PROLOGUE
"HOY! SINO ang nagsabing puwede kang mangalakal dito?!"
Napalingon si Ivan nang marinig ang galit na boses mula sa kanyang likuran. Nakita niya ang kapwa batang-kalye.
"Umalis ka. Teritoryo namin 'to!"
May mga kasama ito na nakapuwesto sa likuran, handang rumesbak kung may gulong mangyayari. Imbes na matakot ay hindi ito pinansin ni Ivan at nagpatuloy sa pagpulot ng ilang kalakal.
"Hoy! Hindi ka ba nakikinig o bingi ka lang talaga?!" inis na tanong nito, bahagya siyang itinutulak paalis. "Lalaban ka, ha? Lalaban ka?"
"Ang tapang mo, ah! Kakasa ka na?!" galit na bulyaw ng isa, nakakuyom ang kamay at tila kating-kati nang ipadapo sa mukha niya ang kamao.
Hindi niya ito pinansin. Kumakalam na ang kanyang sikmura at iyon lang ang alam niyang paraan upang magkapera. Ayaw naman niyang magnakaw upang malamnan lang ang tiyan. Sampung taong gulang pa lang siya ngunit tila naranasan na niya ang iba't ibang klase ng kahirapan.
Bigla siyang binigyan ng bata ng malakas na suntok sa panga. Pinagtulungan siya ng mga bata, ngunit mas pinili niyang huwag na lang lumaban. Gusto na rin niyang mamatay nang sa ganoon ay matapos na ang kanyang paghihirap.
Habang binubugbog siya, isa-isang nagbalik sa kanyang isipan ang mumunting alaala ng kanyang ina. May sakit sa isip ang kanyang Nanay Amor. Ang sabi ng kanyang lolo ay natagpuan na lang nila itong nakahandusay sa kalsada noong September 16, 1986. Hindi alam kung ano ang nangyari dito hanggang sa mawala ito sa tamang pag-iisip. Lalong lumala ang sitwasyon nang magbuntis ito.
Mula noon, si Lolo Manuel na ang nag-alaga kay Amor hanggang sa ipanganak nito si Ivan, ngunit namatay na rin ang kanyang ina sa sakit na tuberculosis. At kailan lang ay ang kanyang lolo. Kaya ngayon, nag-iisa na lang siya.
"Ba't ayaw mong lumaban, ha? Lampa ka pala, eh!"
Hindi nagawa ni Ivan na bilangin ang tadyak at suntok na kanyang natamo pero wala na siyang pakialam. Ramdam niya ang patak ng dugo hanggang sa mawalan na siya ng ulirat.
"SINO ka?"
Napabalikwas si Ivan nang makita ang isang may-edad na lalaki na nakaupo malapit sa kamang kinahihigaan niya.
"Ako si Eduardo Bustamante," pagpapakilala nito.
Nakatingin lang siya sa lalaki, sinusuri ang kabuuan nito.
"Nandito ka sa ospital. Nakita ka namin na walang malay sa kalsada."
Napakislot siya nang kumirot ang kanyang ulo. Naalala niya ang pambubugbog sa kanya ng mga batang-kalye. "Dapat hindi mo na lang ako iniligtas," tiim-bagang niyang sambit, napakuyom ang kamay. "Gusto ko nang mamatay."
"Kilala ko ang ama mo," walang pag-aalinlangang sabi ng lalaki.
Nag-angat siya ng mukha. "A-ano'ng ibig mong sabihin?" Kahit kailan ay hindi niya nakilala ang tunay na ama at wala siyang pakialam dito mula nang iwan sila nito ng kanyang ina. "Patay na siya."
"Mali ka ng akala, Ivan," sabi nito.
"Kilala mo 'ko?" pagtataka niya nang bigkasin nito ang kanyang pangalan.
"Kilala ko ang pamilya mo. Hindi mo man lang ba itatanong sa akin kung bakit nagkasakit ang nanay mo sa pag-iisip?"
"Sino ka ba talaga?"
"Dati akong matalik na kaibigan ng iyong ama," panimula nito, saka tumayo at humarap sa bintana habang malayo ang tanaw. "Pero no'ng malaman ko ang ginawa ng tatay mo kay Amor, hindi ko siya mapapatawad." Nilingon siya nito bago nagpatuloy. "Ginahasa niya ang iyong ina, pagkatapos ay parang baboy na iniwan." His jaws clenched. "Kababata namin si Amor. Pareho namin siyang itinatangi pero hindi siya nagawang mahalin ni Amor... kaya ginahasa niya ito at nagbunga iyon."
At ako ang naging bunga ng kahayupang iyon, dugtong ni Ivan sa kanyang isip. Kumuyom ang kanyang kamay. "Totoo ba 'yang sinasabi mo?" Sa murang-isip ay madali siya nitong napapaniwala.
"Bakit naman ako magsisinungaling sa 'yo?" usal ng lalaki. "Napakasama niyang tao. Sa halip na panagutan niya ang iyong ina, tinakbuhan niya."
MATAPOS ang ilang araw na pananatili sa ospital ay dinala si Ivan ng lalaking nagpakilalang Eduardo Bustamante sa tapat ng isang malaking kompanya, ang Samaniego Group of Companies.
"Nakikita mo ba ang mataas na gusaling 'yan?" Itinuro nito ang isang napakataas na building.
Napadungaw si Ivan sa bintana ng sasakyan. Manghang-mangha siya sa laki at taas ng building.
"Pag-aari 'yan ng tunay mong ama."
Napalingon siya kay Eduardo, mariing napatitig dito.
"Si Florante Samaniego."
Hindi niya magawang magsalita. Poot ang naghahari sa kanyang puso. Kung mayaman ang kanyang ama, bakit nito nagawang iwan silang mag-ina?
"Sa simula pa lang ay hindi na niya kayo pinahalagahang mag-ina."
Nagtagis ang kanyang mga bagang sa narinig. Nakita niyang lumuha ang may-edad na lalaki.
"Wala akong nagawa para iligtas si Amor. Natatakot akong lumaban dahil sa kapangyarihan ni Florante. Nag-aral ako at nang makatapos ay nagsumikap na magpayaman. Ipinangako kong balang-araw ay ipaghihiganti ko si Amor."
"Napakasama niya!" tiim-bagang na sambit ni Ivan. "Wala siyang kasinsama."
"Ang lahat ng 'yan ay nararapat na mapasaiyo."
Natigilan siya.
"Tutulungan kitang mapasakamay ang lahat ng kayamanang ipinagkait sa 'yo ng tunay mong ama."
"Pero bakit?" usisa niya.
"Dahil hindi siya nararapat sa kasaganaang natatamo niya samantalang nagtitiis ka sa buhay na meron ka ngayon," sagot ni Eduardo. "'Wag kang mag-alala dahil ihahanda kita sa magiging laban mo."
May nakita siyang may-edad din na lalaking lumabas ng building. May kasama itong batang babae na sa tingin niya ay anim na taong gulang pa lamang. Ang lalaki raw ang kanyang ama.
"Ayaw sa 'yo ng iyong ama."
May kilabot siyang naramdaman nang marinig ang halos pabulong na sinabi ni Eduardo.
"Mas pipiliin na lang niyang mag-ampon kaysa maging anak ka."
Napalunok si Ivan. Isang matalim na tingin ang ipinukol niya sa gawi ni Florante Samaniego. "Tulungan mo 'ko." Puno ng desperasyon ang kanyang tinig. "Gusto kong maghiganti. Gusto kong kunin ang lahat sa kanya."
Marahan nitong tinapik ang kanyang balikat, saka nagpakawala ng makahulugang ngiti. "Mula ngayon, ikaw na si Tyrone Hidalgo."
YOU ARE READING
PLANNED DESTINY by RICA BLANCA (Published by PHR)
Romance"Sabi mo, no one was there to guide you, support you, and love you. Nandito pa ako, huwag mo 'kong insultuhin." Lauren was a destiny-addict. Naniniwala siya na hindi man hanapin ang lalaking inilaan para sa kanya, gagawa ng paraan ang tadhana para m...
