Wooing The Guy

10.9K 215 5
                                    

SA HALIP na mga bulaklak ay pastries ang unang regalo ni Merlinda kay Emperor. Alam niyang nasa bahay ang binata nang araw na iyon. Iyon ang sinabi nito nang huli silang magkita. Ngunit nang dumalaw  siya sa mansiyon ng mga de Jesus ay wala ito. Sa halip, ang kapatid nitong si Queenie ang humarap sa kanya.
“Hi, Ate Lindy,” maluwang ang ngiti na nakipagbeso pa kay Merlinda ang dentistang kapatid ni Emperor. “Sayang, hindi mo naabutan si Kuya. Kaaalis lang niya.”
“Gano’n ba?” Nanghinayang si Merlinda. Kung napaaga sana siya ay baka inabot pa niya si Emperor. Kundangan kasing nakailang urong-sulong muna siya bago nagawang magtungo roon. Bukod doon ay pinagtataguan din niya si Orville. Ipinagkaila siya ni Yaya Liway gaya ng kanyang bilin sa lahat ng tao sa kanila. Wala siya. Iyon ang ipinasasabi niya kapag nagpupunta roon si Orville. At hindi niya alam kung hanggang kailan magiging epektibo ang pagtatago niya sa makulit na lalaki.
Madali lang palang sabihin na pumapayag siya sa kondisyon ni Emperor na liligawan niya ito. Pero kapag isasagawa na ay mahigpit na tututol ang kanyang kalooban. Babae pa rin siya. At kahit sa mga liberal na bansa na hindi na pinapansin kung babae o lalaki ang unang manliligaw ay babae pa rin talaga ang kadalasang nililigawan. Hindi ang kabaliktaran.
“Oo, Ate Lindy. Pero nagbilin siya sa akin na kung dumating ka raw ngayon, sundan mo raw siya sa KD Building. May rehearsal yata sila ngayon.”
At makikita ng bandmates ni Emperor ang panliligaw niya rito. Ang saya! Mahirap pigilang hindi maging sarkastiko sa dilemma niya. Siya na mapiling babae. Siya na maraming binasted na manliligaw na hindi rin naman basta-bastang mga binata. Ngayon ay manliligaw ng lalaki.
Hindi alam ni Merlinda kung ano ang motibo ni Emperor para ibigay sa kanya ang ganoong klase ng kondisyon.
“Ate Lindy, gusto ko lang malaman mo, boto ako sa iyo,” medyo kinikilig na sabi ni Queenie. “At hindi ko gusto ang ginagawang pagpapaligaw sa iyo na ito ni Kuya. Ang weird niya, sa totoo lang. Hindi ko nga alam na marunong din palang mag-ego trip ang isang 'yon. Pero puwede kitang tulungan sa panliligaw mo sa kanya. 'Eto ang isa ko pang tip sa iyo, Ate Lindy. Mahilig din si Kuya sa mochi, 'yong Japanese sticky rice cake. Pero huwag kang mag-alala. 'Yang pastries na dala mo, gusto rin niya.”
“Maraming salamat sa tip, Queenie. Sige, tutuloy na ako.” Malaking tulong ang bunsong kapatid na ito ng binata para sa kanya. Dahil sa isang bagay na wala siyang alam at walang experience gaya ng panliligaw sa lalaki ay kakailanganin nga niya ang isang reinforcement na gaya nito.
Pinapasok kaagad si Merlinda ng guwardiya nang sabihin dito ang kanyang pangalan. Bagay na nakakapagtaka dahil ngayon lang siya tumuntong sa KD Building para makilala siya nito agad. Nakita niya ang grupo sa isang maluwang na silid. Nakaupong paikot ang mga ito. Dalawa ang may hawak na gitara; isa na roon si Emperor.
Ang band vocalist na si Baron ang unang nakapansin sa kanya sa pintuan. Ngumiti ito at kaagad na tumayo para lapitan siya. “Hi, I’m Baron. What can I do for you, beautiful lady?”
“'Tado! Si Lindy 'yan,” sabi ni Rich, ang member ng banda na nakakuwentuhan noon ni Merlinda sa una at huling beses na isinama siya ni Emperor sa una ring concert ng Crazy Hotshots sa Music Museum.
“Ows? Ikaw ba 'yon?” hindi makapaniwalang nagtaas-baba ang tingin sa kanya ni Baron.
“You’ve grown more beautiful,” nakangising sabi ng Japanese mestizo na si Earl.
“Welcome to KD Building, Lindy,” sabi ni King Dave na tumayo pa sa kinauupuang silya.
Nakapagtatakang si Emperor lang ang hindi bumati kay Merlinda bagaman bahagyang ngumiti sa kanya. “Salamat. Busy yata kayo. Pero hindi naman ako magtatagal.”
“Of course we’re not busy,” maagap na pahayag ni Baron. Ineskortehan pa siya nito sa umpukan ng grupo. “What can I do for you.”
“Oy, oy, hindi ikaw ang ipinunta ni Lindy rito,” sahod ni Earl. Ito ang isa pang may hawak na gitara.
