Dumilim ang mukha ni Brandon. "Hindi ko alam na ke lalaki ninyong tao ay nakikinig kayo sa tsismis. Iyon bang mukhang iyon ay user?"

"Binubulag mo ang sarili sa matinding gusto sa babaeng iyon," si Mike uli. "Alam mo bang ilang beses ko ng pinag-iisipang sabihin sa papa mo ang mga kalokohang ito, Brandon."

Matalim ang tinging ipinukol ni Brandon sa kaibigan. "Gawin mo, Mike, kung wala nang halaga sa iyo ang pinagsamahan natin." Pagkasabi niyon ay lumabas ang binata at pabagsak na isinara ang pinto.

Napapailing si Nelson at Peter. "Wala, Mike, talagang nadale ni kupido ang kaibigan nating iyon," si Nelson.

Ibinagsak ni Mike ang sarili sa sofa. "Minsan tuloy ay gusto kong pagsisihang nakapasok-pasok tayo rito sa club na ito. Kaya nga lang ay malaking bagay sa akin ang kinikita natin dito. Maliban sa inyong tatlo dahil may mga sinasabi ang mga magulang ninyo. Pero sa nakikita ko kay Brandon ay malamang na problema ang idudulot ni Anya sa kanya."

"Wala tayong magagawa, pare. Hilig ni Brandon ang kumanta at tumugtog. At aminin mo man o hindi, tayo rin..." si Peter.

"At hindi mo masisi si Brandon na magka-crush kay Anya, pare. Maganda namang talaga ito. Kaya nga lang..." hindi itinuloy ni Nelson ang sinasabi. Nagkibit ng mga balikat.

Isang buntong-hininga ang pinakawalan ni Mike. Sa kanilang apat ay siya ang pinakamatanda. Halos magkakasing-edad ang tatlo samantalang siya ay beinte tres na. At higit pa sa magkaibigan ang turingan nila ni Brandon. Talo pa nila ang magkapatid.

Ang ama niya ay Manager ni Don Hernando Brazil, ang papa ni Brandon,sa isa sa mga negosyo ng mayamang matanda. Katatapos lang niya ng high school nang maaksidente ang ama niya at mamatay. Hindi sila mahirap pero hindi rin naman mayaman. At nahihirapan ang mama niya na pagtapusin silang pareho ng bunsong kapatid ng pag-aaral sa kinikita nito bilang guro sa isang pampublikong paaralan.

Sa tulong na rin ni Brandon ay napasama siya sa scholarship foundation ni Don Hernando at nakapag-aral ng kolehiyo sa Ateneo kasama ni Brandon.

At si Brandon ay pinayagan lamang ni Don Hernando sa pagtugtog dito sa club dahil talagang hilig nito. Ang kondisyon ng matanda ay basta walang trouble.

Pero sa nangyayari ay mukhang hindi makakaiwas si Brandon doon.

SAKAY na ng Toyota Crown ni Brandon si Anya ay lumilinga pa ito sa parking. Hindi siya napapansin ng binata na nagmamaniobra ng sasakyan. Ilang sandali pa ay palabas na sila sa kalyeng iyon sa Ermita.

Ginagap ng kamay ni Brandon ang kaliwang kamay ng dalaga at dinala sa bibig. "Ano ba talaga ang relasyon nating dalawa, Anya?" tanong nito na sandaling sinulyapan ang dalaga.

"Ano ba ang gusto mong maging relasyon natin?" sagot ni Anya na ngumiti pero mailap ang mga mata.

"I want you to be my girl."

"So I am your girl," wala sa loob niyang sagot. Nakalingon sa dinadaanan at sa side mirror.

Humigpit ang hawak ng binata sa palad niya. "I am holding you to that. Mula ngayon ay girlfriend na kita. At isa sa mga araw na ito ay ipakikilala kita sa papa at mama, Anya."

Napalingon si Anya dito na tila noon lang narinig ang sinasabi ng binata. "Sa—Papa at Mama mo?"

"Yup. At sa isang linggo na iyon," nakangiti nitong sinabi. Anniversary nila at karaniwan na ay sa Phantom Island namin sila nagsi-celebrate. Dadalhin kita roon..."

"Island?" Parang ibong loro na inulit niya ang sinasabi ng binata. "Nakainom ka ba? Anong island ang sinasabi mo?"

