawa mo rito?" tanong ko at lumakad ako papalayo sa kanya. Napansin ko siyang tumayo at sumunod siya sa akin.

"Alam kong dito ka pupunta sa bahaging ito ng beach. Lagi kang narito kapag wala ka sa bahay niyo. Nagtatago ka rito palagi kapag ayaw mong may makakita sa 'yo," sabi niya. Napansin kong nakayapak siya at medyo nakatingkayad dahil sa mainit na buhangin.

Tumigil ako sa paglalakad at binuhat siyang parang sako ng bigas at itinakbo sa may masukal na bahagi ng beach kung saan malilong at wala masyadong tao na nagagawi. Maraming puno ng niyog ang tumatabing sa sikat ng araw.

Tumututol pa siya pero wala rin naman siyang nagawa dahil nabuhat at naitakbo ko na siya. Amoy prutas siya at naamoy ko rin ang shampoo na ginamit niya. Humahalo iyon sa amoy ng dagat at ng kagubatan. Mariin akong pumikit at minura ang sarili. Iwinaksi ko ang kung ano mang makamundong ideya na naglalaro sa aking isipan.

"Nasaan ang sapatos mo?" tanong ko sa kanya nang maibaba ko siya.

"N-nasa bahay niyo," sabi niya. Namumula ang pisngi niya at hindi ko masabi kung dahil sa akin o dahil sa mataas na sikat ng araw.

"Alam ba ng Mama na narito ka?" tanong ko sa kanya.

"Oo, ang sabi ko ay hahanapin kita rito sa tabing-dagat," sagot ni Sophia.

"Kung ganoon ay dapat bumalik na tayo kaagad, baka isipin ni Congressman na kung ano na ang ginawa ko sa anak niya. Marami pa namang tsismis ang kumakalat dito sa bayan," sabi ko at tinunton ang daan pabalik sa bahay.

"Galit ka pa rin ba sa 'kin?" narinig kong sabi niya sa kabila ng malakas na hangin at hampas ng dagat.

Tumingin ako sa kanya at sarkastikong ngumiti. Hindi ako sumagot at nagpatuloy lang sa paglalakad. Mabilis ang mga naging hakbang ko at alam kong naiiwanan ko na siya.

Nang lingunin ko siya ay may dalawampung metro na ang layo niya sa akin at nakita kong nakatuon ang kamay niya sa isang puno ng niyog habang sinisipat ang kanyang paa. Malinaw ang mga mata ko para magkamali kung ano nga ang nakikita ko.

Dumurugo ang paa niya. Patakbo akong bumalik sa kanya at kaagad na tiningnan ang sugat niya.

"Ano na namang ginawa mo?" mataas ang tonong tanong ko sa kanya.

"Hindi ko alam. Naramdaman ko na lang na mahapdi na ang paa ko, pagtingin ko ay dumurugo na," sagot niya na parang hindi man lang iniinda ang sakit.

Matapang talaga sa mga ganito si Sophia. Hinding hindi siya mahihintakutan man lang kahit na may mga ganitong pangyayari. Pero pilit man niyang ikubli ay hindi niya iyon maitatago sa akin. Kitang kita ko kapag may tinitikis siya katulad ngayon.

"Bakit 'di mo sinabi?" tanong ko na ganoon pa rin ang tono.

"Sinabi ko kaso malayo ka na, hindi mo ako narinig."

Binuhat ko na naman siya. Sana ay binuhat ko na lamang siya mula pa kanina.

"Para tayong bagong kasal," bulong niya habang nakapaikot ang mga braso sa leeg ko.

Black WaterTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon