Chapter 7

19.3K 342 2
                                    


PAPANHIK na sa hagdan si Lacey nang tawagin siya ng ama.

"Sumunod ka sa akin sa library, Lacey, at mag-usap tayo," pormal ang mukha at tono ni Augusto.

Kinakabahang inilapag ng dalagita ang mga gamit sa escuela sa ibabaw ng chest at sumunod sa ama.

"Maupo ka." Itinuro ni Augusto ang maliit na sofa. Atubiling umupo si Lacey. Hinarap siya ng ama. "Ano ang nababalitaan kong lagi kayong magkasama ng anak ni Amelia, Lacey?"

Hindi nagkamali ang saloobin niya. Nakarating na sa ama ang tungkol sa kanila ni Rigo. Hindi katakataka iyon. Dahil hindi naman nila itinatago ni Rigo ang relasyon. Ano ang isasagot niya? Hindi niya gustong magsinungaling at itanggi si Rigo.

"Dad, hindi ba normal na maligawan na ako? Iyong iba nga, thirteen pa lang ay nililigawan na. Hindi naman ibig sabihin ay mag-aasawa na 'pag niligawan," lakas-loob niyang isinagot.

"Disisais ka pa lang, Lacey, at alam mong hindi ko ipinahihintulot ang pag-i-entertain ng mga manliligaw hanggang wala kang disiotso. Isa pa, babale-walain ko ang nababalitaan ko kung hindi ang Rodrigo dela Serna na iyon ang nanliligaw sa iyo," nakakahimig na ang dalagita ng galit sa tinig ng ama na pilit nitong kinokontrol.

"Ano ho ang iniaayaw ninyo kay Rigo, Dad?" tanong niya sa maliit na tinig.

"Kilala ko ang pamilyang iyan, Lacey," kasabay ng sinasabi nito ay wala sa loob na dinama ang isang pilat sa mukha na may dalawang pulgada ang haba. "Hindi ko gustong nakikipagmabutihang-loob ka sa lalaking iyon, naiintindihan mo ba?" Sa pagkakataong iyon ay hindi na nito itinago ang galit.

Nang hindi kumibo si Lacey at nanatiling nakayuko ay nagpatuloy si Augusto.

"At huwag mong sabihin sa aking hindi mo nababalitaan ang reputasyon ng lalaking iyon sa paaralan ninyo? Kung sino-sinong babae ang binu—"

"Hindi totoo iyan, daddy!" agap ng dalagita. "Pati ba naman iyong mga tsismis sa loob ng escuela ay pinagkakaabalahan ninyo? Those are petty things."

"Doon nag-aaral ang kaisa-isa kong anak! At huwag mong ipagtanggol ang lalaking iyon na hindi mo kilala. Mas kilala ko ang pamilyang iyon nang higit kaysa sa iyo. Hindi ang mga dela Serna ang gusto kong makasalamuha mo."

"At ano ba ang pagkakakilala ninyo sa kanila?" Tumingala siya sa ama. "Maliban sa mahirap ay mabuting tao ang mag-iinang iyon."

Hindi agad nakakibo si Augusto. Si Lacey ay tulad ng ina. Masunurin sa halos lahat ng bagay subalit nagrerebelde at nangangatwiran kapag hindi mo naipaliwanag nang husto ang bagay na iniaayaw mo.

Iniba ni Augusto ang usapan.

"Naipangako ko nga pala sa iyong magbibigay ako ng malaking party, Lacey, dahil na rin sa pagkakapanalo mo bilang Miss St. Ignatius College at blowout na rin sa nalalapit mong graduation. Sa Linggo na natin gagawin iyon, hija. Imbitahin mong lahat ang mga kaibigan at kaescuela mo, kahit na sino pang gusto mong imbitahin. Imbitahin ko rin ang mga kakilala natin. It's been a long time since na nagpa-party ako. The last time ay noong anniversary namin ng Mommy mo."

Doon biglang nagkaroon ng lambong ang mukha ni Lacey. Nami-miss niya ang Mommy niya. Walong buwang buntis ang Mommy niya noong anniversary ng mga ito. A month after, namatay ito sa komplikasyon sa pagsisilang ng ikalawang anak. Kasamang namatay ang sanggol. She was twelve years old. At mula noon ay lalong naging mahigpit ang ama sa kanya.

Sweetheart 2: Lavender Lace COMPLETED (Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon