At kalahating oras na yata siyang nagda-drive ay wala pa siyang nakikitang arko na kakikitaan niya ng Falcon Farm. At bakit napakakitid naman ng daan na mukhang hindi naman yata dinadaanan ng sasakyan? May pakiramdam siyang mababaklas anumang oras ang mga underchassis ng kotse sa lalim ng mga lubak.

"Oh, no," aniya nang mapuna ang pagsulpot sa unahan ng isang lalaking nakasakay sa kalabaw na may hilang karomatang puno ng buko. Bahagya siyang nagmenor kasabay ng paglabas ng kaliwang braso at sinenyasan ang taong nasa likod ng kalabaw na tumabi.

At ewan kung napapansin niyang wala namang tatabihan dahil mga puno na ng niyog ang nasa gilid ng daan. At bagaman mabagal ay tuloy-tuloy pa rin siya, inaasahang ang makakasalubong ang iiwas. Hindi niya pinapansin ang kontra-senyas nito na siya ang huminto. Nagsalubong ang mga kilay ng dalaga. Bakit kailangang siya ang huminto?

Nang halos iilang dipa na lang ang layo nila sa isa't isa'y kinabahan ang dalaga dahil hindi umiiwas ang nakakasalubong. Kinabig niya nang bahagya pakanan ang kotse, sanhi upang mabaon sa iniiwasang lubak ang gulong niya. Ang karomata'y ganoon din, sumadsad sa tabi at tumama sa puno ng niyog ang kahoy na gulong dahil sa pag-iwas sa kanya at tumaob ang kariton kasama ang mga buko.

"Damn!" she swore angrily. Malalim ang lubak at kahit na ano ang gawin niyang apak sa clutch at accelerator upang maiahon ang sasakyan ay lalo lamang nabaon ang gulong sa putik.

Galit na lumabas ng kotse ang dalaga at humakbang patungo sa karomata. Ang lalaki'y husto lang nakatayo mula sa pagkakahulog sa kalabaw.

"Tingnan mo ang ginawa mo! Paano ko ngayon maiaahon ang kotse ko dito?" Bahagya niyang nilingon ang sasakyan na halos mapuno ng putik ang mga tagiliran. "Bakit hindi ka huminto?"

"Ako nga po itong nahulog sa kalabaw, ay. At kayo po ang hindi huminto, eh, pang-isahan lang po itong daan," sagot ng binatilyo na niyuko at dinampot ang malaking sombrero sa damuhan. "Tingnan ninyo tuloy ang nangyari sa mga karga ko." hindi makapaniwalang nilinga ang nagkalat na mga buko.

"Madaling ibalik ang buko diyan sa kariton mo. Ang kotse ko'y hindi madaling iahon," galit niyang katwiran.

"Ay aabutin ito nang ilang oras para lang damputing isa-isa at ikarga sa karomata," wika ng binatilyo na napaungol nang mapunang nabali ang kahoy na kumakabit sa karomata patungo sa balikat ng kalabaw. "Paano ngayon iyan?" Nanlumong naupo sa tabi ng karomata ang binatilyo. "Hinihintay sa bayan ito ngayong umaga..."

"Aba't—" Puno ng iritasyon ang tinig niya at halos panlisikan ng mga mata ang binatilyo. "Huwag mong intindihin iyang kariton mo! Gumawa ka ng paraang maiahon ang sasakyan ko dito dahil nagmamadali ako!" utos niya sa mataas na tinig, bahagya nang narinig ang paparating na nakakabayo mula sa likuran. Subalit ang binatilyo ay nag-angat agad ng tingin.

"Ano ang nangyari, Poldo?"

Ang tinig nito ang nagpalingon kay Janine. Its huskiness vibrated around her. Pero hindi nakarating sa mukha ng lalaki ang paningin ng dalaga. Nanlaki ang mga mata sa malaki at magilas na stallion sa likod niya. Wala sa loob na bahagyang ibinaba mula sa mga mata ang dark glasses upang pintahan ang hayop.

Isang Appaloosa! Itim na itim ang kulay at may white spots sa bandang likod. Where is she? Bakit may ganitong uri ng mamahaling kabayo sa bukid na ito? Sa pagkakatanda niya'y nakakita siya ng ganitong uri ng kabayo sa Paso de Blas. Isang isla na pag-aari ng kaibigan ng Tita Emma niya.

"Eh, Jake, b-bigla na lang sumulpot sa dulong daan ang sasakyan niya. At hindi siya huminto kahit na sumenyas na ako..." ang binatilyo na nakapagpapukaw sa paghanga ng dalaga sa stallion.

"Aba at ako pa ang sinisi mo?" singhal niyang baling dito na nakapamaywang. "Dapat ay ikaw ang huminto dahil nauna akong sumenyas sa iyong tumabi ka. Tingnan mo nga at nababasa na ako dito sa ulanan!"

Pangako (Published by Precious Hearts Romances) (Completed)Where stories live. Discover now