Kay Emperor natuon ang pansin ng lahat, na tumayo naman at inilapag ang gitara nang makalapit si Merlinda. At, sa kanyang pagkabigla, binati siya ng halik sa sentido na may kasamang hapit ng kamay sa kanyang balikat. Mahinahon, parang may lambing na tinanong siya nito. “Okay lang ba sa iyo na maghintay pa nang kaunti?”
Tumikhim ang mga kabanda ni Emperor na animo sabay-sabay na nagkaubo.
Napalunok si Merlinda nang salubungin ang titig ni Emperor. Hindi niya alam kung ano ang mayroon sa titig nito. She could swear na ngayon lang niya nakita sa mga mata ng binata ang ganoong uri ng tingin. Tingin na parang may understanding na sila. At hindi pa siya nakakahuma sa epekto ng halik nito sa kanyang sentido o sa pagyakap ng isang kamay nito na nananatili pa rin sa kanyang balikat. “O-oo. Ahm, 'eto nga pala, para sa iyo.” Iniabot niya ang dalang paper bag.
Tumikhim na naman ang mga kabanda ni Emperor, mas malakas kaysa una at lahat ay pilyo ang ekspresyon ng mukha.
“Thank you,” nasisiyahang sabi ni Emperor at dinampian uli ng halik ang sentido ni Merlinda. “Mamaya ko na bubuksan. Sigurado, uubusan ako ng mga 'yan.” Hinawakan siya nito sa kamay at iniupo sa tabi nito, sa silyang malayo kay Baron. Muli nitong kinuha ang gitara at pumailanlang ang intro ng isang kantang ginawa nito. “Lumingon ka naman sana... Para makita mo ang tingin, ang tingi-i-i-in ko sa iyo aking sinta... Sigaw ng puso ay pagsuyo, ay pagsu-u-u-uyo... Ano ba’ng tamang sabihin? Mahal na pala kita o mahal kitang talaga. Dati na, dati na-a-a-a-a... Nabisto mo na ba? O nahalata mo lang? Na mahal, na maha-a-a-al kita. Dati pa... Dati pa.. Dati pa-a-a-a.”
“Whoah! Hugot pa more!”
“Feel na feel, grabe!”
“Panood ng video niyan!”
Nag-iinit ang mukha ni Merlinda sa obvious na panunukso ng mga kabanda kay Emperor. Ngiting-ngiti lang ang loko, parang tuwang-tuwa pa. Lalo na nang kantahin ni Baron ang sariling version nito ng lyrics ng piyesang katatapos na kinanta at tinugtog ni Emperor.
“Nabisto ka na niya... Nabuking ka na nga. Mahal mo siya, mahal mo siya-a-a-ang talaga...”
Nagkibit-balikat si Emperor at nakitawa lang sa grupo bago buksan ang supot ng pastries na dala ni Merlinda. “Puwede ko ba silang bigyan nito?” tanong ng binata.
“Bahala ka. Sa iyo naman 'yan, eh.”
Tig-i-tig-isa lang ang ibinigay nito sa mga kasama. “O-order na lang ako ng lunch para sa atin.”
“Oo ganyan ka. Ipinagdadamot mo ang ibinigay sa iyo ng latest gf mo,” kantiyaw ni Baron. Si King Dave ay lumabas ng silid para daw kumuha ng maiinom.
“Huwag ka ngang epal diyan,” salag dito ni Emperor. “Nakakahiya kay Lindy. Hindi pa nga ako sinasagot sinasabi mo nang gf ko.”
Hindi alam ni Merlinda kung ano ang gustong palabasin ni Emperor. Sa kilos ng binata ngayong kaharap nila ang mga kabanda ay parang pinalalabas nito na ito ang nanliligaw sa kanya. At ang naging kilos nito kaninang dumating siya ay obvious na territorial. Parang nararamdaman pa niya ang init ng katawan nitong dumikit sa kanya nang hapitin siya at hagkan sa sentido. Kung umaarte lang ito sa harap ng mga naroroon ay masasabi niyang napakagaling nitong aktor.
Kumislap ang mga mata ni Baron at tumingin kay Merlinda. “May pag-asa pa pala ako?”
“'Tado! Huwag ka nang sumingit,” sansala ni Rich. “'Kita mo nang nabakuran na nga.”
“Bakit ba? Hindi pa naman sila, ah.”
“Eepal pa kasi,” sabi ni Earl. “Hayaan mo na sa one-woman-man si Lindy. Hindi ka papasa diyan. Bistado na ang pagiging pabling mo.”
Hanggang sa bago sila makaalis doon ni Emperor dakong hapon ay panay pa rin ang kantiyaw ng grupo sa binata. Sinasakyan lang lahat iyon ni Emperor at mukhang nag-e-enjoy pa.
“Mabuti na lang hindi mo ibinisto sa kanila na ako ang nanliligaw sa iyo,” sabi ni Merlinda nang sakay na sila ng kotse ni Emperor. Gaya ng dati, ang bodyguard nitong si Jim ang nagmaneho para sa kanila.
“Ayoko lang sumama ang image ko sa kanila.”
Medyo nasaktan si Merlinda. Malinaw na umaarte lang ang binata sa harap ng mga kasama. Natigilan siya sa naging reaksiyon. Bakit siya nasasaktan? Hindi naman talaga sila nagmamahalan. Hindi rin niya kailangang mahalin ito kahit na maikasal sila. 

InstaGroom Series 3 Emperor (COMPLETED)Where stories live. Discover now