Chapter 7

24.3K 334 0
                                    

NAIIRITANG isinubsob ni Marko ang mukha niya sa kanyang executive desk. Hindi siya makapagtrabaho nang maayos dahil isa lang ang laman ng isip niya. Walang iba kundi ang babaeng nakita niya sa Rustan's at sa gitna ng pagkakaipit niya sa kalsada. Isang linggo na ang nakalilipas mula nang muli sila nitong magkita sa gitna ng trapiko. She was a witch, a beautiful witch. Dahil pagkatapos ng insidenteng iyon ay apat na sunod-sunod na gabi na siyang binubulabog nito sa pagtulog.

He was dreaming about being with her in a place where everything was perfect, where flowers were in full bloom and the birds were singing. Sa panaginip niya ay lagi itong nakangiti. Mababakas din sa mga mata nito ang isang kakaibang damdamin. Nagigising na lang siya sa kalagitnaan ng gabi na ang babae ang nasa isip niya. The memory of her was haunting him. Kaya naman isang linggo na rin siyang hindi mapalagay. He needed to see her again. Deep within him, he longed for her. He missed her.

Bumuntong-hininga siya. Paano nangyaring nami-miss niya ito gayong hindi naman niya ito kilala? He had only seen her twice in person and four times in his dreams! Pero bakit tila parte na ito ng pagkatao niya? Minsan nga ay natatagpuan na lang niya ang sarili na lumilinga sa kanyang paligid, hoping he would see her in the crowd. Minsan naman ay natatagpuan niya ang sarili na naglalakad-lakad sa loob ng mga mall at sa matataong lugar pero tila pinaglalaruan siya ng tadhana. Mailap ang suwerte sa kanya dahil hindi niya ito makita.

Nang unang beses na magtama ang mga mata nila ng babae sa Rustan's ay nakuha na nito ang buong atensiyon niya. Nasa mall siya nang araw na iyon para bilhan ng regalo ang kapatid niya. The lady was wearing eyeglasses. Naka-ponytail ang buhok nito at tila nakikipagbiruan sa sinumang kausap nito sa cell phone, hanggang sa magtagpo na ang kanilang mga mata. Ni hindi siya nagkaroon ng pagkakataon na analisahin ang iba pang physical attributes nito. Nakakatitig lang siya sa mga mata nito.

Noong una ay ipinagkibit-balikat na lang niya ang kakaibang pakiramdam na iyon. Pero sa pangalawang pagkakataon ay hindi na niya iyon nagawang huwag pansinin. He was smitten by her. May mahalagang business deal siyang isasara nang araw nang makita niya ito sa kalagitnaan ng trapiko. Mula sa bintana ng sasakyan nito ay nakita niya itong nakatingin sa kanya.

Tinimbang niya ang sitwasyon kung ano ang pipiliin niya—ang business deal o ang paghabol sa babaeng iyon. Hindi pa siya nakakapagdesisyon nang umandar na ang trapiko. Sa pagkataranta niya ay lumiko siya. Hindi agad siya nakakita ng U-turn slot para ibalik ang sasakyan niya sa direksiyong tinungo ng sasakyan ng babae. Nang makakita naman siya ay huli na ang lahat dahil hindi na niya ito nakita. Pagkatapos ng insidenteng iyon ay palagi na niya itong napapanaginipan. What did it mean?

"Paano ko ba uli siya makikita?" frustrated na tanong niya sa kanyang sarili. "Kung makikita ko nga siya, hinding-hindi ko na talaga siya pakakawalan!" aniya habang napapasabunot sa kanyang buhok.

"Who?" anang tinig na nagpabalik sa kanya sa kasalukuyan.

Nalintikan na! bulalas ni Marko sa isip niya. Napaungol siya bago niya iniangat ang kanyang mukha mula sa pagkakasubsob sa kanyang desk. There he saw Hanna, leaning against the door. She looked sophisticated as usual. Paano ito nakapasok sa opisina niya nang hindi niya namamalayan? Ganoon na ba kaokupado ng babaeng napapanaginipan niya ang kanyang isip?

"What the hell happened to you... and to your office?" nakangiwing tanong ni Hanna habang iginagala nito ang paningin sa kabuuan ng kanyang opisina. Maging siya man ay nasorpresa sa hitsura ng opisina niya. Tila dinaanan iyon ng bagyo. Nagkalat sa kung saan-saan ang ilang folders habang ang book shelf niya ay tila pinaglaruan ng isang bata. Hindi na niya kailangang tingnan kung ano ang hitsura niya sa harap ng salamin dahil nasisiguro niyang wala rin siya sa ayos. Patunay roon ang necktie niyang nakasabit na sa kanyang balikat at ang polo niyang gusto nang habulin ng plantsa sa pagkakagusot.

A Home In His Arms COMPLETED (Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon