Umatras na agad si Diwa hindi pa man ito nakakahakbang ng isa.

"Walang alam si Rique," mas mababa na ang tono niya. "Wala akong pinagsabihan na kahit sino tungkol sa 'yo—"

"Good," Parang nasisiyahang sabi nito. "Napadaan lang naman ako."

"Napadaan daw..."

"Napadaan lang para hindi ka makalimot sa usapan natin—"

"Ba't ba nanggugulo ka ng buhay nang may buhay, ha? Ikaw na nga ang may ninakaw ako pa 'tong dapat mag-ingat sa mga ginagawa ko? Ako pa ang dapat matakot? Ako pa ang dapat hindi manahimik? Ayos ka rin, eh. 'Kapal mo para guluhin pa ang buhay ko—"

"Napadaan lang," putol naman nito. Nakakainis ang pagiging kalmado. "Nanggugulo na agad ng buhay?"

"'Wag mo akong inuuto!" singhal niya. "Nasa supermarket ka!"

"I bought some wine," sagot naman nito. "Masama?" Mga dalawang hakbang ang distansiya nila nang tumigil ito sa paghakbang. "Ano'ng relasyon mo kay Enrique Ruiz?"

"Maid nga!"

"Ano'ng relasyon mo kay Enrique—"

"Ka-live in!"

"Last chance, witch. Ano'ng relasyon mo kay Enrique—"

"O, eh 'di kabit na lang kasi!"

Kumilos bigla si Rogue, inisang hakbang lang pagitan nila. Bigong makalayo si Diwa. Nahawakan agad nito ang braso niya, kasunod ang mga balikat niya. Naisandal na siya sa dingding nang hindi niya namalayan. Agad sana siyang iiwas pero itinukod nito ang dalawang kamay sa magkabilang side niya. Kung kikilos si Diwa, makukulong lang siya sa yakap nito.

Para siyang na-korner na estatwa. Ang lakas na naman ng kabog sa dibdib niya.

"Sasagutin mo ba ako o hindi?" Ibinaba ni Rogue ang mukha, ang mga mata ay bumaba rin—tumutok sa lips niya!

Nanghihina na naman ang tuhod ni Diwa sa kaba. Bakit ba ganito ang epekto sa kanya ng sangganong ito? Hindi niya maintindihan ang ginagawa nito sa mga senses niya. Kung magtatagal pa siya sa harapan ng lalaki, mauubusan siya ng oxygen sa utak, hangin sa baga at dugo sa puso—iyon ang eksaktong pakiramdam niya. Kaya kailangan niyang makalayo agad.

"Ano'ng relasyon mo kay Enrique?" ulit na na naman ni Rogue, bulong na lang. Parang nang-aakit na bulong. Napalunok si Diwa. Iba ang pakiramdam na hatid sa kanya ng hininga nitong naramdaman niya side ng leeg.

"W-Wala..." Natataranta nang sagot ni Diwa. Hindi pa man dumidikit ang katawan ni Rogue sa kanya, parang yelong natutunaw na siya. Wala siya dapat na ganoong pakiramdam. Ano bang mayroon sa lalaking ito? "Bitawan...bitawan mo na ako—"

"Ano'ng ginagawa mo sa kuwarto niya?"

"M-May...may ipinapagawa siya sa akin."

"Ano?"

"Ba't ba kailangan mong malaman?" At nag-angat siya ng tingin—na pinagsisihan ni Diwa. Nagtama na naman ang mga mata nila. Napansin tuloy niya ang lapit nila. Napansin rin niyang itim na itim ang mga mata nito at parang nakakalunod. Gustong saktan ni Diwa ang sarili nang bumaba sa ilong nito ang titig siya—sa ilong na perpekto ang tangos...at sa mga labing parang...

Masarap humalik, Diwa?

Napalunok uli siya. Wala sa loob na pumikit at umungol sa inis sa sarili. Naiisip pa talaga niya ang mga bagay na iyon?

Pagdilat niya uli, mga mata ni Rogue na titig na titig sa kanya ang namulatan ni Diwa. Nahuli din niya ang paggalaw ang Adam's apple nito. "Aalis lang ako kung magsasabi ka ng totoo."

Ba't ba alam ng lalaking ito na nagsisinungaling siya?

Tumuwid ang likod ni Diwa nang maramdaman niya ang dantay ng daliri ni Rogue sa side ng mukha niya—parang hinawi yata nito ang buhok niyang tumatakip na sa isang mata.

"May...may multo sa bagong biling bahay ni Rique. Gusto niyang...gusto niyang kausapin ko. May...may kakayahan akong makakikita ng mga ligaw na kaluluwa..."

Medyo umangat ang mga kilay ni Rogue pero walang sinabi. Tinitigan lang siya nang matagal. Mayamaya ay binawi na nito ang mga braso. Gustong tumawa ni Diwa. Hindi pinaniwalaan ang lahat ng sinabi niya kanina, pero sa multo ay naniwala agad?

"Dito ka ba nakatira?" ang sumunod nitong tanong. Wala sanang balak sumagot si Diwa pero humakbang na naman ito palapit. Nataranta na naman ang senses niya

"Oo, dito!" bulalas niya. "Nire-rentahan lang ng...ng kaibigan ko 'to. Wala siya ngayon, nasa abroad. Siya talaga ang...ang kaibigan ni Rique." Gaga ka, Diwa. 'Di mo na dapat sinabing wala kang kasama! Kaya hindi dapat siya natataranta. Nadudulas talaga siya!

Hindi alam ni Diwa kung tama ang nakita niyang parang kuminang ang mga mata nito. Ganoon na lang ang tuwa ng loko na natataranta at natatakot siya?

Marahang ngumiti si Rogue pagkatapos ng matagal na pagtitig sa kanya. May kung ano itong kinuha sa likuran, sa bulsa yata ng jeans. Napakurap si Diwa nang makitang pulang rosas ang hawak nito.

Isang rosas lang.

"Kasama ng chocolate," sabi ni Rogue, parang nagpipigil na mas ngumiti pa. "Naiwan lang."

"R-Rose. A-Ano'ng gagawin ko diyan?"

"Rose o kiss?" at lumapad ang misteryosong ngiti nito.

Biglang kinuha ni Diwa ang rose. "U-Umalis ka na—"

Mas ibinaba nito ang mukha. Marahang dumausdos naman si Diwa para makaiwas. Tumawa si Rogue. Suwabe at maikling tawa lang. Magaang pinisil ang baba niya, tumalikod at balewalang lumabas ng bahay.

Tulala na namang naiwan si Diwa. Parang estatwang nakasandal sa dingding.

ROGUE (PREVIEW)Where stories live. Discover now