Chapter 8

18.6K 214 0
                                    


"GOOD morning!" bati ni Belle kay Manang Tessie. Naabutan niya itong naghahanda ng almusal. Mayroong nakahain na malaking plato na puno ng kanin at isang plato ng maliliit na isda. May isang matandang lalaki na rin na nakadulog sa mesa. May ilang hibla ng puti ang buhok nito. Marahil ito ang asawa ni Manang Tessie.

"Miss Billie Anne, halika at kumain ka na," yaya ni Manang Tessie.

"Good morning din. Kape?" alok ng lalaki.

Ngumiti siya.

"Ay, si Miyo nga pala, asawa ko. Upo ka na. Patapos ko na itong paggayat sa kamatis. Masarap ito kasabay ng dilis at sinangag," nasisiyahang wika ni Manang Tessie.

"Ahm, Manang, si Jed po?" hindi nakatiis na tanong niya.

"Ay nasa China, ineng," mabilis na tugon ni Mang Miyo.

Napalingon siya rito.

"Hoy, Miyo. Ano ka ga? Manahimik ka nga," saway ni Manang Tessie.

"China?" nagtatakang tanong ni Belle.

Tumawa ang ginang. "Ala'y hindi. Natutulog pa si Jed. Hamo't ipagigising ko na kay Patricia."

Nagtinginan ang mag-asawa. Tumango na lang siya at sumimsim ng kape. Napatingin siya kay Mang Miyo na pakamot-kamot sa ulo.

Muli siyang uminom ng kape. Napangiti siya dahil ang sarap ng kapeng iyon.

"Mas masarap pa 'yan sa Starbak, 'di ba? Hindi pa mahal," wika ni Manang Tessie.

Natawa siya. "Starbucks po," pagtatama niya.

"Ay, gano'n ga?"

"Kumain ka nga nire, o," sabad naman ni Mang Miyo at inabutan siya ng sinangag.

Nasisiyahang tinanggap niya iyon. Nakakagaan ng pakiramdam na panoorin ang mga ito. Parang simple lang ang buhay ng mga ito ngunit hindi naman mapagkakaila na masaya ang mga ito.

"Ubos na?" pasigaw na tanong ni Jed.

Nilingon niya ang pinanggalingan ng tinig nito. Nakita niya itong tumatakbo palapit sa kanila.

"Good morning. Nagsimula na pala kayo, hindi n'yo man lang ako hinintay," nakangiting sabi nito at mabilis na naupo sa tabi niya.

Biglang bumilis ang tibok ng puso ni Belle. Nailang siyang bigla sa pagdating nito. Ni hindi niya magawang tumingin dito.

"Ang akala ko'y tulog ka pa. Nag-jogging ka ga?" tanong ni Manang Tessie.

"Yes," sagot ni Jed, saka tumingin sa kanya. "Hi, good morning."

Wala siyang magawa kundi lingunin ito. Nagtama ang mga mata nila. Naiilang na ngumiti siya saka agad na nag-iwas ng tingin. Bakit ba kasi parang kay ganda nitong tingnan gayong puno naman ng pawis ang mukha nito?

"You're sweating... really. B-baka mapunta sa pagkain."

"Oops, sorry. Kumusta ang binti mo?" tumatawang sabi nito habang pinupunasan ang sarili gamit ang dala nitong towel.

"O-okay na."

"O, siya, kain na nga. Nasaan baga itong si Patricia? Patri!" wika ni Manang Tessie.

Hindi niya naiwasan ang mapangiwi dahil sa lakas ng pagsigaw nito. Napansin ni Manang Tessie ang reaksiyon niya.

"Naku, pasensiya na," napapahiyang wika nito.

"No worries. It's fine."

"Masanay ka na kay Manang. Ganyan talaga silang mag-ina. Madalas kasing nawawala si Patricia," sabi ni Jed.

"Sisigaw uli ako. Takpan mo ang tainga mo, anak," saad ni Manang Tessie.

Nagulat siya nang biglang takpan ni Jed ang mga tainga niya. Hindi na siya nakapalag. Biglang bumilis ang tibok ng puso niya. Ang init ng mga palad nito. Tila napapaso siya ngunit ayaw naman niyang alisin ang mga iyon.

"Patricia!"

"Hay! Tessie naman. Hayaan mo nga 'yang anak mo. Ala'y uuwi rin 'yan kapag nagutom," tila naiinis na sabi ni Mang Miyo.

Napangiti sila ni Jed habang nakamasid sa mag-asawa. They looked so cute. Tunog nag-aaway ang mga ito subalit hindi naman nakikita ang galit.

"Nakakatuwa talaga itong mag-asawa na ito," komento ni Jed.

"Yeah," pagsang-ayon ni Belle, saka nilingon si Jed. Nakatingin din pala ito sa kanya. Masyado na pala itong malapit sa kanya dahil hawak pa rin nito ang mga tainga niya. Napatitig siya rito.

"'Nay!" tawag ni Patricia mula sa malayo. Noon siya nagkaroon ng pagkakataon upang alisin ang mga kamay ni Jed sa mga tainga niya.

"Tingnan mo itong bata ito. Halika nga," naiinis na wika ni Manang Tessie.

"Saan ka ga galing?" tanong ni Mang Miyo nang makalapit si Patricia.

"Diyan lang. Tingnan n'yo ito, 'Nay, o. Si Miss Billie Anne 'yan, 'di ba?" wika ng dalagita sabay excited na ipinakita ang dala nitong magazine. Kinuha iyon ni Manang Tessie habang sila ay nakasunod ang tingin dito.

Kinabahan si Belle.

"Ay oo nga, o. Ala'y pagkaganda mo talaga, Miss Billie Anne, eh," namamanghang wika ng ginang.

"Patingin," sabi ni Jed.

Nais niyang pigilan ito dahil nararamdaman niya na hindi maganda ang nakasulat sa magazine na tungkol sa kanya subalit nakuha na iyon ng binata. Parang bumigat ang pakiramdam niya.

Tinitigan ni Jed ang magazine at tila binasa pa ang nakasulat.

Napabuntong-hininga siya nang masilip niya ang caption. Tama siya. Tungkol sa eskandalo ang article.

"Ang sabi ng kaklase ko, home wrecker daw si Miss Billie Anne. Ano 'yon, 'Nay?" inosenteng tanong ni Patricia.

"Home wrecker?" nakakunot-noong ulit ni Manang Tessie. "Hay, sus. Batang ire." Biglang nataranta ang ginang at nanghihingi ng paumanhin na tumingin sa kanya habang hawak ang bibig ni Patricia. "Pasensiya na, hija."

"Okay lang. Magpapahangin lang po ako." pagkatapos ay iniwan na niya ang mga ito.

Naririnig pa niya ang pag-aaway ng mag-ina habang papalayo siya. Ang bawat hakbang niya sa buhangin ay parang kasimbigat ng dibdib niya. Hanggang sa malayo ay sinusundan siya ng pagkakamali niya.

HHX@Hjtw{8

My Gossip Girl COMPLETED(Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon