KABANATA 1: TIYANAK SA AIRPORT

843 15 1
                                    

4 Oktubre 1997. Ninoy Aquino International Airport

BIGLANG napahinto sa paglalakad ang dalawang cargo handler ng customs warehouse sa airport.

Bakas na bakas sa mukha ng mga lalaki ang pagkalito at pagkamangha. Kapwa nakakunot-noo at nagitla sa narinig na hindi pangkaraniwang tunog.

"Parang galing sa bandang likod," usal ng isa na biglang napahawak sa manggas ng suot na overall ng katabi.

"Shhh... Huwag ka munang maingay, bay. Baka umulit," saway ng kasama nito. Medyo iniyuko nito ang ulo upang matantiya kung saan magmumula ang kakaibang ingay.

Tinalasan ng mga lalaki ang pandinig. At hindi nga sila nabigo nang muli'y may parang maliit na bata ang impit na umiyak.

Animo pinaghalong iyak ng hayop at paslit ang kanilang narinig. Hindi napigilan ng dalawa na panindigan sila ng balahibo sa batok.

"Sus, ginoo! B-Baka may tiyanak d'yan?!" nahintatakutang bulalas ng isa na namilog ang mga mata.

"Bay, naman," saway uli ng kasama nito. "Tiyanak sa airport?"

"E ano 'yon?"

Kibit-balikat ang isinagot sa tanong nito. "Isa lang ang paraan para matiyak natin..," sagot ng ikalawang lalaki na nagsimulang humakbang patungo sa pinanggalingan ng iyak. Mabilis na sumunod ang una. Ayaw nitong magpaiwan. Manakanaka'y kinakabahang nagsusulyapan ang dalawa ngunit nagpatuloy ang mga ito sa paglalakad.

Kung nagilalas man sila kanina sa narinig ay lalo silang nagtaka nang matunton ang pinagmulan ng kakaibang ingay.

Natagpuan ng dalawa ang mga sarili sa harapan ng isang may kalakihang kahon na nababalutan ng kulay kayumangging wrapping paper. Butas-butas ang papel. Tila sinadya upang makahinga ang sinumang ---o anumang--- nasa loob.

Tiningnan ng nauna ang mga papel na nakapaskil sa kahon. "Galing palang Karachi 'to..," malakas na basa nito. Ang Karachi ang capital city ng bansang Pakistan. Napasinghot ang lalaki. Napangiwi ito sa masangsang na amoy na nagmumula sa loob ng kahon.

"Ang baho! Ano kaya ang laman nito, bay?"

"Silipin mo kaya..."

Nagdalawang-isip ang nagtanong ngunit nanaig din ang kausyosohan nito. Bumunot muna ito ng malalim na hininga at saka yumuko. Ipinikit ang kaliwang mata at maingat na sumilip sa butas. 

Ilang segundo pa lamang ito nakasilip nang biglang napaatras ang lalaki. Kitang-kita ang pagkalito at pagkamangha sa mukha.

"Ba-bakit!?" kinabahang tanong ng kasama nito.

"Mata! May mata, bay!" Iyon lamang ang naisagot ng nagitlang lalaki na nakaturo sa butas na pinagsilipan.

Hindi na rin natiis ng ikalawang lalaki ang sarili. Sumilip iyon. At tulad ng kasama'y kukurap-kurap na napaatras iyon. Hindi makapaniwala sa nakita.

"Mata nga!" bulalas niyon dahil nang sumipat ay matang nakasilip din sa butas ang nakita niyon.

Nilakihan ng dalawa ang butas ng papel upang higit na makita ang laman ng kahon. Hindi naman kasi nakakatakot ang matang nakita nila. Kung tutuusin ay parang malungkot pa nga ang matang iyon.

Kapwa tuluyang namangha ang mga lalaki sa tumambad sa kanilang paningin.

"Gorilya!" ang gitlang bulalas nila.

Ang matang nasilip nila ay mata ng batang gorilya. Maliit lamang ito pero mukhang gorilya na talaga. Sa tantiya nila ay wala pang dalawang talampakan ang taas. Nakapiit ito sa maliit na kulungang kahoy na tamang-tama lamang sa sukat nito.

Kulay itim ang makintab na balahibo ng gorilya sa buong katawan bukod sa mukha, dibdib, kamay at paa. Ngunit mukhang groge pa ang unggoy dahil pupungas-pungas ito.

"Bay, alisin na natin ang takip," sabi ng isa na tuluyan nang pinunit ang nakabalot na papel.

Muli silang nagulat sa nakita. Marami pang ibang kulungan na puno rin ng iba't ibang klaseng tsonggo. At kahit hindi sila nakakakilatis ng hayop, alam nilang hindi pangkaraniwang matsing ang nasa harapan nila."

Nakakaawa naman ang mga unggoy. Mukhang hirap na hirap sa pagkakakulong," naiiling na puna ng isa.

Siksikan ang mga hayop. Sa isang kulungan ay pinagkasya ang limang tsonggo. Ngunit bukod sa gorilya'y tulog pang lahat ang ibang unggoy. Mukhang sinaksakan ng tranquilizer dahil ni hindi pa tumitinag ang mga ito.

Muling natawag ang kanilang pansin sa gorilya. Inilawit ng batang gorilya ang mga braso nito sa kulungan. Parang paslit na nagpapabuhat. O kaya'y humihingi ng saklolo.

Napangiti ang dalawang lalaki. Inabot ng isa ang nakatanghod na kamay ng matsing.

Nagulat pa iyon dahil parang kamay pala ng tao ang kamay ng gorilya; malambot at may guhit ang palad.

"Ewan ko 'yang iba, bay, pero tiyak kong endangered species ang gorilya," pahayag ng isa dahil hindi niyon kilala kung anong uri ang

ibang tsonggo. "May permit kaya ng CITES 'to?"

"Meron man o wala e i-report na agad natin kay Chief," mungkahi ng kasama niyon na sinabayan ng paglakad patungo sa tanggapan ng hepe.

B1 GANG MYSTERIES Case File No.8 : Wildlife DetectivesDonde viven las historias. Descúbrelo ahora