Chapter 2

1.9K 71 32
                                    

Hinding-hindi ko malilimutan ang unang lalaking bumihag sa aking puso. Ipinaramdam niya sa akin kung paano lilipad at sasabay sa saliw ng dagundong na namumutawi sa aking puso.

Napaka-memorable ng una kong pag-ibig sapagkat dito ko rin naramdaman kung paano kiligin nang wagas. Sa mga munting bagay na ginagawa niya para mapasaya ako, rehistradong-rehistrado iyon sa utak ko.

Pinatunayan niya rin sa akin na hindi kailangan ng mga materyal na bagay para mapasaya mo ang isang tao. Sakto lang din naman ang antas ng kaniyang pamilya sa buhay, hindi mahirap at hindi mayaman.

Sa kabila ng lahat ng sayang itinanim niya sa pinakamatabang bahagi ng aking puso, ay siya ring pait sa pagkakapunla upang ito'y dumugo...

---

"Babe, akalain mo 'yon, tatagal tayo ng tatlong buwan..." bungad ko kay Martin habang nakasakay kami sa tsubibo.

Madilim ang kalangitan ngunit laganap at kumukutikutitap ang mga bituin. Ang sarap pagmasdan ng mga ito, para bang kay sarap abutin sa tuwing napupunta kami sa pinakatuktok.

"Kaya nga, babe. Parang kailan lang e ayaw na ayaw mo sa akin lalo na kapag kinukulit kita. Hindi naman ako kaguwapuhan katulad ng mga lalaking pinagpapantasyahan mo, pero sa huli, sa akin din bumagsak ang pinakamatamis mong oo," aniya habang nakatitig sa aking mga mata.

Hindi ko mapigilang hindi mapangiti dahil totoo naman ang sinabi niya. First year hanggang third year high school, kaklase ko na siya pero hindi ko siya pinagtutuonan ng pansin sapagkat wala akong gusto sa kaniya.

---

Pareho kaming nasa first section. Sa totoo niyan, kami ang madalas na magkalaban sa klase pagdating sa paghahakot ng mga award. Nang dahil do'n, para kaming aso't pusa na nagbabangayan madalas kapag magkasama kami. Nang lumaon, unti-unti kaming naging magkaibigan.

Noong mga panahong iyon, baliw na baliw ako kay Miguel na kaibigan niya. S'yempre, hindi ko ipinapaalam iyon kay Martin kasi baka tuksuhin niya lang ako. Bilang babae, nahuhumaling din naman ako sa mga lalaki lalo na kapag g'wapo at maganda ang hubog ng pangangatawan.

Kahit na akala ng iba na aral at bahay lang ako noon, hindi nila alam na stalker mode rin ako kapag nasa bahay. Iyon ang pampalipas oras ko kapag wala akong ginagawa o 'di kaya'y tapos ko na ang mga gawain ko. Wala naman akong kaibigan kaya kapag kinikilig ako o may bago akong crush, ako lang din ang nakakaalam at sa bahay ako nagtatatalon kapag kinikilig.

Dumating 'yung pagkakataon na nalaman ni Martin na may gusto ako sa kaibigan niya. Matapos iyon, dinala niya ako sa likod ng aming paaralan.

"Bakit ba gusto mo si Miguel? Dahil ba g'wapo siya?" bungad sa akin ni Martin. Kita ko ang galit na namumutawi sa kaniyang mga mata kaya hindi ko alam ang sasabihin ko.

"Kapag sinabi ko bang oo, ano ang gagawin mo?" kinakabahan kong tanong. Nanginginig ang aking mga kamay dahil hindi ko alam kung ano ang itutugon niya.

"E 'di aamin na 'ko sa iyo," malumanay niyang sambit habang nangungusap ang kaniyang mga mata.

"Ha? Ano ang ibig mong sabihin?" nagugulumihanan kong tanong.

"Matagal na akong may lihim na pagtingin sa iyo. Nakakatawa nga, e. Alam ko namang hindi ka magkakagusto sa akin kasi hindi naman ako ang iyong tipo. Pero wala, e. Natalo ako. Nahulog ako sa iyo," pahayag niya habang nakatalikod sa akin.

"Bakit mo ba sinasabi sa akin iyan?" Hindi ko alam ang gagawin ko dahil parang tambol na dumadagundong sa aking tainga ang bawat katagang binibitiwan niya. Gusto kong tumakbo at iwan na lang siya rito pero hindi ko magawa. Nais ko pang malaman ang lahat ng kaniyang sasabihin.

In the Dark NightWhere stories live. Discover now