Conceited

10.7K 210 0
                                    

ITINUTOK ni Merlinda ang tingin sa maputlang anyo ng daddy niya. Kahit may sakit na, naka-monitor pa rin ito sa mga nangyayari sa kompanya. Gaya na lang ngayon, kaaalis lang nina Tito Romulo at Tito Romeo kasama ng ilang executives. Dumalaw ang mga ito sa daddy niya. Ngunit kasama na ring pinag-usapan ang updates sa kalagayan ng MVS Corporation. At dahil nasa grupo rin ang hambog na si Orville, nagdahilan si Merlinda na aalagaan muna ang kapatid dahil day-off ng yaya nito, para lang hindi siya makaharap sa meeting.
Kaya lang ay napilitan pa rin siyang harapin ang mga bisita nang ipatawag siya ng ama. Mabuti na lang at paalis na ang mga ito. Gayunman, nakapagbigay ng alalahanin at kaba sa kanyang dibdib ang sinabi ni Orville bago umalis.
“Wala na sa daddy mo ang sympathy ng board, Lindy. At bukod doon, maraming naging liabilities ang company dahil sa mga maling desisyon niya. Soon, mapipilitan si Tito Montero na ibenta sa amin ang controlling shares ng kompanya para makabayad sa mga utang ninyo. The takeover is inevitable. Paano na kayo kapag nangyari iyon? Sa kalagayan pa ng daddy mo ngayon. Unless, pumayag ka sa mas malalim na merger. You and I, that is.” Kumindat pa ito na lalong nagpakulo ng kanyang dugo. “And should I say, it is also inevitable?”
Nagawa ni Merlinda na hindi patulan ang pang-iinis ni Orville kanina. Pero talagang inis na inis siya sa kahambugan ng lalaki.
“Dad, totoo ba? Ibebenta ninyo ang controlling shares ng company sa mga de Dios?”
Hindi nito sinagot ang tanong niya. “Orville seems so fond of you. Masipag din siyang gaya mo at may ambisyon sa buhay. He’s a bright young man. Driven. Dedicated. I think, magiging maganda ang tandem ninyo.”
She was horrified. Sarisaring ideya ang agad na pumasok sa kanyang isip. “Inirereto mo ba ako sa kanya, Dad?”
Sumeryoso ang mukha ng kanyang ama. “Kung si Orville ang mapapangasawa mo, mawala man ako sa mundo, natitiyak kong hindi mawawala ang legacy na iniwan ng mga lolo mo sa akin.”
Nagtagis ang mga bagang ni Merlinda. Kaya pala ganoon ka-confident ang hambog na lalaki kanina. Mukhang bukod sa kompanya ay kasama rin sila ni Orville sa usapan ng mga ito.
“Nangako sa akin si Romulo na kahit magkaroon ng takeover ay walang magagalaw sa mga tao natin. Walang magsa-suffer. Magiging tahimik ang pagpapalit ng leadership.”
Parang naguhuan ng bundok si Merlinda. Iyon ang kanyang pakiramdam nang mga sandaling iyon. Umakyat yatang lahat ng dugo sa kanyang ulo. Galit na galit siya. Pero hindi niya maaaring ibunton ang galit at sisi sa ama dahil sa kasalukuyan nitong kalagayan. Nakalugmok na ito; hindi na niya kailangang dagdagan ng pasakit.

“BAKIT ba talaga mainit ang dugo mo sa akin?” sa kung ilang ulit ay tanong na naman ni Orville kay Merlinda.
Sa pakiusap ng daddy ni Merlinda at sa maayos na imbitasyon ni Orville—for once ay hindi ito umastang hambog na gigolo nang yayain siya—ay napilitan siyang pagbigyan ang kanilang dinner date. Ilang ulit na siya nitong kinukulit na lumabas. Ilang ulit na rin niya itong nasosopla sa pamimilit tuwing tatangi siya. Kaya ngayon ay naroon sila sa IL Ponticello Bar and Restaurant sa Salcedo Village. May kasama itong driver kaya malakas ang loob na magyayang uminom.
“I mean, bukod sa sinabi mo dati na hindi tayo pareho ng wavelength,” patuloy ni Orville. “Nakakapagtaka lang kasi. Ikaw lang yata ang babaeng hindi affected ng kaguwapuhan ko. At hindi naman ako jologs. I’m witty. I’m a charmer. Pero bakit hindi yata tumatalab ang charm ko pagdating sa iyo. To think na ikaw pa lang ang babaeng nabigyan ko ng ganitong importance at pansin. I’m not used to wooing women. They usually show me they’re interested. Ako ang niyayaya nilang mag-date. Ako ang nireregaluhan at tinatawagan. Ipinapakita nilang gusto nila ako. Pero pagdating sa iyo wala lahat 'yon. Hindi ko makita. Worse, ipinapakita mo talaga sa akin na hindi ka interesado. It really beats me, Lindy.”
“Turned off lang talaga siguro ako sa mga lalaking mayayabang,” prangkang sagot ni Merlinda sa obvious na pagyayabang ng lalaki. “Malaking factor 'yon para hindi ko mapansin na guwapo ka, witty at charming.”
Napamata sa kanya si Orville. Namula.
“I’m sorry. Hindi ko gustong ipamukha sa iyo na mayabang ka. But you are. And I can’t tolerate it. I can’t bear it. Nasisira ang mood ko. I mean, hindi mo naman siguro gustong tuwing magkakaharap at mag-uusap tayo ay nasisira ang mood ko, hindi ba?”
Naningkit ang mga mata nito. “Hindi por que maganda ka at anak ka ni Tito Montero, puwede mo na akong insultuhin nang ganyan.”
“Ipinapaalala ko lang sa iyo, ikaw ang pumilit sa akin para mag-dinner tayo. At kung insulto ang tingin mo sa pagsasabi ko ng totoo, bahala ka. As for me, I’m out of this.” Tumayo na si Merlinda. Walang lingon-likod na humakbang siya palayo. Ngunit bago siya makalabas ng restaurant ay pinigilan siya ng malabakal na kamay ni Orville.
“Hindi mo ako iiwan dito,” nagngangalit ang mga bagang na sabi ng lalaki. Pinagtitinginan na sila ng mga tao sa loob ng bar and restaurant. Katunayan, napansi ni Merlinda na nakatingin sa kanila ang isa sa mga security personnel ng IL Ponticello, naghihintay lang ng maling kilos at tiyak na lalapitan sila. “Huwag mo akong ipahiya nang ganito. You’re father wants me to marry you because you are on the verge of bankruptcy. Kayo ang may kailangan sa pamilya namin. Kaya dapat matuto kang maging mabait sa akin! Ngayon, babalik ka sa table natin at ipagpapatuloy natin ang dinner.”
“Nobody has the right to order me what to do,” ganti naman ni Merlinda, mas mahina ngunit mas gigil ang tinig sabay marahas na hatak sa kanyang kamay. Nang makawala ay malalaki ang hakbang na tinungo niya ang pinto. Tumakbo na siya pagkalabas. Sana lang ay hindi na siya sundan pa ni Orville. At sana ay may taxi agad na dumaan.
Hindi pa siya nakakalabas sa bisinidad ng IL Ponticello nang mabangga sa isang malapader na bulto ng lalaki. “Aw!” Tumalsik siya at matutumba sana kung hindi sa maagap na pagpigil ng nakabangga.
“Lindy?”
Hawak ang nasaktang noo ay napatingala si Merlinda sa kaharap. “Emp!” Parang nakakita ng salbabida na napayakap siya kay Emperor de Dios. “Oh, Emp, salamat at nakita kita.” Family friend nila ang mga de Dios. Ang ama niyang si Montero Santillan at ang ama ni Emperor na si Romeo de Dios ang matalik na magkaibigan, kung paanong matalik ding kaibigan ng daddy niya ang kapatid nitong si Romulo de Dios na ama ni Orville. Their fathers moved in the same circle. At hindi naman malayo ang distansiya ng Dasmariñas Village na tirahan nila sa Forbes Park na tinitirhan ng mga de Dios.
“Why? What’s wrong? Bakit parang may tinatakasan kang impakto?”
“Puwede bang ialis mo muna ako rito, please?”
“Ha? Eh, bakit? Sino ba’ng tinatakasan mo?”
Sumingit sa kanila ang isang lalaking matangkad at may napakalapad na pangangatawan. Para itong bouncer sa mga club. “Sir Emp, may problema po ba?”
“Ah, wala naman, Jim,” sagot ni Emperor na itinaas pa ang isang kamay. “Kakilala ko siya.”
“Sorry po. Akala ko fan ninyo na nang-aabala.”
Naalala ni Merlinda na celebrity nga pala si Emperor. Sa palagay niya ay bodyguard ang lalaki na tinawag nitong “Jim.”
Bumaling uli si Emperor kay Merlinda. “Sino nga’ng tinatakasan mo?”
“Mamaya mo na ako tanungin. Ialis mo muna ako rito, please. Please?” Palingon-lingon si Merlinda sa pangambang makasunod kaagad si Orville sa kanya at gumawa pa roon ng eksena.
Napakamot sa batok si Emperor. “Pero—”
“Hon, who is she?”
Nanlaki ang mga mata ni Merlinda sa paglapit ng isang magandang babae na naka-cocktail dress din na tulad niya. Oh, no!
“Beth, this is Lindy, family friend namin. Lindy, si Beth.”
“Hi, Lindy.” Halatang pilit ang ngiti ng babae habang pinagkikilala sila, ngunit hindi na iyon pinansin pa ni Merlinda. Kailangan na niyang makaalis sa lugar na iyon.
“Hi,” sabi niya sa babae bago bumaling kay Emperor. “Got it. May date ka pala. Sorry. I’ll go ahead.”
Ngunit bago pa siya makahakbang ay pinigilan muna siya ni Emperor. “No, ihahatid ka namin sa inyo. Halika na, Beth,” baling nito sa kasama. “Ihahatid muna natin si Lindy sa kanila.”
Nahihiya man si Merlinda nang magpilit si Emperor na ihatid siya sa kanila ay pumayag na siya. Alam niyang naiinis sa sitwasyon ang ka-date nito. Si Beth ang pinaupo ni Emperor sa tabi ng driver at sila ng binata ang naupo sa likod ng itim na Chevrolet Suburban. Gaya ng palagay ni Merlinda, nalaman niyang driver-bodyguard ni Emperor ang matangkad na si Jim.
“Sino ba ang tinatakasan mo kanina? Ano’ng ginawa niya sa iyo para tumakbo ka palabas?” magkasunod na tanong ni Emperor pagkaupo pa lang nila sa sasakyan.
“You wouldn’t believe it. Ang cousin mo.”
“Si Orville?” Tumawa ito. “Bago yata ito. Tinatakbuhan si Orville ng babae. Usually, siya ang tumatakbo sa kanila.”  Tawa nang tawa si Emperor.  Sinamaan tuloy niya ito ng tingin. “At bakit mo nga ba siya tinakbuhan? Ano’ng ginawa niya? Sa pagkakakilala ko sa pinsan ko, wala pa siyang pinipilit na babae. Usually, parang mga langaw na naglalapitan sa nabubulok na mangga ang mga babae kay Orville.”
“May pinagtalunan lang kami.”
“Uuuh, lover’s quarrel. Ano’ng pinagtalunan n’yo?”
Sinamaan na naman ni Merlinda ng tingin si Emperor. Ayaw niyang sabihin dito ang dahilan ng kanyang pagtakbo mula kay Orville. Ngayon lang niya napagtanto na naging rude siya sa binata. “Ayokong pag-usapan.”
Nagkibit-balikat ito. “Are you two really seeing each other.”
“Hindi!” napabiglang tugon ni Merlinda, dahilan para mapalingon sa kanila si Beth. Sa palagay niya ay naiinis ang babae sa abalang ginawa niya sa mga ito. Posible rin na pinagseselosan siya nito, hindi lang ipinahahalata. Kung siya ang nasa kalagayan nito, tiyak na magseselos siya. 
“Uuuh, judging from that violent reaction, siguro napilitan ka lang makipag-date sa kanya. Tama ba ako?” pangungulit pa rin ni Emperor. “Naalala ko nga pala, parang nasabi ni Papa sa akin na baka raw mag-asawa na si Orville. Ikaw ba 'yong babae?”
“Of course not!” sikmat niya na lalong ikinaaliw nito.
Pumalatak si Emperor. “Kawawa naman ang pinsan ko. First time pa yatang mababasted ng babae.”
Hindi umimik si Merlinda. Kung nagkataon siguro na ito si Orville ay baka mapapayag siya ng kanyang ama na ikonsidera na mapangasawa ang binata. Oo nga at walang hilig sa negosyo si Emperor. Mas ang pagbabanda ang naging focus nito mula noong mga bata pa lamang sila. Kahit pa nga sa simula ay alternate lang ito ng Crazy Hotshots at mas naunang sumikat dito ang apat sa mga kasama. Pero sa pagkakakilala niya kay Emperor ay mas mabait ito, mas maayos ang karakter kompara kay Orville.
Tumapat na ang Suburban sa gate ng bahay nina Merlinda. Mabilisan siyang nagpasalamat at nagpaalam kay Emperor bago nagmamadaling pinindot ang remote controlled lock ng kanilang gate.
Pinuntahan agad niya ang silid ng ama. Nagpapahinga na ito ngunit gising pa. “I’ve had enough, Dad,” bungad niya. “Hindi ako makikipaglapit sa Orville na iyon. At dahil magkakaroon pa rin naman ng takeover ang mga de Dios sa kompanya kahit maging kami o hindi ng lalaking 'yon, hindi ko pipilitin ang sarili ko sa kanya.”
“What happened?”
“It’s not important anymore. Basta hindi ako papayag na maging girlfriend ng lalaking 'yon, lalo na ang magpakasal sa kanya. Kahit pa para isalba ang kabuhayan natin.” Binirahan na niya ng talikod. Para lang mapatda nang makita kung sino ang nakaharang sa pinto ng silid ng ama. “Mom?”

NASA tapat na ng bahay nina Beth ay nakasimangot pa rin ito. Aminado si Emperor na nagkamali siya nang iupo niya ang girlfriend sa harap ng sasakyan at sila ni Merlinda ang naupo sa hulihan. Gusto lang naman niyang usisain ang kaibigan kanina. Bago sa pandinig niya na tinakbuhan ng isang babae ang pinsan niyang si Orville. At bago rin sa kanya na nakipag-date si Merlinda. Masyadong seryoso ang dalaga sa trabaho nito sa kompanya. Kaya kahit nasa mid-twenties na at maganda naman ay loveless pa rin. At ngayon, hinaharap niya ang konsekuwensiya ng kanyang  kuryosidad. Napagselosan ng girlfriend niya si Merlinda.
“Hon, huwag mo nang pagselosan si Lindy. Kaibigan ko lang talaga 'yon.”
“Pero ang saya-saya mo kanina habang kausap mo siya. Tawa ka nang tawa. Nakalimutan mo na ngang kasama mo 'ko.”
“Of course not. Hindi totoo 'yan. Naaliw lang akong asarin nang kaunti ang isang 'yon dahil alam kong pikon.”
“Aminin mo na. Mas nagagandahan ka sa kanya kaysa sa akin. Kaya nga hinayaan mo na lang akong maupo sa harap. Nakita mo lang siya nakalimutan mong bigla na kasama mo ang girlfriend mo!”
“Come on, hon. Huwag na nating pagtalunan 'to. Hindi ako papatusin ni Lindy kahit ligawan ko siya. Mas in love ang isang 'yon sa trabaho kaysa sa kahit na sinong tao. Kahit sa kasing-cute ko pa. Ano ba? Bati na tayo, o. Ayokong maghiwalay tayo na nagtatampo ka.”
Padabog na bumaba ng sasakyan si Beth. Sinundan ito ni Emperor. Nang lingain siya nito ay nagulat siya. Basa ng luha ang mga mata nito. “Pagod na ako, Emp. Lagi na lang akong pang-ilan sa priorities mo. Mas mahalaga sa iyo ang banda. Mas mahalaga sa iyo ang fans. Mas mahalaga sa iyo ang mga kaibigan mo. Ayoko na. Tapusin na natin kung anong meron tayo. I don’t want to put up with your failings anymore.” 
Napamaang si Emperor sa  inilitanya ng nobya. “Teka, teka lang.” Pinigilan niya ang kamay ni Beth nang papasok na ito sa pedestrian gate. “Huwag namang ganito, hon. Mag-usap tayo. Hindi naman totoong—”
“Hindi totoong ano?” galit na agaw ni Beth sa sinasabi niya. “Pagkatapos ng dalawang buwan, ngayon mo lang ako nai-date, pero sumingit pa ang kaibigan mo. Nagagawa mo lang makipagkita sa akin pagkatapos na pagkatapos lang ng concert ninyo. 'Yong time lang na magpapahinga kayo nang ilang araw bago uli sumabak sa paghahanda na naman para sa susunod ninyong concert. Ilang buwan na naman ang palalampasin mo bago ka makipagkita sa akin? 'Yon ba ang hindi totoong napapabayaan mo ang relasyon natin? Pero hindi ko na papayagan uli ang mga ginagawa mo sa akin, Emp. I don’t want to stay miserable anymore. So I quit!” Ipinagpag nito ang kamay niya at pumasok na sa gate. Nakabibingi ang ingay na nilikha ng pabagsak na pagsasara nito ng gate.

InstaGroom Series 3 Emperor (COMPLETED)Opowieści tętniące życiem. Odkryj je teraz