Ngumiti ang binata. Maliban sa grupo ay walang nakakaalam ng katayuan nito sa buhay. Mahigpit nitong ibinilin sa mga kaibigan na pagdating sa club ay ordinaryong band singer and member lang ito.

"May isang islang pag-aari ang pamilya ko, Anya..." isang taxi ang nag-overtake kaya hindi napansin ni Brandon ang pag-ikot ng mga mata ng dalaga. Kung gusto ng binatang mangarap ay pagbibigyan niya.

Inihilig ni Anya ang ulo sa sandalan ng kotse at pumikit. Nag-alalang sinulyapan ito ng binata.

"Are you all right?"

"Nahihilo lang ako, Bran. Siguro dahil lagi na lang akong puyat. At saka alam mo naman iyong customer kanina, ilang gin tonic din iyong na-order ko," sagot niya pero hindi nagmumulat ng mga mata. Sasabihin ba niya rito kung ilang valium ang ininom niya? At least, alam ni Brandon na nahihilo siya dahil sa lady's drink. At alam ni Brandon na sadyang dinadagdagan niya ang order ng lady's drink dahil sa commission.

"Magpaalam ka sa boss natin, Anya, para sa isang linggo. Doon sa isla ay tiyak na makakabawi ka."

Hindi na sumagot si Anya na tila idinuduyan ang sarili sa bawal na gamot. Sa maraming pagkakataon ay naitatago niya ang ginagawa mula sa mga kasama sa trabaho maliban kay Augusto dela Merced. Nahuli siyang minsan nitong nagtuturok sa loob ng dressing room niya.

At nangako si Augusto na tutulungan siya sa anumang suliranin mayroon siya. Tutulungan siya ni Augusto. Kailangan niya si Augusto... at mahal niya si Augusto... at mahal din siya nito...

"Anya, narito na tayo..." banayad na yugyog ni Brandon sa balikat niya.

"Hmm..." nagmulat siya ng mga mata. Namumungaw na tumingin kay Brandon. Naidlip ba siya o nagti-trip? "Nasa amin na ba tayo?"

"Sa harap mismo ng gate ng apartment mo," natatawang sagot ni Brandon. Gustong maawa sa pagod at puyat na nakikita niya sa mukha ng dalaga. "Teka at sasamahan na kita papasok sa loob..."

"Huwag na," awat niya rito nang akmang bababa ang binata. "Gabi na, Bran, at may klase ka pa bukas. Sige na. Magkikita naman tayo sa club bukas."

Inilahad ni Brandon ang dalawang kamay. "What can I say? Goodnight, Anya..."

"Goodnight," mabilis niyang sagot at mabilis rin siyang bumaba ng kotse at kung hindi siya nakahawak sa may gate ng apartment ay baka natumba pa siya. Nginitian niya si Brandon at kinawayan.

Isinasara na niya ang pintuan ng apartment nang masilip niya ang pagparada ng isa pa uling sasakyan sa tapat ng apartment. At kilalang-kilala niya ang kotseng iyon. Nakikita niyang madilim ang mukha ni Augusto na bumaba ng sasakyan nito.

"Bakit hindi mo ako hinintay? Sino ang naghatid sa iyo rito?" Galit at pag-aalala ang nasa tinig ng may-ari ng club. Si Augusto dela Merced, biyudo at may isang anak at nasa early forties nito.

Binitiwan ng dalaga ang doorknob, pumasok sa loob at umupo sa sofa. "Si Brandon..."

Naningkit ang mga mata ng matandang lalaki. "Totoo ba ang nababalitaan ko sa inyong dalawa?"

"O, c'mon. Pati ba naman iyong bata ay pinagseselosan mo," nakangiti niyang sinabi. Sa harap ng lalaking ito ay hindi niya kailangang magkunwaring sober. Inilatag niya ang sarili sa sofa at ipinikit ang mga mata.

"Ano na naman ang ginawa mo, Anya? Bakit hindi mo tulungan ang sarili mo?" Subalit hindi na naririnig ng dalaga iyon. Tulog na ito. Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ng lalaki. Yumuko ito at pinangko ang dalaga papanhik sa itaas ng apartment upang pagyamanin.

Midnight PhantomTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon