3

7.8K 195 1
                                    


December 17, 2015

NAGISING si Luchi nang mauntog sa upuan sa kanyang harap.

Hawak ang sariling noo nang ilibot niya ang tingin sa sinasakyang bus. Biyaheng Quezon iyon, ang kanyang destinasyon.

"Ano ba 'yan, mama? Mag-ingat naman po kayo sa pagmamaneho. May mga bata kayong pasahero," reklamo ng ginang na katabi ni Luchi. May kandong itong batang lalaki na sa tantiya niya ay apat o limang taong gulang.

"Pasensiya na ho, Misis. Malubak lang talaga ang daan," paliwanag ng konduktor na nakatayo sa harapang bahagi ng bus at ibinabalanse ang katawan habang nagbibigay ng sukli sa mga pasahero.

Hindi na sumagot ang katabi ni Luchi at umingos lang.

Pero wala na roon ang kanyang pansin. Lumilipad na ang isip niya sa kung saan—papunta sa lugar na hindi niya sigurado.

Unknown.

Pang-ilan na ba ang panaginip na iyon? Hindi na niya mabilang. Hindi na niya binilang. Dahil wala na siguro iyong katapusan. Habang buhay na siguro siyang mananaginip ng mga pangyayaring hindi niya sigurado kung may ibig ipakahulugan.

Sa paglipas ng mga taon, hindi iilang beses na napanaginipan ni Luchi ang lalaking iyon. May pangyayaring nakakausap niya ito pero hindi niya makita ang mukha. Kung hindi bandang ibaba lang ng mukha nito ang maaalala niya, nasa malayuan naman ang lalaki at blurred sa kanya ang hitsura nito.

Pero hindi roon nagtatapos ang kalbaryo ni Luchi. Dahil sa bawat pagdilat, nandoon ang emptiness na hindi niya maipaliwanag at ang kalungkutan na hindi niya maintindihan. May mga pagkakataon pa ngang nagigising siyang umiiyak na pala.

Dala kasi niya ang hapdi tuwing gumigising. Ramdam niya ang pait at ang hirap.

Dahil sa bawat panaginip, kahit gaano pa kaganda ang naging simula niyon, sa huli, paulit-ulit lang na mangyayari ang tagpong iyon—kasama ng lalaki ang babaeng iyon, habang nasasaktan siyang nakamasid sa mga ito.

Sino ba talaga ang lalaki sa kanyang panaginip? Ano ang koneksiyon nito sa buhay niya? Bakit sa loob ng sampung taon, hindi na siya pinatahimik ng imahe nito? Ng boses? Mabuti sana kung malinaw, pero hindi. Minsan pa nga, boses lang nito ang naririnig niya sa panaginip.

Sampung taon.

Sampung taon na niyang kalbaryo iyon sa bawat pagpikit. May mga pagkakataong pinanabikan niya ang mga weird na panaginip, may pagkakataon ding kinatatakutan na. Inaayawan na.

Pero sa tuwing magigising, maalala man ang panaginip o hindi, iisang pakiramdam pa rin ang mararamdaman ni Luchi—emptiness.

Na parang kahit ano ang mangyari sa mga pangarap niya—makuha man o hindi, kahit ano ang marating o kung sino man siya ngayon, hindi pa rin siya mabubuo.

Dahil may bagay pa ring kulang sa kanyang buhay.

O baka sa nakaraan niyang buhay?

Past life.

Lahat daw ng tao, may ganoon. Past life, sabi ni Google. Lahat ay may nakaraang buhay na nakahiwalay sa kung anong buhay meron tayo ngayon. Buhay noon na kaiba ang takbo sa naging kinalabasan ng buhay ngayon. Buhay na mananatili na lang sa nakaraan dahil sa patuloy na pag-usad ng kasalukuyan.

May ilang tao raw na nakakaalala sa mga buhay na mayroon sila bago pa man sila muling isilang, sa ibang katauhan na. Reincarnation ang tawag doon, sabi uli ni Google.

Kung ganoon, posibleng reincarnation siya ng kung sinong babae na biktima ng one-sided love.

Uso na pala ang unrequited love noong unang panahon?

Napangiti nang malungkot si Luchi. Kawawa pala siya noong una bago pa siya maging si Luchi Brandino. Nakikihati ng kahit kaunting pagtingin.

Biglang nag-vibrate ang cell phone sa kanyang bulsa.

Si Khaila ang nag-text—bff niya.

Text mo 'ko 'pag nasa Quezon ka na. Hihintayin kita sa terminal. Ingat. See you! J

Simpleng K at Thanks na may kasamang smiley ang reply ni Luchi.

Dahil sa mga panaginip na iyon, pa-Quezon siya ngayon.

Madalas kasi niyang marinig sa kanyang Lolo Faustino noon na baka kaya hindi matahimik ang isang tao sa kasalukuyan ay dahil may bagay itong kailangang ayusin sa nakaraan. O kaya ay balikan.

Dati, tinatawanan lang ni Luchi ang ideyang iyon. Pero ngayon, wala na siyang iba pang paliwanag na puwedeng kapitan. Siguro nga, tama si Lolo Faustino. Kailangan niyang balikan ang nakaraan. Mali, kailangan niyang balikan ang lugar kung saan sa tingin niya ay dahilan kung bakit nababagabag siya ngayon.

Sa lugar kung saan ninenok niya mula sa isang lumang baul ang mga lumang litrato at gusot na love letters. Dahil sa pagkakatanda ni Luchi, nang gabi ring iyon pagkatapos ng field trip, una niyang nakita ang malabong mukha ng lalaki sa kanyang panaginip.

Kaya kailangan niyang balikan ang lugar na iyon.

Eksaktong sampung taon na ang nakararaan.

Old Photos And Crinkled Love Letters COMPLETED (Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon