Kabanata 1

12 0 0
                                    

"Donya Margarita, nandito na po sina Gobernador-Heneral Edmundo at Señor Gabriel." wika ni Manang Lolita, ang aming mayor doma.

Ano raw? Nandito sa aming tahanan ngayon ang Gobernador-Heneral maging si Señor Gabriel? Ngunit ano ang kanilang pakay dito sa aming tahanan? Alam kong masyadong abala at maraming ginagawa ang Gobernador-Heneral kung kaya't alam kong mahalaga ang kanilang pakay upang magsayang ng kanilang oras papunta rito sa bayan ng Torre mula pa sa Maynila. Sila pala ang mahalagang bisita na tinutukoy ni ina kanina.

"Magdalena! Itigil mo na ang pagtunganga mo riyan at dumating na ang mga bisita! Mag-ayos ka na sapagkat kailangan mong maging kaaya-aya sa paningin ni Señor Gabriel." utos ni ina.

Nagtataka kong tinignan si ina. Bakit kailangan kong maging kaaya-aya sa paningin ni Señor Gabriel? Hindi ba maaari na maging sa paningin din ng Gobernador-Heneral?

Pumanhik na ako agad sa aking kwarto at inayos ng mabilisan ang aking sarili. Hindi dapat pinaghihintay ang mga mahahalagang bisita lalo na ang Gobernador-Heneral. Mabuti na lamang at nandito si Nenita, ang anak ni Manang Lolita na naninilbihan din sa amin kung kaya't mas napabilis ang aking pag-aayos.

Isinuot ko ang sa tingin ko ay ang pinakamagarbo kong baro't saya at agad na akong bumaba kung saan naroon ang Gobernador-Heneral at si Señor Gabriel. Agad namang tumayo si Señor Gabriel at inilahad sa akin ang kaniyang kamay upang alalayan ako sa pagbaba.

"Hayaan mong alalayan kita magandang Binibini." nakangiting wika nito. Hindi ko maitatanggi na talagang gwapo at makisig si Señor Gabriel dahil ito ay purong Kastila ngunit ibang klase ang kagwapuhan at kakisigan ng aking pinakamamahal na si Sebastian. Ginamit ko ang aking abaniko upang gawing pantakip sa aking mukha at tinanggap ko ang kaniyang kamay na nakalahad sa akin saka kami sabay na naglakad.

Kumpleto na pala sila roon. Naroon sila ina, ama, kuya Carlos at ang Gobernador-Heneral. Lahat sila ay nakangiti habang nakatingin sa amin maliban kay kuya Carlos. Hindi na ako nagtataka sapagkat likas talaga sa kaniya ang pagiging masungit.

"Napakaganda nilang pagmasdan, hindi ba mga balae? Bagay na bagay silang dalawa. Hahaha!" masayang turan ng Gobernador-Heneral.

Ano? Balae? Agad akong bumitaw sa magkahawak naming kamay ni Señor Gabriel. Anong ibig sabihin nito?

Tinignan ko silang lahat ng may pagtataka sa aking mukha. Mukhang nabasa naman na nila mula sa aking mukha kung ano ang tanong na nais kong masagot.

"Tayo'y umupo muna at pag-usapan ang bagay na ito ng maayos. Magdalena, umupo ka muna." seryosong wika ni ama ngunit hindi ko siya sinunod. Hindi ako umupo sapagkat ako'y labis na naguguluhan sa mga pangyayari.

"Ama, ano ang ibig sabihin nito?" seryosong tanong ko. Hindi ko maintindihan ang mga nangyayari ngayon ngunit isa lang ang alam ko, hindi ko ito nagugustuhan.

"Ehem." umismid ito habang inaayos ang kaniyang tindig na para bang nais niyang ipaalala sa akin na sa tahanang ito, siya ang batas at walang makakapigil sa lahat ng nais niyang mangyari.

"Simula ngayon Magdalena at Señor Gabriel, kayong dalawa ay magkasintahan na sapagkat kayong dalawa ay nakatakda ng ikasal." sa pagkakataong ito, kitang-kita at ramdam na ramdam ko ang awtoridad sa kaniyang pananalita.

Gaya ng aking sinabi, siya ang batas sa tahanang ito at wala akong maaaring gawin laban sa mga nais niya.

Hindi ako nakapagsalita at nanigas lamang ako sa aking kinatatayuan. Mayroon na akong kutob na ganito ang mangyayari ngunit ako'y labis pa rin na nagulat. Hindi man lang inisip ni ama at ina kung ano ang mararamdaman ko sa oras na ipakasal ako sa taong hindi ko mahal.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Feb 02, 2018 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

A Glimpse Of My FutureWhere stories live. Discover now