15

5.7K 162 4
                                    

"BAKIT nakatitig ka sa akin?"

Napakurap si Luchi sa katanungang iyon. Nasa loob pa rin sila ng kuwarto ng lalaki—hindi pa nga pala niya naitatanong ang pangalan nito. Nakahiyaan na kasi niya dahil sa pagpuna nito sa pagiging agresibo ng kanyang suot.

"Para kasing nakakapanibago kapag nagsasalita ka ng English. Parang... mas bagay sa 'yo ang mag-Tagalog," palusot niya.

Tumawa ang lalaki. "Sa unibersidad, hindi lang mga Filipino ang estudyante ko. May Pranses, Aleman, at Ingles sa klase ko. Kaya kinailangan ko ring aralin ang lengguwaheng 'yon."

"Ilang taon ka na ba?"

"Treinta anyos na ako," sagot ng lalaki. "Ikaw?"

"Twenty-five pa lang."

Tumaas ang isang kilay nito. "Hindi halata. Mapagkakamalan ka pang nasa beinte o beinte-uno."

Walang kasinluwang ang naging ngiti ni Luchi. "Magaling ka palang mambola, Ginoo."

"Nagsasabi ako ng totoo, Binibini."

"Luchi."

"Ha?" nagtatakang usal ng lalaki.

Ngumiti siya. "Luchi ang pangalan ko. Ikaw? May pangalan ka ba o palayaw na puwede kong itawag sa 'yo?"

"Trey. Tawagin mo na lang ako sa pangalang 'yan."

Tumango-tango siya. "Trey. Nice name." Ngumiti uli siya. "So, para saan nga pala 'yong kasiyahan sa labas? Ano'ng okasyon?"

"Kaarawan ng aking ama."

"Eh, ba't hindi mo samahan ang papa mo na magsaya roon?"

"Hindi kita maaaring iwang mag-isa rito."

Hindi mapigilan ni Luchi na mangiti. "Okay lang naman sa 'kin na maiwan muna."

Ilang sandaling nawalan ng imik si Trey. At kung kailan magbubukas na lang sana siya ng ibang topic ay saka ito nagsalita.

"Siguro nga ginawa lang kitang dahilan upang piliin kong hindi na muna magpakita sa tao sa labas. Hindi ko lang talaga kasi gusto ang tinatakbo ng usapan nila."

"Bakit naman?"

Bumuntong-hininga ang lalaki. "Pinag-uusapan ng aking mga magulang ang pagpapakasal ko."

Muntik nang malaglag si Luchi mula sa kinauupuan. "I-ikakasal ka na?" Parang mas hindi iyon katanggap-tanggap kaysa sa pagkakapadpad niya sa panahong iyon.

Kaswal na nagkibit-balikat si Trey. "Kagustuhan ng Papa. Ipinagkasundo niya ako sa anak ng matalik niyang kaibigan."

"At pumayag ka naman?" Parang gusto niyang magprotesta.

"Matagal ko nang kilala ang babaeng napipisil nila na pakasalan ko. Kababata ko siya. Walang dahilan upang tumanggi ako."

Ganoon na lang ang kanyang pag-iling. "May dahilan, lalo na kung hindi mo naman mahal 'yong babae."

Muling nagkibit-balikat ang lalaki.

"Mahal mo ba?"

Tumawa ito nang walang kabuhay-buhay. "Mahalaga pa ba 'yon?"

"Siyempre. Paano kayo magsasama nang maayos kung absent ang love?" nandidilat na tanong niya.

"Bata pa lang kami ay ipinaalam na sa amin na darating ang araw na ito kung saan kailangan naming magpakasal upang pag-isahin ang aming angkan. Sa mga lumipas na taon, hindi naman mahirap para sa akin na gustuhin siya."

Bigla-bigla, parang naghingalo ang puso ni Luchi. "Gano'n naman pala. Eh, di masaya."

"Bilang kaibigan lang," dugtong nito.

Muling nabuhay ang kanyang hasang. "Eh, di mas masaya."

"Ano ang ibig mong sabihin?"

"Ha? Ah, Eh..." Hindi na naituloy ni Luchi ang sasabihin nang makarinig sila ng sunod-sunod na katok sa pinto.

"Sino 'yan?" tanong ni Trey sa kung sino mang nasa labas.

"Si Vendalou ito. Maaari ba kitang makausap?"

"Magtago ka na muna," bulong ng lalaki kay Luchi.

Saka lang niya naalala ang sitwasyon. Wala nga palang puwedeng makaalam na nandoon siya. Baka maakusahan siyang kerida.

Siguradong umaatikabong tsismis iyon.

"Saan ako magtatago?" Palakad-lakad siya sa loob ng kuwarto.

"Sa ilalim." Itinuro ni Trey ang kama.

Ganoon na lang ang pag-iling ni Luchi. "Baka may gagamba! Takot ako sa kahit anong gumagapang."

Muling kumatok ang nasa labas. "Papasok ako, ha? May importante lang akong sasabihin."

"Bilis na, magtago ka," utos ni Trey na halos ipagtulakan siya.

Walang choice si Luchi kundi sumunod. Pikit-matang gumapang siya papasok sa ilalim ng kama. Saka niya narinig ang pagbukas ng pinto. Sumilip siya buhat sa ilalim ng kama. Laylayan ng bestida lang ang nakikita niya.

"May kausap ka ba kanina?" tanong ng babaeng kapapasok lang. Walang kasinghinhin ang boses.

"Wala. Bakit?"

"Para kasing may kausap ka. 'Wag mo nang isipin. Baka nakaringgan ko lang."

"Ano ba ang mahalagang bagay na sasabihin mo?"

Kung pagbabasehan ang paggalaw ng laylayan ng bestida, mukhang lumapit si Vendalou kay Trey.

"Noon pa man, batid mo nang pagtinging-kaibigan lang ang kaya kong ialay sa iyo. Maliban doon, wala na." Humugot si Vendalou ng malalim na hininga. "Hindi ko kayang ituloy ang kasalan."

"Ano?!" Nagtaas ng boses si Trey. "Aatras ka sa napagkasunduan ng mga magulang natin? Bakit? Bigyan mo ako ng mabigat na rason upang segundahan ang kagustuhan mong pag-urong sa kasal natin."

Kumunot ang noo ni Luchi. Kung pagbabasehan kasi niya ang mga sinabi ng lalaki, parang tutol na tutol ito sa balak ni Vendalou na pag-atras sa kasalan.

Nasaan ang sinasabi ni Trey na pagtinging-kaibigan lang din ang tingin nito sa fiancée? Bakit astang sawi ito ngayon?

"Hindi kita iniibig."

Nanlisik ang mga mata ni Luchi sa dilim. Parang gusto niyang sabunutan si Vendalou sa haba ng buhok nito.

"Matagal ko nang alam 'yan. Bigyan mo ako ng panibagong dahilan," giit ng lalaki.

Matagal na namayani ang katahimikan sa loob ng kuwarto.

Si Vendalou ang bumasag niyon. "Matagal ko nang naipangako ang puso ko sa iba. Patawarin mo ako, Dimitri."

Natigilan si Luchi sa pangalang narinig.

Dimitri...

Tama ba ang dinig niya?

LsdException Lu>

Old Photos And Crinkled Love Letters COMPLETED (Published by PHR)Where stories live. Discover now