Still Love You

8.9K 209 6
                                    


“MAGPAPAKASAL kami uli ng daddy mo, Lindy.”
Mula sa pakikipaglaro kay MJ na nasa crib ay napaunat si Merlinda. Saka lang niya napansin na naroon pala ang mommy niya sa pintuan ng nursery.
“He asked me to marry him again,” sabi ng mommy niya, ang mga mata ay nagniningning sa tuwa. Ngayon lang niya uli nakitang ganoon kasaya ang ina pagkaraan ng mahabang panahon. “At dahil mahal ko pa rin siya, pumayag na ako.”
“I’m happy for you, Mom.” Tumayo siya at sinugod ng yakap ang ina. Sa kabila ng mga pangit na pangyayari sa kanyang buhay nitong mga nakaraang araw, may natitira pa rin palang magandang nakalaan sa kanya ang tadhana. Kumalas siya at pinagmasdan ang ina. “Does that mean na tanggap n’yo na si Monty?”
Bumuntong-hininga ito. “Wala namang kasalanan ang bata sa mga pagkakamali ng kanyang mga magulang. In time, mapapalapit din siguro ang loob ko sa kanya.”
“Mom, mahirap ba sa inyong magdesisyon na patawarin si Dad?”
“Anak, aaminin ko, noong galit na galit ako sa daddy mo, hindi ko siya kayang patawarin. Pero mabisang paraan ng pagpapagaling ang pagdarasal at ang panahon. Nang lumipas ang galit, nang maramdaman ko ang awa sa sitwasyon niya, hindi naging mahirap sa akin na magdesisyon base sa natitirang pagmamahal ko sa daddy mo. Alam mo kung minsan, mas mabuting kalimutan na lang ang mga pagkakamali sa iyo ng taong mahal mo kaysa paulit-ulit na alalahanin iyon. At the end of the day, hindi naman talaga niya ginustong magkamali. Naging mahina lang siya at nagpadala sa tukso.”
Siguro nga mas madaling patawarin ang taong nagtaksil sa taong nagmamahal dito. Kaysa patawarin ang taong hindi inaamin na nagkasala sa kanya, at sa halip ay siya pa ang pinararatangan na nagkasala rito.
“You should forgive him, too.”
Nagbaba ng tingin si Merlinda. Walang sinabi ang kanyang mommy nang makita nitong sinusumbatan niya ang kanyang ama matapos nitong hindi ipaalam sa kanya ang takeover sa MVSC. Pero ngayong payapa na siya at natanggap nang maliit na shares na lang ng kompanya ang natitira sa kanila—malaking bahagi ng kanilang kayamanan ang tumakip sa liabilities sa kompanya na ang daddy niya ang may kasalanan, at kinailangan niyang ilabas ang halos lahat ng savings niya para itakip sa iba pang pagkakautang at upkeep sa bahay nila—nagsisisi siya na nagawa niyang pagsalitaan ng masasakit ang ama. Marahil na-provoke lang siya ng patong-patong na galit at feeling of betrayal ng sandaling iyon dahil sa nangyari sa kanila ni Emperor.
“Kumusta na kayo ni Emperor?”
Malungkot na umiling lang si Merlinda.
“In time, magkakaayos din kayong dalawa, anak.”
“I won’t bet on that, Mom.” Gusto na lang niyang manahimik, bumalik sa kanyang dating buhay noon na walang higit na umookupa ng panahon niya maliban sa trabaho. Kung makakaya niya iyon nang hindi na laging parang tukso na bumabalik sa alaala ang lahat ng masasayang panahon nila ni Emperor nang magkasama, kung magagawa na niyang hindi umiyak sa gabi dahil sa pangungulila, at kapag naiisip niya na niloko lang pala siya ni Emperor, at iyon na ang pinakamalala na maaaring magawa nito sa kanya, baka magawa na niyang umusad. Kailangan niya ng pagbabago. Bagong kapaligiran. Bagong makakasanayan. Kahit saglit lang.
Bago matapos ang araw na iyon ay kinausap ni Merlinda ang daddy niya. “I’m sorry, Dad. Patawarin ninyo ako sa masasakit na salitang nasabi ko.” Sa pangkaraniwan ay hindi siya magkukusang humingi ng tawad sa ama. Lumaki siyang tuwid na linya lang ang sinusundan, at ganoon din ang inaasahan niya sa mga taong nakapaligid sa kanya. Kaya panay panunumbat ang ibinabato niya sa taong nagbigay sa kanya ng buhay, kahit anak lang siya nito at wala dapat siyang karapatan. Ngunit mula nang mahalin niya si Emperor ay natuto siyang tumanggap ng pagkatalo, ang magpakumbaba na taliwas sa kanyang dating ugali na ang pride ay kasintaas ng Mt. Everest. Natuto siya na ipaubaya ang mga pangyayari sa Higit Na Nakaaalam ng tama. Dahil wala pala sa kanyang mga kamay ang kahihinatnan ng mga bagay maging ng lahat na may kinalaman sa kanyang buhay. Wala sa mga kamay niya ang kapangyarihan na magpapabalik sa dating relasyon nila ni Emperor.
“Nauunawaan kita, anak,” sagot ng kanyang ama. “I don’t take that against you. Totoo naman ang mga sinabi mo. Ako ang may pagkakamali. Kung hindi pa ako nagkaroon ng malubhang sakit, hindi pa ako titigil.”
Lumapit nang husto si Merlinda sa ama at niyakap ito. Sa unang pagkakataon mula nang magtrabaho siya ay ngayon lang niya ito nayakap muli. Ang huling yakap niya sa ama ay noon pang magtapos siya sa kolehiyo. Lumayo lang ang kanyang loob dito mula nang mabalitaan niya ang pambababae nito. “I’m sorry, Dad. I’m sorry.”
Gumanti ito ng yakap at tinapik-tapik ang kanyang balikat. “It’s okay, anak. Nalulungkot lang ako na hindi nag-work out ang kung ano mang mayroon kayo ni Emperor. Naramdaman ko na minahal mo talaga siya.”
Malungkot na ngumiti si Merlinda. Naalala niya ang sinabi ni Orville. “You win some, you lose some. “Gano’n siguro talaga, Dad. This is not the time for me yet.”
“I still wish that things will turn out right for you, anak.”
“Thank you, Dad.” 

ARANETA Coliseum. Puno sa concert seating capacity na eleven thousand seats ang concert venue. Dagsa ang mga tao. Ilang linggo bago ang araw ng konsiyerto ay sold out na ang tickets. Ganoon kasikat ang acoustic band na Crazy Hotshots.
Hindi makapaniwala si Merlinda na nagawa niyang magpapilit kay Queenie na samahan itong manood ng concert. Pa-birthday na raw niya rito dahil ilang araw na lang at tutungtong na ito ng edad beinte-kuwatro. Sayang daw ang complimentary tickets na galing kay Emperor kung hindi magagamit. Busy raw ang mga kaibigan nito kaya siya ang pinagdiskitahang yayain.
Duda siya sa tunay na motibo ni Queenie kung bakit sa dinami-rami ng close friends nito ay siya pa ang nahatak na makasama sa panonood ng concert. Sa nakalipas na tatlong buwan mula nang huling mag-usap sina Merlinda at Emperor ay natigil na ang kanyang pag-iyak sa mga gabing walang mintis na naaalala niya ang binata pati na ang mga nangyari sa kanila. Nabawasan na rin ang labis na lungkot. Isa na lang ang hindi nababawasan—ang intensidad ng kanyang pagmamahal sa binata; sa kabila ng mga maling bintang at pananakit sa kanyang kalooban.
Unang tinugtog ng banda ang iconic song ng Crazy Hotshots na “Lover In Me” ang pamagat. Isa ang kanta na naging consistent sa pangunguna sa top ten hits chart noong unang lumabas iyon sa airwaves.
“Gosh!” Kumapit pa ang dalawang kamay ni Queenie sa braso ni Merlinda habang walang kurap na nakatingin sa soloist ng banda na si Baron. “Tingnan mo, Ate Lindy, sooobrang cute talaga niya. 'Tapos, ang galing-galing pang kumanta.”
Wala kay Baron ang mga mata ni Merlinda. Pagpasok pa lang sa stage ng banda ay tumutok na ang kanyang tingin kay Emperor. Sa lapit nila ni Queenie sa stage ay hindi malayong makita siya ng binata.
“Alam ba niya na crush mo siya?” tanong niya kay Queenie nang matapos ang kanta at magkaroon ng mahabang intro ang susunod na kanta.
“I guess... err not. Nakakaasar lang si Kuya. Lagi akong dini-discourage kay Baron. Hindi ko man lang makausap nang matagal si Baron kapag nanonood ako ng practice nila. At lately, hindi na ipinapaalam ni Kuya sa akin ang sched ng mga practice nila. 'Kaasar talaga.”
Sasagot sana si Merlinda ngunit hindi na niya nagawa. Alam na alam niya ang kantang buong husay na tinutugtog ngayon ng lead guitarist na si Earl. Iyon ang kantang “Dati Na.” Ngunit sa halip na si Baron ay si Emperor ang kumanta.
“Lumingon ka sa akin... Para makita mo ang tingin, ang tingi-i-i-in ko sa iyo aking sinta... Sigaw ng puso ay pagsuyo, ay pagsu-u-u-uyo... Ano ba’ng tamang sabihin? Mahal na pala kita o mahal kitang talaga. Dati na, dati na-a-a-a-a...”
Parang inaapuyan ang talampakan ni Merlinda. Dahil tumutok ang tingin ni Emperor sa kanya. Parang may invisible connection na nag-uugnay sa kanilang mga mata. Sa kanilang mga damdamin. Damang-dama niya ang emosyon sa pagkanta nito.
“Nabisto mo na ba? O nahalata mo lang? Na mahal, na maha-a-a-al kita. Dati pa... Dati pa... Dati pa-a-a-a-a.”
Nang una niyang marinig na kinanta ni Emperor ang kantang iyon ay nagbulag-bulagan siya sa mensahe ng kanta, maging sa ipinaaabot na mensahe ng heartfelt rendition ng kumanta. Hindi niya pinansin. Tumanggi siyang bigyan ng kahulugan kahit isinisigaw na ng isang panig ng kanyang puso na kilalanin.
Ngunit ngayon, pagkaraan ng maraming mga gabi ng pag-iyak at pangungulila, pagkaraan ng pag-amin sa sarili na talagang mahal niya si Emperor, handa na siyang kalimutan ang pananakit nito sa kanyang kalooban. Handa na niyang kalimutan ang kanyang galit, ang mga maling bintang at pagkakasala nito sa kanya. Ngayon ay handa na siyang magpatawad.
Heart in her eyes, she just stared at him. 
Nagitla si Merlinda nang sikuhin siya ni Queenie. “Uuuy! Feel na feel niya ang kanta ni Kuya.”
Ngumiti lang siya. Ni hindi niya sinulyapan ang dalaga. Ayaw niyang alisin ang tingin kay Emperor o ikurap ang mga mata dahil baka biglang maglaho ang lalaking mahal niya. O baka ialis na nito ang tingin sa kanyang mga mata.
“I love you, Emp!”
Sabay silang lumingon ni Queenie sa malakas na sigaw ng babae sa likuran. Nagbawi agad si Merlinda ng tingin nang makitang si Beth pala ang sumigaw. Kagat-labi na nakapatungo siya. Napahiya. Hindi pala sa kanya nakatitig si Emperor kundi kay Beth.
Kung gaano kalaki ang pag-asa na biglang sumapuso niya kanina ay siyang laki rin ng pagkabigo at disappointment na biglang lumukob sa kanya ngayon. Tumayo siya sa kinauupuan.
“Hey! Teka, Ate Lindy, saan ka pupunta?”
“Ahm, m-may kailangan lang akong tawagan sandali,” pagdadahilan niya. “Doon muna ako sa may restroom.” Ang totoo ay parang tinutusok ng maraming matutulis na kustilyo ang kanyang dibdib. Ayaw muna sana niyang isipin. Pero baka dapat na niyang ituon ang tingin sa pag-usad. Baka hindi na siya dapat pang umasa.
Nagtataka si Merlinda kung bakit maliwanag ang nilalakaran niya gayong hindi pa naman niya nata-tap ang screen ng smart phone para mabuhay ang flashlight niyon. Nawala lang ang liwanag nang wala na siya sa concert hall at nasa pasilyo na patungong restroom. Hindi siya pumasok sa loob. Doon lang siya sa hall. Sumandal siya sa pader at pinatatag ang sarili. Huwag kang iiyak, Lindy. Huwag kang iiyak!
“Lindy?”
Gulat na nag-angat ng tingin si Merlinda. Si Orville ang nakita niyang naglalakad palapit sa kanya. “A-ano’ng ginagawa mo rito?” tanong niya sa kawalan ng masabi. Nilamon yata ng kasalukuyan niyang pakiramdam pati ang kakayahan niyang lohikal na mag-isip ng mga bagay.
Ngumiti ang lalaki. “Gaya rin siguro ng ginagawa mo rito. I was with friends. Nanonood ng performance ng Crazy Hotshots. Ikaw, bakit nandito ka sa labas? Teka, have you been crying?”
Mabilis na pinunasan ni Merlinda ng mga palad ang magkabilang pisngi.
“I saw the spotlight...”
Spotlight?
“Kaya kita napansin. I thought nagkaayos na kayo ni Emp. Kaya nga may spotlight na nakasunod sa iyo kanina. I thought it was some kind of a revelation as to who the lucky girl is.”
Hindi niya naiintidihan kung ano ang sinasabi ni Orville. “It was probably for Beth. Nasa likuran lang siya ng upuan ko kanina. Emp was serenading her in front of eleven thousand people,” walang buhay na sabi niya.
Pinagmasdan siya ni Orville. “You still love him, don’t you?”
Nagbaba ng tingin si Merlinda dahil naiiyak na naman siya. “And you know what’s ironic? Pinilit kong mahalin ka, pero hindi ko nagawa kahit na noong nagbago ka na at nawala na ang pagkainis ko sa iyo. Pinilit kong kalimutan ang pagmamahal ko kay Emperor kahit na nang magalit siya sa akin at pagbintangan niya akong ipinagpalit ko siya sa iyo...” Kahit anong pigil niya sa mga luha ay pumatak pa rin iyon. Sunod-sunod. Humihilam sa kanyang mga mata. Nagpahirap sa kanyang paghinga. Nagbunsod kay Orville para kabigin siya at aluin. “P-pero hindi ko magawang kalimutan. I-I can’t deny, not even to myself, that I still love him.”


InstaGroom Series 3 Emperor (COMPLETED)Where stories live. Discover now