Chapter 14

18.1K 290 0
                                    


"HEY, MARKO. Baka naman matunaw na 'yang tinitingnan mo. Siya ba si Angela? Hmm... So pretty. Parang gusto kong ma-insecure sa kagandahan niya, ah."

He couldn't agree more. Napakaganda talaga ni Angela nang gabing iyon. Kalabisan mang sabihin pero muntikan na siyang matulala sa kagandahan nito. Perpekto sa pagkakalapat sa katawan nito ang suot nitong gown. Kitang-kita ang perpektong kurba ng katawan nito. Nakataas ang buhok nito kaya lalong nakatawag-pansin ang makinis na likod nito. Kitang-kita iyon dahil sa mababang tabas ng likod na bahagi ng gown nito na umabot hanggang sa baywang nito. It was a daring dress dahil doon pa lang ay malalaman nang wala itong suot na brassiere. Gusto tuloy niyang hubarin ang suot niyang coat at ipasuot iyon kay Angela nang sa gayon ay maitago niya ang makinis na likod nito sa mga matang kanina pa nakatingin dito.

The makeup she wore emphasized her prominent features. She was undeniably regal the way she stood. She was definitely a stunner.

Napahugot ng hininga si Marko nang makita niyang nilapitan ni Alexander Mondragon si Angela at nang hawakan nito sa baywang ang huli. Nakaramdam siya ng selos. Gusto niyang magwala sa tagpong iyon. Lalo siyang nagngitngit nang nakangiting tiningnan ni Angela si Alexander at saka inayos ang suot na necktie ng huli. Pagkatapos niyon ay nakangiting tinapik-tapik nito ang pisngi ng lalaki. Mayamaya pa ay may kung anong ibinulong dito ang lalaki na nagpatawa rito.

"Oh, wait! She's with Alexander Mondragon? Oh-em-geeh! Kaya pala hindi ako pinapansin ni Xander, eh. May anghel na pala siya. They look perfect together, don't they?" exaggerated na wika ni Hanna na halatang pinipikon lang naman siya.

Pagkatapos niyang malaman na si Alexander ang may-ari ng kotseng sinakyan ni Angela nang bigla na lang itong mawala sa restaurant na kakainan dapat nila, pinaimbestigahan na niya si Alexander nang araw ding iyon. Ayon na rin sa imbestigador, nakatakdang dumalo sa pagtitipong iyon si Alexander.

Salamat sa kapatid niyang mahilig pumunta sa mga ganoong klaseng pagtitipon at nagawan niya ng paraan para makapunta roon. Pinilit talaga niya ang kanyang kapatid na isama siya nito sa pagbabaka-sakaling kasama ni Alexander si Angela.

Hindi nga siya nagkamali dahil naroon ang dalawa. Hindi lang siya sigurado kung napansin na ni Angela ang presensiya niya. Sinadya kasi niyang pumuwesto sa madilim na bahagi ng hardin para walang makapansin sa kanya na nasa iisang babae lang nakatutok ang kanyang mga mata.

"Shut up, Hanna," angil niya rito bago inisang-lagok ang laman ng kanyang kopita. Nagtatagis ang mga bagang niya sa nasasaksihang pagkakalapit ng dalawa. Sa sobrang inis niya ay inagaw niya ang hawak na kopita ni Hanna at ininom din ang laman niyon. Weird, pero pakiramdam niya ay may karapatan siya sa inaakto niya nang mga oras na iyon.

"Aw, masama na 'yan, kapatid," tumatawang sabi nito. "Okay, sige. Dahil mahal kita, tutulungan kita. I'll distract Xander. Bahala ka nang lapitan si Angela. Basta, tandaan mo 'to, Markopolo, may utang ka sa 'kin."

Nginisihan niya ito. "I'll pay you double kapag nailayo mo si Xander."

"Shoot!" Bumulong pa muna ito sa kanya bago ito umalis. "I like her for you. Go get her!"

Napangiti siya. He was definitely going to get Angela, by hook or by crook. Kesehodang agawin pa niya ito mula kay Alexander. Ngayon lang niya naramdaman ang ganoong kasidhing damdamin para sa isang babae at hinding-hindi siya papayag na hindi niya maiparating dito ang kanyang nararamdaman.

Hindi nga nagtagal ay wala na si Alexander sa tabi ni Angela. Napailing-iling siya. Hanga na talaga siya sa abilidad ng kapatid niya.

A Home In His Arms COMPLETED (Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon