The Conditions

9.8K 211 0
                                    

“WOW! POGI-POGI naman ng baby bro ko.” Marahang pinisil-pisil ni Merlinda ang baba ni MJ. Ngiti naman nang ngiti ang sanggol. Nang umingit ito ay siya na ang nagtimpla ng gatas. Sabik na sinuso iyon ng kapatid niya.
Kahit puyat nang sinundang gabi ay nagagawa niyang gumising nang maaga para lang magkaroon ng panahon na laruin ang kapatid. Alas-singko pa lang ng umaga ay gising na ito. Sinasamantala niya iyon para makasama ang sanggol kahit man lang isang oras tuwing umaga.
Hindi niya alam kung ano ang saloobin ng kanyang mommy tungkol kay MJ; wala itong sinasabi. Nang usisain niya tungkol sa pagbabalik sa kanila ay sinabi lang nito na handa itong alagaan ang kanyang ama hanggang sa gumaling. Ngunit hindi nilalapitan ng mommy niya si MJ. Mabuti na lang at nakahanap na sila ng bagong yaya. Mas natututukan na ang bata kahit wala siya. At hindi na rin naaabala si Yaya Liway sa mga dapat nitong gawin.
Sa pagdaan ng mga araw, awa at habag na lang ang natitira sa puso ni Merlinda para sa kapatid. Ulila na ito sa ina, at ang ama nila ay may malalang sakit pa. Hindi man sabihin ng kanilang ama, tiyak na sa kanya nito ipapasa ang responsibilidad na hindi magampanan sa kanyang kapatid.
Ang nagbibigay lang ng pag-asa kay Merlinda ay ang magandang resulta ng gamutan ng daddy niya. Nag-respond ng maganda ang katawan nito sa radiation treatment. At nagpapatuloy ang hormone therapy nito.
Matapos pasusuhin ay pinadighay niya si MJ. Nakadilat pa rin ito at mukhang wala pang balak matulog. Bilog na bilog ang mga mata nitong nakatingin sa kanya habang pinipisil ang daliri niya. “Halika, tingnan natin kung gising na si Daddy.” Hinango niya ang sanggol sa crib at lumabas sila ng nursery.
Kahit na inaalagaan ng mommy ni Merlinda ang kanyang ama ay magkaiba ng tinutulugang silid ang dalawa. Maaaring mahal pa rin ng mga magulang niya ang isa’t isa, ngunit may boudaries nang inilagay ang nakaraang mga pangyayari sa pagitan ng mga ito, kasama na ang batang karga niya. Kaya sa gabi, kapag nagigising si Merlinda ay dinadalaw niya sa silid ang ama. Gusto niyang lagi itong i-check. Napapanatag lang siya kapag natiyak niyang maayos itong natutulog.
Gising na gising nga ang ama nang pumasok sila roon. Nakasandal ang kanyang ama sa headboard ng kama na tila hinihintay ang kanyang pagdating. “Lindy,” seryosong bungad nito nang makita siya. “Kung hindi mo gustong pakasalan ang anak ni Romulo, gumawa ka na lang ng paraan para makasal ka sa anak ni Romeo. At gusto ko sanang tandaan mo ito. Consider it as my dying wish.”
Kumurap si Merlinda. Naalimpungatan lang ba ang daddy niya at hindi pa talaga gising? Nananaginip lang ba ito? Lumapit sila rito ng karga niyang sanggol. “Wake up, Dad. Magbanyo na kayo at sasabihin ko kay Yaya Liway na ipahanda na ang breakfast n’yo.” 
Tumigas ang anyo ng daddy niya. “Sabihin mo nang pagkakamali ko kaya nagkaroon ng malaking problema sa MVSC. Kaya nasira ang pamilya natin. Sisihin mo na ako kung gusto mo. Pero hindi ako makakapayag na mawala ang legacy sa atin ng mga lolo mo. Kailangan mong magpakasal kay Orville o kay Emperor bago man  lang magpantay ang mga paa ko.”

“I KNOW it’s absurd. I’m sorry kung binigla kita,” hindi komportableng pahayag ni Merlinda. Parang sa isang namatanda ang ayos ni Emperor matapos niyang sabihin ang sadya. Na humihingi siya ng tulong dito. Tulong na pakasalan siya nito.
“Pero bakit? Nabuntis ba kita?” seryosong tanong ng binata.
Sa kabila ng discomfort na nararamdaman nang mga oras na iyon ay muntik nang natawa si Merlinda.
“Siyempre hindi.”
“Malay ko ba kung nanaginip ako minsan, naging somnambulist at pumunta ako sa inyo at sinipingan kita at nagbunga ang ninakaw nating sandali.”
Hindi na napigilan niya ang sarili. Napabunghalit siya ng tawa. “Sira!”
“O baka naman nabuntis ka ng ibang lalaki at gusto mong ako ang managot? Gaya doon sa mga kuwento sa teleserye.”
“Emp, please. Be serious.”
Ngumiti na ang binata. “All right, what is the real reason for this great honor of asking my hand in marriage, hmm?”
“Naman, eh!” Binira ito ni Merlinda sa braso. “Puro ka biro. Pakinggan mo na nga lang ako. Hindi ko na kasi alam ang gagawin. Daddy is pushing me to marry you or Orville. Gusto niyang bago man lang daw siya mamatay, makasal na ako para lang hindi mawala sa legacy nina lolo ang MVSC.”
“Sounds like a business proposal to me. No strings attached. Just pure business.” Nakangiti naman si Emperor nang sabihin iyon ngunit parang sarkastiko ang dating sa pandinig ni Merlinda.
“Siguro nga. Pero tandaan mo sana na mahirap para sa akin ito. At mamamatay na muna ako bago ako pumayag na magpakasal kay Orville. So that leaves me with only one choice. You.”
Ngumisi ang binata. “Oh, how I would love to see Orville hearing you say that. That would be a big  blow to his ego.” Hinawakan siya nito at pinaupo sa sofa kahit tumanggi siya kanina.
Naupo na lamang si Merlinda sa tapat ni Emperor. “Nakaka-stress ang pinsan mo. Iniisip niya siguro na 'yong paraan niya ng panliligaw sa 'kin ang magpapabago ng desisyon ko. Akala niya siguro, kung magbibigay siya araw-araw ng regalo sa akin at lagi niya akong yayayaing lumabas kami ay magugustuhan ko na siya.” Mukha nang flower shop ang bahay nila mula nang maging masigasig sa panliligaw sa kanya si Orville. Nakatambak na rin ang imported chocolates sa refrigerator na ang mahigit kalahati ay naipamigay na niya. May isang kahon na rin siya sa bahay ng mga iba pang regalo nito na nagpabalik-balik na dahil kapag tinanggihan niya at ipinabalik sa bahay ng mga ito ay muli lang nitong ipinapadala pabalik sa kanila. Halos araw-araw ay pinupuntahan siya nito sa kanyang private office. Halos araw-araw din na dumadalaw sa kanya sa bahay at pinipilit siyang sumamang mag-dinner o manood ng sine o ng concert. Isa man sa mga pag-iimbita ni Orville ay walang pinagbigyan si Merlinda. Para sa kanya, huling pagbibigay na niya ang disastrous dinner date nila noon sa IL Ponticello. “Kung kaya ko nga lang siyang mahalin hindi ko hihingin ang favor mo ngayon.”
Nagkibit-balikat si Emperor. “Naiintindihan ko ang dilemma mo, Lindy.”
Hopeful na tumingin siya sa binata.
“Parang ganyan din ang pakiramdam ko kapag may makukulit na fans na akala yata pati ang pribadong oras namin ng mga kabanda ko ay puwede rin nilang i-invade.”
“It’s really annoying.”
“At hindi mo sila puwedeng pagsungitan,” dagdag pa ni Emperor.
“Or else, magiging trending topic ka sa social media na posibleng ikasira ng career mo.”
Ngumisi uli ito. “Mismo. At dahil din doon, kukuyugin kami ng press people. Bukas-makalawa, malamang umaatras na ang mga producer at isa-isang mawawala endorsements namin. Imagine, ako lang ang makagawa ng isang mali, damay kami lahat sa banda.”
“Pero mukha namang nag-e-enjoy ka sa banda ninyo. It’s been years.” Humahanap ng tiyempo si Merlinda para maibalik uli ang topic sa dahilan ng pagtungo niya roon.
“Tama ka. Naging parte na ng buhay ko. Very rewarding naman. At least ngayon, hindi na ako sinasabihan ni Papa na wala akong mapapala sa pagbabanda. Hindi na rin niya ako kinukulit na tumulong sa negosyo. Isang bagay na lang ang kinukulit niya sa akin.”
“Ano?”
Ngumiti ito na parang kinilikiti ng sampung duwende. “Mag-asawa na raw ako at gusto na niyang magkaapo.”
Merlinda squirmed inside. Hindi kasama ang pagkakaroon ng anak sa hiling niya na maging asawa ni Emperor. “I’ve heard about you and Beth...” Mismong ang kanyang ama ang nagsabi sa kanya na nag-break na si Emperor at ang girlfriend. Hindi niya alam kung saan iyon nalaman ng kanyang daddy.
“Iyon ang isa sa drawbacks ng trabaho ko. Kaagaw ng nakakarelasyon namin ang banda. Dapat sobrang understanding ng magiging girlfriend ko para hindi mauwi sa breakup ang relasyon namin.”
Puwede akong maging understanding na girlfriend o asawa. Title lang naman ang kailangan ko.
“Pero alam mo, kahit na para akong nakikipagsugal at dehado ako sa laban, gusto ko pa rin na manligaw ng babaeng magugustuhan ko.”
Aw! That does mean hindi mo ako magugustuhan? “Does that mean you can’t marry me?”
Ngumiti si Emperor, nagkibit-balikat. “Alam mo kasi Lindy, 'yang hinihingi mo, napakahirap ibigay.”
Nakagat ni Merlinda ang ibabang labi. “Alam kong napakaimposible ng hinihingi ko. Pero sana pakinggan mo muna ako, Emp. Kasal lang ang kailangan ko sa iyo. 'Yong title lang. Hindi natin kailangang magsama. Maghihiwalay din naman tayo agad. Kailangan ko lang pagbigyan ang dying wish ni Daddy. At para din tantanan na ako ni Orville.” Napasimangot siya nang tawanan siya ni Emperor. Tila aliw na aliw ito.
“Title lang? Ano ba, Lindy? Na-adapt mo na yata ang mga pinanonood mong— Oh, hindi ka nga pala nanonood ng sine, lalo na ng teleserye. Trabaho-bahay, bahay-trabaho ka lang. At ang balita ko, ang pagpunta lang sa health spa ang nag-iisang leisure mo. Kahit 'yong mga travel mo abroad, dahil lang din sa trabaho. What a boring life! Hindi mo ba nare-realize?”
Kumunot ang kanyang noo at handa nang magpaulan ng maaanghang na komento nang bigla niyang maalala kung ano ang sadya sa binata. Hindi siya puwedeng magtaray. Siya ang nangangailangan sa pagkakataong iyon. “Please, Emp. Sana naman pag-isipan mo muna ang ipinapakiusap ko bago mo tanggihan. Wala na akong ibang taong maisip na puwedeng pumayag na magpakasal sa akin kahit sandali lang at sa premise na hindi kami magsasama.”
“Exactly. Wala nga talagang papayag. Dahil kahit ako, ayoko.”
Nanlulumong napayuko si Merlinda. Mukhang uuwi siyang bigo.
“Puwede rin  naman na pumayag ako. Pero may mga kondisyon.”
Bigla siyang nag-angat ng mukha. Pilyo ang mga mata ni Emperor na nakatutok sa kanya. “Anong mga kondisyon?”
“Una, liligawan mo muna ako. Pasasagutin. In short, gagawin mo sa akin ang ginagawa sa iyo ng mga manliligaw mo.”
“Ano?!” Mala-Betty Boop ang laki ng pagkakamulagat ng mga mata ng nabiglang si Merlinda. Parang ganoon din ang sinabi sa kanya noon ni Emperor. “Kapag lumaki na tayo, ligawan mo ako, ha?” Malinaw pa sa kanya ang pilyong kislap ng mga mata ng batang Emperor noon.
“At kapag napapayag mo na akong magpakasal sa iyo, saka ko na sasabihin ang iba pang mga kondisyon.”

InstaGroom Series 3 Emperor (COMPLETED)Where stories live. Discover now