Chapter Twenty

14.1K 401 4
                                    

"ANG IBIG mong sabihin, totoo?" Naramdaman ni Daleng ang panlalaki ng mga mata habang kausap ang asawa. Natural na itanong niya kay Taylor kung totoo ang nabasa sa tabloid magazine—na ang mukha ng brand nito ay si Sophia Cruz!

"She is one of the faces. We don't have just one face to represent everything. That is exactly what the campaign is all about—that the product is diverse. We have a wide range of products for all skin types and for all skin tones." Pinaliwanag ni Taylor na bawat lahi ay mayroong boses sa brand. Parang nagtatapon ang lalaki ng mga idea sa isang brainstorming na in-attend-an niya noon at nagpo-promote ng produkto.

Napaismid siya. "Ex mo 'yon, eh."

"So?"

"Anong so? Anong so?" Parang gusto nang magwala ni Daleng. So-so your face! "Hindi ba, dapat naman na mainis ka sa kanya? Eh, siya nga ang promotor ng mga tsismis sa 'yo, 'tapos so? Masyado ka naman yatang mabait, Taylor."

"It shouldn't matter to you."

Nasaktan si Daleng. Parang lumalabas na dapat wala na siyang pakialam doon. Hindi na siya nakahirit sa asawa, dahil ang totoo, asawa lang naman siya sa papel. Masakit masyado. Hindi na lang siya umimik dahil parang naiiyak na siya.

"Lolokohin ka lang n'on," sabi niya mayamaya nang makabawi at maalala ang quote na nabasa noon sa slam book. "Sabi nga, 'Fool me once, shame on you. Fool me twice, shame on me.'"

"It's a very professional relationship, Maggie." Seryoso ang boses ni Taylor. "You have absolutely nothing to be worried about. pirmado ang lahat ng kontrata."

"Bakit mo siya kinuha? Sa dami ng mga model, bakit siya?"

"Because she was part of the original vision anyway."

Sinungaling! Ang sabihin mo, hindi ka pa nakaka-getover. Dahil kung naka-move on ka na, kahit maglumuhod siya sa harap mo, hindi mo na kukunin pa! Dami mo pang sinabi na vision-vision, wide range eklavu!

Hindi nagsalita si Daleng at sinolo na lang ang lahat ng sakit. Wala naman siyang karapatan, eh. Sa gabing iyon, inunahan niyang mahiga sa kama si Taylor at kahit gising ay nagpanggap siyang tulog, in case na gusto ng lalaking mag-chorvahan sila. Manigas ito!

Hindi alam ni Daleng kung anong oras siya nakatulog, pero alam niyang nakatulog agad ang kamote na parang walang ibang problema sa mundo.

Nang magising si Daleng, wala na ang asawa sa bahay at hindi man lang nag-iwan ng note o ng kahit na ano. Nakakabuwisit!

Pinagbigyan ni Daleng ang sariling umiyak. Na-in love na siya at ayaw niya ng kasal na kasunduan lang. Gusto niya ng totoong asawa. Si Taylor lang at wala nang iba. Kaso lang, ano ang magagawa niya kung hanggang papel lang ang kanilang samahan? Alangan namang magmakaawa siya kay Taylor? Wala na siyang mukhang maihaharap sa salamin kapag ganoon ang ginawa.

Hindi siya makapag-isip nang tuwid. Magkakaanak pa sila para sa kasunduan ni Taylor at ng financer na lolo. Pumayag siya noon pero ngayon lang naisip ni Daleng na parang ayaw na niya. Kailangan pa ng ganitong balita para mag-isip siya nang husto. Naiinis siya sa sarili, nagagalit din na parang wala siyang moral. Ipinagpalit niya sa salapi ang sarili at gusto pa niyang mandamay ng isang bata. Hindi lang basta bata, kundi ang magiging anak niya. Anong klase siyang tao?

Ngayon, paulit-ulit na umaalingawngaw sa isip ni Daleng ang mga sinabi ni Nanang Jovita noon na binalewala niya dahil gipit siya sa pera. Sa isang banda, malinaw sa kanyang ibinenta niya ang moral dahil sa pera, pero puwede naman niya iyong awatin. Puwede namang hindi na siya mandamay ng bata.

Ibig sabihin, kailangan niyang uminom ng pills. Kailangan niyang malaman ang tamang pag-inom niyon. Itatago niya kay Taylor... Pero para naman siyang magnanakaw sa gagawin. Isa iyong panloloko.

Napahawak si Daleng sa noo. Gusto niyang sumigaw, gustong itanong sa langit kung ano ba ang gagawin sa ganitong sitwasyon. Ano ba ang dapat niyang gawin? Hindi niya alam. Nalilito siya. Lumabas na lang siya ng apartment pero nabigla nang bumukas ang elevator at iluwa ang isang babaeng hindi niya puwedeng ipagkamali sa iba. Si Sophia Cruz.

Pusong Mamon (Completed)Where stories live. Discover now