Chapter Thirty

Magsimula sa umpisa
                                    

Napansin ko ang swerong nakaturok sa likod ng kamay ko at bigla kong naalala kung nasaan ako at kung bakit ako nandito. 

"Si baby? Kumusta ang baby ko? Okay naman siya, di ba?" Tanong ko sa kanila.

Hindi nakakibo si Mammy at Ninang. Nakita ko ang pagbagsak ng mga mukha nila. Parang may kung anong gumuhit sa dibdib ko. Nasagot na ng reaksyon sa mga mukha nila ang tanong ko. Pero umaasa pa rin akong okay lang si baby. Na siguro masyado lang akong nag-alala at kung anu-anong pumapasok sa isip.

"My, okay ang naman si baby Migs, di ba? Kinakausap ko pa nga siya kanina. Kinausap pa siya ni Migs kanina noong tumawag siya." Ipinatong ko ang mga palad ko sa tiyan. "My, wala naman nangyaring masama sa kanya, hindi ba? Nandito pa rin siya."

"Saskia, nakunan ka... Wala na ang bata..." Nanginginig ang boses na sabi ni Mammy.

Sunod-sunod akong umiling. Pakiramdam ko pinagsakluban ako ng langit at lupa sa narinig ko. Paano ako makukunan. Inaalagaan ko naman ang sarili ko para kay baby. Iniinom ko naman lahat ng gamot na inireseta ng doktor sa akin, umiinom naman ako ng gatas, kumakain naman ako sa oras, sinusunod ko naman lahat ng sinabi ng doktor na gawin ko. Ni hindi na nga ako humawak kahit isang stick ng yosi simula nang malaman kong buntis ako.

"Hindi totoo yan!" Humagulgol na ako. "Baka nagkamali lang sila, My. Hindi pwedeng mawala ang baby ko!"

"Shh... Huminahon ka. Baka mabinat ka." Niyakap ako ni Mammy.

"My, Nang, hindi totoo yung sinasabi niyo. Nandito pa ang baby ko. Gusto kong makausap ang doktor! Nagkamali lang sila, My. Inaalagaan konaman ang sarili ko! Ginawa ko ang lahat ng sinabi nilang gawin ko!" Humihikbing sabi ko.

Ipinihit ni Ninang ang ulo niya palayo sa akin at pasimpleng pinunasan ang luhang namumuo sa gilid ng mga mata niya. Hinigpitan naman ni Mammy ang yakap sa akin at sinubsob ko ang mukha ko sa balikat niya at doon ko pinakawalan ang lahat ng luhang kaya kong iiyak.

"Baka hindi lang talaga para sa'yo si baby, anak..." Naiiyak na sabi ni Mammy.


Hindi pa rin tuluyan matanggap ng puso at isip ko ang pagkawala ng baby namin ni Migs. Sabi ng doktor kailangan ko daw manatili muna kahit isang araw lang dito sa ospital para maobserbahan. Duduguin daw kasi talaga ako sa gamot na ibinigay nila para masigurong mailabas na lahat ng kailangan ilabas. 

 Inisip ko na siguro pinarurusahan ako ng Diyos dahil sinira ko ang relasyon ni Migs at ni Hazel. Na tinuturuan niya ako ng leksyon kasi masamang babae ako. Kahit hindi ko pa nakikita ang baby namin, minahal ko na siya. Nakaisip na nga kami ng pangalan para sa kanya. Hindi pa siya buong tao, buong-buo na siya sa isip at puso ko. Naiisip ko na kung ano ang itsura niya, naiisip ko na na katulad din siya ng Daddy niya na matalino. Hindi ko alam na hindi man lang namin siya masisilayan.

Naisip ko si Migs. Nasa ibang bansa siya ngayon at wala siyang kaalam-alam ngayon na wala na ang baby namin sa sinapupunan niya. Hindi ko alam kung paano ko ipaliliwanag sa kanya pag-uwi niya na wala na si baby. Iningatan namin siya. Ibinigay ni Migs lahat ng kaya niyang ibigay para sa baby namin. Minahal niya ang baby namin. Ilang buwan pa lang siyang nasa tiyan ko pero halos kumpleto na ang mga gamit niya. 

Paano ko sasabihin sa kanya ang lahat? Baka isipin niya nawala lang siya pinabayaan ko na ang sarili ko. Baka sisihin niya ako sa pagkawala ng baby namin. Baka magalit siya sa akin. Kung anu-ano ang tumatakbo sa isip ko.

Para akong masisiraan ng bait nang mga panahon na iyon. Gusto kong umiyak at magwala. Gusto kong magalit sa sarili ko sa nangyari dahil pakiramdam ko ako ang dahilan kung bakit nawala si baby. Pabaya kasi akong ina. Hindi ko maiwasan isipin na may mali din akong nagawa. Baka naman kasi nawala si baby kasi hinayaan ko ang sarili kong malipasan ng gutom noong isang araw o hindi kaya yung nakalimutan kong uminom ng gatas bago ako matulog noong nakaraang linggo o di naman kaya yung pagpupuyat ko.

Lipstick LullabyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon