KABANATA 7 : UNDERCOVER AGENTS

224 8 0
                                    

PANAY ang kaway nina Jo at Miss Alana sa videocam na hawak ni Gino.

Aliw na aliw ang dalawa habang nakapose sa pagitan ng mga kulungan ng maiingay na ibon at mga aquarium na puno ng makukulay na isda.

Tuwang-tuwa ring nakamasid ang mga tindera ng magkakatabing pet shops at ang ilang mamimili sa Cartimar, isang sikat na bilihan ng mga hayop sa Pasay.

Sa paningin ng mga ito'y pangkaraniwang turista si Alana na ipinapasyal ng mga kabataan. Hindi pumasok sa isipan ng mga miron na nagpapanggap lamang ang tatlo.

Sabihin pa, mabilis pa sa alas kuwatro na pumayag ang barkada sa alok ni Alana. Kasi naman, para na ring itinanong mo sa unggoy kung gusto nitong maglambitin sa puno.

At ngayon nga'y nagkukunwari silang namamasyal habang malayang kumukuha ng footages ng mga hayop na ipinagbibili.

Ayon sa babae, isa ito sa ginagamit na paraan ng E.I.A. sa pagmamatyag at pagkuha ng ebidensiya.

Sa ganitong pagpapanggap ay hindi sila pinagsususpetsahan ng mga nagtitinda kaya malaya nilang nakukuhanan ng video ang mga hayop.

At kung minsan pa nga raw ay nahihimok nilang sumali sa video ang mismong may-ari ng tindahan ng mga endangered species.

"Such lovely parrots. They're so colorful," malakas na sabi ni Alana upang masagap ng mikropono ng videocam. 

"Would you like to buy one, Ma'am?" maagap na alok ng tindera.

"Oh, I want to but I still have to go Hong Kong. It would be hard for me to get a pet at this time," kunwari'y nadismayang sabi ni Alana na muling ibinaling ang atensiyon sa mga loro.

"Sayang nga e," singit ni Jo. "Gusto sana ni Tita na magkaroon ng souvenir mula sa Pilipinas. Mahilig kasi siya sa mga hayop kaya dito namin siya dinala ni Kuya."

Patuloy sa pagkuha ng video si Gino. Ngunit sa isip ay nananalangin siyang kumagat sana sa pain nila ang tindera.

Bago sila nagtungo rito ay nag-usap sila kung ano ang papel na gaganapan at kung paano nila malalansi ang tindera na alukin sila ng bawal na paninda.

Nilingon ng tindera si Gino. Parang iniistima nito ang binatilyo. Tapos ay ibinaling ang tingin kay Jo. Tila ba pinag-aaralan nito ang hitsura ng tatlo.

"Kung souvenir ang gusto ng kasama n'yo, interesado kaya siya sa mga stuffed animals?" sa wakas ay alok nito kay Jo.

Bumilis ang tibok ng puso ni Jo. Ito na kaya ang break na hinahanap nila? Inulit ni Jo ang alok ng tindera kay Alana na agad namang kinakitaan ng magkahalong interes at pagdadalawang-isip sa mukha.

Para bang hindi ito makapagdesisyon. Kung hindi kilala nina Jo at Gino ang kasama, pati sila'y maniniwalang inosenteng turista lamang ang babae sa galing nitong umarte.

"Would you like to see them? They are beautiful," diretsahang alok ng tindera.

"Well, okay. But I can't promise you I'll buy one," pahiyang ni Alana. "Where are they?"

"Inside," sabi ng tindera na sinenyasan silang sumunod.

Ngunit bago pumasok ang tatlo ay kinuha ni Alana kay Gino ang videocam. Sumunod sina Ms. Alana at Jo sa loob ng shop, sa pinakadulo.

Nagpaiwan si Gino sa bukana para magmasid sa kabuuan ng tindahan. At makapagtanong. Nakatalikod si Gino nang may bumundol sa kanyang likuran.

"Naku, sorry. 'Di ko sinasadya," mabilis na hingi ng paumanhin ng binatilyong nakabangga kay  Gino.

"Okey lang," nakangiting sagot ni Gino nang makita niyang may hawak na plastic bag na may lamang butil-butil ang nakabangga sa kanya. Napansin ng binatilyo na nakatingin si Gino sa supot.

"Pagkain 'to ng isda. Nagpapakain kasi ako kaya hindi kita nakita," paliwanag niyon.

"Dito ka nagtatrabaho?"

"Part-time lang," tango niyon. "Bale working student. Nasa high school ako."

"Pareho tayo. Ako nga pala si Gino."

"Ako si Toto."

"Puwede ba 'kong manood sa pagpapakain mo?"

Lumingon si Toto sa opisina ng amo. Nakakandado pa rin ito. "Sige. Wala pa naman si boss. Mahigpit kasi iyon e. Baka pati ikaw madamay pag pinagalitan ako."

"Bakit niya naman tayo pagagalitan?"

"Ay naku, hindi mo kilala si Mr. Wong. Talagang masungit iyon pero nitong mga huling araw eh lalong naging grabe. Kahit napakaliit na bagay, pumuputok na agad ang butse," naiiling na sagot ni Toto. "Ewan ko ba. Kung ako lang ang kasing yaman n'ya, hindi na siguro ako magagalit pa."

"Ganoon ba kalaki ang benta ng shop na 'to?" ani Gino sa katabing naghuhulog ng pagkain sa aquarium ng goldfish.

"Hindi naman gaano. Pero si Mr. Wong din kasi ang nagsusupply ng hayop sa ibang mga tindahan dito. Doon siguro siya kumikita."

"Sabi ng tindera n'yo may stuffed animals kayo. Si Mr. Wong din ba ang nagsusupply n'on?" patay-maling tanong ni Gino.

"Hindi ko alam. Pero ang alam ko kami lang ang mayroong gano'n," sagot ni Toto.

Napagpasyahan ni Gino na ipagpatuloy ang pakikipag-usap sa bagong kakilala. Binayaan na lamang niya sina Jo at Ms. Alana  sa loob.


"VERY NICE, ha?" sabi ng tindera kay Ms.Alana matapos buksan ang isang kabinete.

Lumantad ang apat na stuff animals sa loob. Kung nagulat man ang dayuhan ay hindi iyon mapapansin sa mukha niyon. Basta't inayos lang niyon ang nakasukbit na videocam sa balikat na parang nabibigatan.

Lumapit iyon sa mga stuff animals. Isang uri ng pawikan, ibong kalaw at Philippine Eagle ang naroon. Lahat ng mga ito'y endangered species.

"These animals are found only in the Philippines," pagmamalaki ng tindera.

"Really? How much are they?" sagot ni Alana na hinawakan ang may kalakihang pawikan.  Kinuha ito ng babae at wari'y pinagaaralan.

Nakikitingin si Jo nang mapansin nito ang videocam na nakasukbit sa balikat ng kasama. Nakasindi ang maliit na ilaw na pula ng camera. Ibig sabihin, patuloy sa pagtakbo ang video tape at nagre-record pa rin ito.

Sasabihin na sana ni Jo ang napansin nang magtama ang mata nila ni Alana. At sa gulat ng dalagita, palihim at mabilis na kumindat ang babae.

Napangiti sa sarili si Jo nang makuha ang ibig parating ni Alana: sinadya niyong tumatakbo ang kamera. Kahit nakasabit lang ito sa balikat, ang lens nito ay laging nakatutok sa kabinete.

Lingid sa tindera, kanina pa pala kinukuhanan ni Alana ang mga stuff animals.

Nagtawaran pa sina Alana at ang tindera. Ngunit sa huli ay nagpalusot na lamang si Alana na titingin muna sa ibang tindahan bago iyon magpasiya.

"The poor animals!" bulalas ni Alana kina Jo at Gino nang makalayo ang tatlo sa mga pet shops.

"Why didn't you buy one? You can use it as an evidence?" tanong ni Gino.

"The video footage is sufficient," paliwanag ni Alana. "And if I bought the eagle or the sea turtle, I'm afraid the store owner would just get another one to replace his stock. You must remember, kids: if there are no buyers, there will be no sellers."

"So what now?" tanong ni Jo sa mga kasama.

"Let's go home and wait for Kiko and Boging," yaya ni Alana. "I hope they also had a good mission."

B1 GANG MYSTERIES Case File No.8 : Wildlife DetectivesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon