KABANATA 2 :BALITA NI KABO

535 10 3
                                    

"BOGING, baka may biglang sumulpot sa likuran, ha?" sabi ni JO. Panay ang sulyap nito sa pinagdaanan nila.

"Wala. Sabi nang ako'ng bahala sa 'yo e," mayabang namang sagot ng malusog na Tsinoy sa dalagita.

"Siguraduhin mo lang, tabatsoy, dahil pag napatay tayo rito ipapa-liposuction kita nang walang anistisya!" mataray na banta ni Jo.

Sasagot pa sana si taba nang biglang magsulputan ang marami nilang kalaban. Pinaligiran sila! Nakaambang lahat ang sandata.

"Ahhh!!" sabay na sigaw ng dalawa kasunod nang walang patid na pagsuntok, pagtadyak at pagsipa sa mga kalaban.

Walang awang pinagpapatay nina Jo at Boging ang mga iyon. Sumabog ang dugo at nagkalat ang mga bangkay sa kapaligiran.

"Sa kaliwa, Bogs!" sabi ni Jo habang patuloy pa rin itong nakikipagbakbakan.

Nakita ni taba ang tinukoy ni Jo. Mabilis na pinatalon ni Boging si Cyclops at saka niyon pinaulanan ng suntok ang tatlong kalaban.

"Chicken!" nakangising sabi ni taba matapos na gapiin ang mga kalaban.

"Bogs, dumadami sila!" sigaw uli ni Jo. "Hindi natin sila kayang lahat!"

"Oo nga," pansin din ni Boging na may pagkabalisa sa boses. "Kailangang isabay mo ang power ni Storm sa power ko, Jo. One... two... thr---"

"Yaahhh!!" sigaw ni Jo na nagpawala ng matinding power ni Storm.

Ang problema, hindi pa pala handa si Boging. Kaya nang tirahin ni Cyclops ng laser ang mga kalaban ay napatay na si Storm.

Ilang sandali lamang at pati si Cyclops ay nakabuwal na rin. Magkasunod na napatay sina Jo at Boging.

"Aaahhhh!!!" inis at buong lakas na hiyaw ng dalawa.

"Jo! Boging! Bakit? Anong nangyayari sa inyo?" humahangos mula sa silid na tanong ni Aling Linda. May hawak na magasin ang babae na hindi sinasadyang nalamukos nito dahil sa pagkagulat at pagmamadali.

"Ho? Wala po. Naglalaro lang ho kami ng 'X-Men' sa computer," natatawang paliwanag ni Boging sa ina ng kaibigan.

"Si Mommy talaga, over," kantiyaw ni Jo.

"Sus, paano naman kung makatili kayo eh parang may nama-massacre na," natatawa na ring sagot ng babae habang inuunat ang babasahing nagusot. "Ang Kuya Gino mo pala, Jo? Dumating na ba?"

"Hindi pa, Mommy. Pero tumawag na po kanina. Dadaanan daw niya si Kiko para sabay na silang pumunta rito."

"Tamang-tama dahil pauwi na rin ang Daddy mo. Pwede tayong makapagmeryenda nang salu-salo," sagot ni Aling Linda.

Biglang napaunat ang bilugang katawan ni Boging nang marinig ang isa sa paborito nitong salita: meryenda. "Kailangan po ba ninyo ng tulong sa kusina, Aling Linda? Willing and able po ako," maagap na kusa ni taba.

"Hindi na, Boging. Kaya ko na. Maiwan na kayo ni Jo dito at ituloy na ninyo ang paglalaro ng Pacman," mabilis ding pigil ng babae sa patayo nang binatilyo.

"Pacman?" nagkatinginang sabi nina Jo at Boging na para bang diring-diri.

"Aling Linda, laos na ho 'yon. X-Men ho 'to," ani taba.

"O siya, siya. Kahit ano pa 'yan. Basta tawagin mo na lang ako, Jo, pag dumating na ang Daddy mo, ha," bilin nito bago nagtuloy sa kusina.

"Ano bang nangyari kanina, Bogs? Ba't tayo natalo?" baling ng dalagita sa katabi.

"Hindi kasi tayo nagkasabay sa pagtira sa kalaban."

"'Di ba nagbilang ka hanggang tatlo?"

"Oo nga, kaya lang ang ibig kong sabihin eh 1... 2... 3 tapos saka natin sila titirahin nang sabay. Ang nangyari 1... 2... pa lang inupakan mo na agad," paliwanag ng computer wiz kid. "Saka hindi lang dapat basta tira, Jo. Kailangang hiwalay tayo ng aasintahin. Ako sa kaliwa at ikaw sa kanan para patay lahat ang kalaban natin."

B1 GANG MYSTERIES Case File No.8 : Wildlife DetectivesWaar verhalen tot leven komen. Ontdek het nu