Chapter 9

24.8K 710 14
                                    

ARAW ng graduation at nakahanda na si Nadja.

"Mommy Anya, are you ready?" Kinatok niya ang silid ng madrasta. Bumukas ang pinto at sumungaw si Anya na sinuyod siya ng tingin.

"You're stunning, darling..." Nasa mga mata ang paghanga at adoration para sa stepdaughter.

"Ikaw rin, Mommy. You're only thirty nine and still very pretty. I wonder why you aren't entertaining admirers gayong alam kong marami riyang gustong makipag-date sa iyo. I wouldn't mind, Mom..."

"Oh, but I mind. Hindi ako interesado sa kanila. I loved your father, Nadja. Ibinigay niya sa akin ang tsansang bihira lang dumating sa buhay ng isang tao by loving me in return. At hindi lang ako, lahat ng mahalaga sa akin." may namuong luha sa mga mata nito.

Natatawang itinaas ng dalaga ang dalawang kamay. "All right, all right, this is supposed to be a happy occasion. Nagiging emosyonal tayo. Saan nga pala tayo magsi-celebrate afterwards, Mom?"

"Saan mo gusto, hija? Via Mare o Manila Penn?"

"Manila Penn siyempre..."

"Manila Penn kung ganoon. Kung nakahanda ka na ay tayo na."

ALAM ni Brandon na halos may isang oras ng nakapagsisimula ang programa nang dumating siya. Sinadya niya iyon upang walang gaanong makapansin sa kanya.

Nakita na ng binata ang kotse ni Mike sa parking area na kung saan siya nag-double park. May ilang kababaihan ang hindi maiwasang tapunan ng tingin ang binata na ang mahabang buhok ay nakalugay at tumatapik sa isang bahagi ng pisngi. Subalit hindi niya maiwasang makatawag ng pansin. Tall and hunk at ang mahabang buhok ay nagdagdag ng atensiyon.

At hindi maiwasang liparin ng hangin ang buhok ng binata habang naglalakad sa university compound at matambad sa ibang nakakasalubong nito ang kabilang mukha. Napapahinto sa paglakad ang mga iyon na kinabakasan ng pangingilag ang mga mukha. Ang iba naman ay panghihinayang ang mga nasa mata para sa isang mataas at machong lalaki na may ganoong mukha. Ang iba ay lantarang nagtatawa.

Lahat ng iyon ay hindi pinansin ng binata at nagpatuloy sa lugar na pagdarausan ng programa. Inikot ni Brandon ang mga mata sa mga naroon. Iba ang upuan ng mga graduate kaysa sa mga guest. At bukod sa matagal nang panahong hindi nito nakikita si Karen ay nakatalikod pa ang mga ito sa kanya kaya hindi niya malaman kung alin ang dalaga sa pare-parehong suot ng mga ito, itim na toga. Sinuyod ng mga mata niya si Mike. Nakahalo ito sa iba pang mga magulang at bisita.

Lahat ng mga tao ay nakatutok sa stage ang mga mata para sa mga nagtatapos. Pumapalakpak sa bawat tumatanggap ng diploma.

Inabot na siya ng pagkainip at nawala na sa isip na 'M' ang kasunod na tinatawag. Binalak na niyang umalis na lang nang tawagin ng nasa stage ang kasunod na ga-graduate.

"Nadja Ann dela Merced, cum laude..."

Isang masigabong palakpakan mula sa mga tao ang maririnig. Nanlaki ang mga mata niya nang makita ang dalagang pumanhik sa stage upang tanggapin ang karangalan at diploma.

Ang babaeng muntik na siyang mabangga! The young woman with a classic beauty!

Sandali lang ang pagkabigla niya. "Ang akala ko'y isang milyon sa isa ang posibilidad na makita kitang muli. I am not disappointed. You are worth my time, young lady," usal niya. Napangiti sa coincidence. So, the voice matched the personality.

Nang matuon ang paningin niya sa isa pa uling babaeng pumapanhik ng stage. Walking regally like a queen. At sa pakiramdam niya ay nawalang lahat ang dugo sa mukha niya.

Si Anya!

Hindi siya maaaring magkamali. Si Anya ang babaeng nagsasabit ng medalya kay Nadja Ann dela Merced. Hindi gaanong binago ng sampung taong nagdaan ang magandang mukha nito. Maturity becomes her. Matagal niyang itinuon ang mga mata kay Anya kasabay ng pagtatagis ng mga bagang. Bahagyang kinapa ang kaliwang bahagi ng pisngi.

"Augusto dela Merced..." bulong ni Brandon sa nagtatagis na mga ngipin. "Nadja... Nadja dela Merced..." ibinalik niya ang paningin sa stage. Hindi niya malaman kung sino ang pilit na inaaninaw ng mga mata niya. Ang batang babae o ang nakatatanda?

Tiim-bagang na marahang tumalikod si Brandon matapos na bigyan ng huling sulyap ang dalawang babae sa stage. Mabilis na lumakad patungo sa kotse niya. Dinampot ang CP at may idinayal.

"Sanchez... Brandon Brazil. Yup. May ipatatrabaho ako sa iyo and I want it fast. Use all resources and work overtime dahil kailangan ko ang report mo sa Lunes ng hapon..." matapos ang ilang sandaling pag-uusap ay ini-off nito ang CP. Pagkatapos ay tumaas ang isang sulok ng mga labi.

"Matutupad ang mithiin mo, Nadja Ann dela Merced. Magkikita tayo!"

Midnight PhantomTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon