"Haaayyy... Hindi ko na alam ang gagawin ko beshie, ito naman kasing kagagahan ko eh." iritable nitong saad habang napapakamot pa ng kanyang ulo.

"Hahaha! Text pa more! Yan napapala ng maharot mong puso, lokaret ka kasi eh. Tingnan mo ako hanggang ngayon nananatiling-lihim pa rin 'yung nararamdaman ko para kay J..." bigla namang natigilan si Nicole nang balingan siya ng kanyang kaibigan.

"Sino?" nagtatanong ang mga matang turan ni Raine sa dalaga.

"W-wala, sige na beshie ayan na 'yung music room ohh!" mabilis niyang sambit dito bago humalik ng mabilis sa pisngi ng kanyang kaibigan. "Babye!" pamamaalam pa niya rito bago kumaripas ng takbo.

Hinihingal na napasandal na lang si Nicole sa pader nang makalabas siya ng hallway, kabadong napahawak na lang ang dalaga sa kanyang dibdib na sobra kung kumabog dahil sa matabil niyang dila,

"Letsugas ka Nicnic, ipapahamak ka pa ng matabil mong dila!" iritableng saad niya bago pinakalma ang kanyang kumakabog na sistema.

Nang makapagpahinga ay nagsimula nang muling maglakad papalabas ng eskwelahan si Nicole. Abala ang dalaga sa pagkakalikot ng kanyang telepono, nang biglang may humablot nito.

"Hoy cellphone ko 'yan!" gulat niyang bulyaw rito, ngunit ang mas ikinagulat naman niya ay ang bagong imahe ng taong humablot sa kanyang telepono, "J-josh?" nagtatanong ang mga matang turan niya rito.

"Hi Nicnic..." nakangiting bati naman nito sa kanya sabay kumindat pa.

"P-papaanong... Anong... K-kailan ka pa..." mga tanong na gustong isambit ni Nicole ngunit hindi niya alam kung paano niya itatanong ang mga bagay na iyon, dahil hindi talaga siya makapaniwalang iba na ang itsura ni Josh ngayon.

Ibang-iba ang awra nito ngayon kumpara sa Josh na nakilala't naging kaibigan niya noon. Nawala na ang makapal na nerdy-glasses nito na dati't tumatabing sa kulay brown nitong mga mata, kaya't lumabas ang angkin nitong kagwapuhan.

Iba na rin ang pormahan ni Josh ngayon, kung dati ay ayos na ayos ito sa pananamit ng kanyang polo, ngayon naman ay binuksan nito ang dalawang bahagi ng kanyang butones sa taas, dahilan para mag-iba ang dating ng suot nito at mag-itsurang matikas.

"J-josh wow! Hindi kita nakilala." hindi makapaniwalang saad niya rito at pilit sinisipat pa ang kabuuan ng kanyang kaibigan.

Tanging ngiti ang isinagot nito sa kanya bago siya ura-uradang inakbayan, "Tara Nicnic, kain tayo sa labas, my treat." preskong anas ni Josh kaya't wala sa sariling napatango na lang ang dalaga.

Halos mabingi na si Nicole sa lakas ng kalabog ng kanyang dibdib, parang may mga aso't pusang naghahabulan sa kanyang kalooban, kaya't hindi mapawi ang kabang kanyang nararamdaman ngayon.

Isama mo pa ang kakiligan dahil sa unang pagkakataon, ay nagkalapit ang kanilang mga katawan ng binata't inakbayan p siya ni Josh, na parang magkasintahan lang sila kung titingnan.

Napansin ni Nicole na halos lahat ng madaanan nilang kababaihan, ay nagniningning ang mga matang sinusulyapan si Josh. Samantalang pagbaling sa kanya ay mga nasusuklam na tingin ang ginagawad ng mga ito sa kanya.

"Josh tanggalin mo na nga 'yung braso mo sa balikat ko." inis niyang anas dito habang pilit na tinatanggal ang kamay ng binata sa kanyang balikat.

One Sided Love ✔️Where stories live. Discover now