KABANATA 10 : ANG ESTUDYANTE

179 7 0
                                    

SAGLIT na huminto sa pagtakbo si Kiko nang makarating siya sa isang sapa. Mababaw at makitid iyon. Dalawang dipa lamang ni Kiko ang lapad ngunit mabilis ang daloy ng malinaw na tubig.

Inalis ni Kiko ang suot na baseball cap at ipinamaypay niya iyon habang tinatanaw ang nasa kanyang harapan.

Napangiti siya nang makitang malapit na siya sa University Avenue; ang main road ng Pamantasan ng Pilipinas. Natatanaw na niya ang mga pumapasadang dyip na maaari niyang masakyan.

Nilingon ni Kiko si Boging. "Yesss!" masayang bulalas niya nang makitang makakaligtas na rin ang kabarkada.

Ibinaling ng binatilyo ang paningin sa mga humahabol sa kanila. Napakunot-noo si Kiko nang makitang isang lalaki na lamang ang tumatakbo sa gulayan. Hindi nabahala si Kiko. Tutal, makakaligtas na rin naman siya.

Isinuot uli niya ang cap bago siya nanulay sa nakabuwal na puno upang makatawid sa sapa. Madamo ang kabilang panig ng sapa dahil hindi na iyon bahagi ng vegetable farm.

Habang naglalakad patungo sa kalye ay hinahawi ni Kiko ang mataas at malagong damo. Nagpakawala ng malalim na buntung-hininga si Kiko nang makaahon siya patungo sa kalye. Napatingin tuloy sa kanya ang isang babaeng estudyante na naghihintay ng masasakyan.

Nilingon ni Kiko ang vegetable farm. Wala pa rin ang humahabol sa kanya. Tatawid na sana ang binatilyo nang biglang umihip ang hangin. 

Napasigaw ang estudyante nang tangayin ang ilang papeles nito. "Ang term paper ko!" bulalas ng babae na nagpasimulang habulin ang mga kumalat na papel.

Nilipad ang ilang pahina sa may paanan ni Kiko. Mabilis na yumuko ang binatilyo upang damputin iyon. Lumapit si Kiko sa babae at iniabot ang pinulot.

"Thank you," sabi ng estudyante na isaisang inaayos ang mga papel. 

Iiwan na sana ni Kiko ang tinulungan nang muling napabulalas ang babae. "Naku, kulang pa 'ko ng isang page!" anito.

Nandilat ang mga mata ng babae nang makita ang nawawalang pahina na nililipad pa rin ng hangin papunta sa kalye.

Nakita rin ni Kiko ang papel. At kahit nagmamadali ang binatilyo ay naisipan niyang habulin ang papel at tulungan ang babae. Tutal, sandali lang naman.

Hinabol ni Kiko ang papel. Nang lumapag iyon sa kalye ay maliksing pinulot iyon ni Kiko. Paunat na ang katawan ni Kiko nang magitla siya sa nakita.

Ang sasakyan ng nagtitinda ng ibon. Parating sa dako niya! Palinga-linga ang nagmamaneho. Tiyak ni Kiko na siya ang hinahanap. 

Mabilis na bumalik si Kiko sa estudyante at iniabot ang hawak na papel.

"Salamat uli, ha," nakangiting sabi ng babae nang mapansin ang nababalisang mukha ni Kiko.

"Bakit, boy?" anito kay Kiko.

"Kasi ho may humahabol sa 'kin. Pero wala ho akong kasalanan. Maniwala ho kayo," natatarantang paliwanag ni Kiko.

Napakunot-noo ang babae. Bahagyang nagitla sa pinahayag ni Kiko. "Member ka ng frat? May rumble kayo?" sunud-sunod na tanong ng babae.

"Hindi ho! Hindi ho!" sagot ni Kiko na tulirong naghahanap ng matataguan. Alam niyang hindi siya maaaring bumalik sa vegetable farm dahil naroon ang isa pang lalaki. At kung mananatili siya sa kinaroroonan, tiyak na makikita siya ng nasa sasakyan. Mako-corner siya!

Iginala ni Kiko ang paningin. Naghanap siya ng maaaring magamit sa pagtakas. Nang sa dakong kanan ay nakakita siya ng man-made pond na may estatwa ng babaeng naliligo. May nakatanim ding matataas na halamang tubig sa lawa. Iyong parang talahib ang hitsura. Mahahaba ang dahong nakausli sa tubig.

B1 GANG MYSTERIES Case File No.8 : Wildlife DetectivesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon