8

5.9K 152 0
                                    

NAPANAGINIPAN na naman kita. Nando'n ka na naman sa lugar kung saan, akin ka. Siguro nga'y hindi sapat ang mga bukas upang limutin ka.

Iyon ang nakalagay sa sulat na namulatan ni Luchi. Hindi niya namalayang nakatulugan na pala niya ang muling pagbabasa sa mga sulat.

Pero pagkalipas lang ng ilang segundo, nakaramdam siya ng pagkahilo. Nahilot niya ang sentido habang bumabangon. Nagpagpag siya ng unseen alikabok sa braso at likod, pagkatapos ay dinampot ang mga nagkalat na sulat sa ibabaw ng kama.

Nang mapasulyap sa labas ng bintana, nakita niyang papadilim na. Bakit ba inuna niya ang pagtulog? Ilang oras ba siyang nahimbing doon?

Nakalimutan tuloy niya ang pakay.

Noon nakarinig si Luchi ng mga boses. Hindi malinaw. Parang tinangay lang iyon ng hangin papunta sa kanya. Bukas kasi ang bintana kaya naririnig niya ang ingay kahit pa sarado ang pinto.

Napako ang tingin ni Luchi sa pinto. Hindi kaya dumating na ang sinasabing mag-i-inspect ng bahay? Kung ganoon, malilintikan siya kapag nabuking.

Baka makasuhan pa siya ng trespassing.

Dali-daling tumayo si Luchi at maingat na lumapit sa pinto. Nakiramdam. May narinig siyang mga boses, pagkatapos ay biglang tumahimik ang paligid. Imagination lang ba niya iyon?

Gustong makatiyak ni Luchi kaya nang muling tumahimik ang kabahayan, maingat siyang sumilip sa pinto. Tahimik nga. Wala ni anumang kaluskos.

Patiyad siyang lumabas ng kuwarto, nagmamadali ang mga hakbang pero puno ng pag-iingat. Para siyang isang magnanakaw na tumatakas.

Pero kung kailan nasa kalagitnaan na ng sala, saka siya muling nakarinig ng mga boses-lalaki na nag-uusap.

Baka ang guwardiya at ang tinutukoy na Engineer Jaco. Baka siya ang topic at pinagpaplanuhan na ng mga ito ang pagsusumbong sa authorities dahil hindi naman talaga siya kasama sa magsasagawa ng inspection.

Dahil doon, hindi na nag-isip pa si Luchi. Kumaripas siya ng takbo paakyat sa kalapit na hagdan. Ilang beses siyang kamuntik na madulas dahil sa pagmamadali.

Eksaktong nasa landing na siya ng second floor nang marinig ang pagbukas ng pinto sa front door. Dinig niya ang pagbukas at pagsara niyon, maging ang papalapit na mga yabag.

At sa hagdan ang tungo!

Hindi na nagdalawang-isip pa si Luchi. Tinawid na niya ang distansiya ng pinakamalapit na kuwarto. Dali-dali siyang pumasok sa loob at ini-lock ang pinto. Pinagpapawisan na siya at parang kakapusin na rin ng hininga.

Pero ang inakalang ligtas na siya dahil makakapagtago na—hindi pa pala. Narinig na naman niya ang mga yabag na mukhang palapit nang palapit sa kuwartong kinaroroonan niya.

Pakiramdam ni Luchi, malapit na talaga siyang himatayin sa nerbiyos. Ayaw niyang mahuli! Isasauli lang naman sana niya ang mga kinuhang bagay noon, bakit iyon ang napapala niya ngayon?

Lintik na love letters. Lintik na pictures. Sana sinunog na lang niya, hindi pa siya nahirapan.

Noon niya narinig ang pagbukas ng kung sino sa doorknob mula sa labas. Nginig ang cuticles ni Luchi. Pero may ilang sandali pa siyang natitira para makapagtago. Ang masaklap nga lang, alam niya na may susi ang kung sino mang nasa labas! Ang mas masaklap, wala na siyang ibang mapagtataguan—puwera na lang kung—

Napatingin siya sa nakabukas na pinto na papunta sa terrace ng kuwarto. Kaya ba niyang tumalon?

Utang-na-loob, hindi ako si Darna.

Kaagad na nag-isip ng paraan si Luchi. Nagmamadaling kinuha niya ang nakitang kumot na nakatupi sa ibabaw ng kama. Hinanap niya ang dulo niyon, saka nagmamadaling pumunta sa terrace. Kung ilang beses niyang ibinuhol ang dulo ng kumot sa pasimano ng terrace. Nang sa tingin ay maayos na ang pagkakatali niyon at makakaya na ang bigat niya, basta na lang itinapon ni Luchi sa ibaba ang kabilang dulo ng kumot.

Sana lang, walang makapansin sa kanya. Dahil biglang naging maingay ang kaninang tahimik na gabi. May naririnig siyang parang tawanan, usapan, at maging malalamyos na tugtog. Hindi niya maipaliwanag kung paano nangyari iyon gayong wala naman siyang makitang nagkakasayahan sa paligid.

Pero wala nang panahon si Luchi para i-analyze pa ang tungkol sa bagay na iyon. Saka na lang. Tatakas na muna siya.

Noon niya narinig ang tunog ng "click". Parang nag-slow motion sa kanya ang lahat nang makitang unti-unting bumubukas ang pinto.

Nag-sign of the cross na lang siya, saka pikit-matang naglambitin sa kumot. Hindi na niya hinintay pang magkaharap sila ng kung sino mang pumasok sa kuwarto.

Okay na sana. Mukhang maayos naman ang kanyang pagkakatali. Malapit na siya sa dulo ng kumot. Pero nang yukuin niya ang paglalandingan, umurong lahat ng tapang niya sa katawan.

Ang taas pa pala ng babagsakan niya!

Puwede pa siyang mamili kung alin sa mga sumusunod ang mangyayari sa kanya—magalusan, mabalian or worse, mabagok, at dahil doon ay magkaka-amnesia siya—

Biglang pumailanlang sa paligid ang ringtone ng cell phone ni Luchi. Nabigla siya. Wrong timing ang kung sino mang nag-text.

Tuloy, nabitawan niya ang kumot.

dy>Z���2�>

Old Photos And Crinkled Love Letters COMPLETED (Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon