Chapter Thirteen

13.4K 413 7
                                    

BISPERAS ng kasal. Sinundo ng driver ni Taylor si Daleng at ang kanyang pamilya sa bahay. Hindi pa sila nakakalipat sa Tandang Sora dahil hindi pa iyon bayad. Nagkakagulo ang pamilya niya. Dadalhin sila sa hotel kung saan gaganapin ang kasal at dahil may mga bata, last minute na ay nagkaroon pa ng aberya.

Pagkaraan ng may kalahating oras, saka lang sila nakalakad. Panay ang pagpapaalala ng ina ni Daleng sa mga bagay na kailangang dala nila hanggang makarating na sila sa hotel. Parang nahabag si Daleng sa pamilya. Ngayon lang nakarating doon ang mga ito kaya natameme ang mga pamangkin niya.

"'Wag kayong masyadong pahalata," sabi ni Daleng sa mga kapatid. "Kunwari, nakakarating na tayo noon dito. Confident lang kayo." Nauna na siya sa reception. May ibinigay na papel ang receptionist na kailangang sagutan. Nang maibigay ang mga keycard ay tinulungan na sila ng bellman paakyat sa kuwarto.

"Hala, bakit tatlong kuwarto ang kailangan kung kasya naman tayo sa isa? Maliliit ba ang kuwarto dito?" tanong ng kanyang ina, binubuklat ang brochure ng hotel na nakita nito sa reception. "Anak ng...!"

Napatingin tuloy si Daleng sa binabasa ng ina. Nakasulat doon ang rates ng hotel. Agad isinara ng matandang babae ang brochure. "'Wag mong sabihin sa akin na ganoon ngang talaga ang presyo ng isang kuwarto, anak?"

"Bakit, 'Nay?"

"Eh, bakit tatlo pa ang kinuhang kuwarto? Kasya na tayo sa isa. Naku, kung ako lang sana ang nasunod, mayroon namang mas murang hotel na malapit lang dito."

"'Nay, motel 'yon. Nakakahiya," bulong ng kanyang kapatid. "Hayaan na ninyo at minsan lang naman ito."

"Relax lang sabi kayo," sabi ni Daleng. "Siyempre, kailangang solo ako sa kuwarto kasi ako ang bride. Kukunan ako ng picture, gano'n. Kayo naman nitong si Geraldyn ay doon sa isang kuwarto, 'Nay. Itong dalawa namang ito, doon sa isa pa. Siyempre, hindi maganda kung magsisiksikan kayo sa isang kuwarto, saka bawal din 'yon."

"Diyos ko, pambili na ng secondhand na owner ang presyo," bulong ng kanyang ina.

Nang makarating sa kuwarto, parang mga nakawala ang mga kapatid ni Daleng. May isang tumakbo agad sa banyo, at nang lumabas, "May bathtub nga!"

"O, may prutas. Puwede ba 'tong kainin?" tanong ng isang kapatid sa welcome fruit sa kuwarto.

"'Wag mong kainin at baka may bayad. Anak, may bayad ba iyang mansanas?"

"Wala, 'Nay."

Pinagmasdan lang ni Daleng ang pamilya at naisip na tama ang kanyang desisyon. Isang magandang buhay ang ibibigay niya sa mga ito. Hindi maluho, pero hindi rin iyong tipong manginginig sa presyo ng bilihin. Paminsan-minsan din, kapag asensado na sila, papasyal sila, para hindi lumaking ignorante na ni hindi alam kung puwede bang pakialaman ang prutas sa isang hotel room, nag-aalalang baka malaki ang halaga ng isang mansanas at hindi na lang kakainin.

Pusong Mamon (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon