6 : The Meme Lord

Magsimula sa umpisa
                                    

       Naiinis man, sinamaan ko nalang siya ng tingin. "Tawa ka na! Baka mamaya mautot ka pa diyan!"

        Dahil sa sinabi ko ay agad siyang humagalpak kakatawa. Hindi man lang niya nagawang mag-sorry eh siya 'tong kumaladkad sa akin. Habang tawa siya ng tawa ay patuloy ko siyang sinasamaan ng tingin. Nang mapansing pinanlilisikan ko na siya ng mga mata, agad naglaho ang ngiti sa mukha niya't napadungo siya na para bang nahihiya sa kanyang inasal.

         "Bahala ka sa buhay mo!" sigaw ko nalang saka kumaripas muli nang takbo . "Panget ang huling makakarating sa court!" sigaw ko pa.

        Hingal na hingal ako nang makarating sa basketball court pero nang makita ko si Lucho na nagpapakahirap harangan ang player na may dala ng bola, parang nawala ang lahat ng pagod ko't nagwala na ako. "Go lucho! Kaya mo 'yan! Ilampaso mo ang mga kalaban mo! Mas gwapo ka sa kanila! Go go—" hindi ko na natapos pa ang pamatay kong cheer nang biglang tinakpan ni Warren ang bibig ko at kinaladkad ako patungo sa bleachers na siyang kinaroroonan nina Riley at Piper.

       Our Boy Lucho is trying out for the basketball team again and we're hoping he'll get in this time. Warren says they've been practicing non-stop for this, Lucho's giving 100% and I hope his efforts pay off this time.

        "Ano 'yan?" agad na tanong nina Riley kay Warren nang makita ang dala nitong malaking bagay na natatakpan pa ng tela. Ito rin ang kanina ko pa gustong itanong.

        Humalakhak si Warren at inakbayan pa ang bagay na kanina niya pa dala. Idinampi niya ang hintuturo sa dulo ng kanyang ilong na para bang nagpapapogi saka suminghal. "Ito lang naman ang lucky charm para makapasok na si Lucho sa basketball team," pagyayabang niya kaya napairap na lamang ako.

        "Tinatanong ka namin anong nasa ilalim, 'wag ka nang magpa-pogi uy!" sita ko kay Warren dahilan para agad maglaho ang ngiti sa kanyang mukha. Tinanggal niya ang telang nagtatakip rito at laking gulat namin nang makitang isa pala itong cardboard standee ni Judy Ann Santos mula sa Goldilocks.

         Tawang-tawa kaming tatlo nina Piper at Riley lalo na nang makita naming dinikitan pa ni Warren ng karatula ang noo ni Judy Ann kung saan nakasulat ang katagang, Ang galing ni baby!

        "Ang galing ni baby! Ang galing ni Baby! Ang galing! Galing!" Bukod tangi ang naging cheer namin para kay Lucho. Kung ang mga kasama namin ay panay sigawan lang para sa mga sinusuportahan nila, kami ay pakanta-kanta lang habang winawagayway ang standee ni Judy Ann.

        Nag-thumbs up agad ako kay Lucho nang mapatingin siya sa direksyon namin; tuwang-tuwa ako nang makita ang malapad na ngiti sa kanyang mukha. Nag-thumbs up pabalik si Lucho, two thumbs up pa sabay suntok-suntok sa direksyon ko. Siyempre hindi ako nagpahuli, gumaya ako sa kanya na nag-two thumbs up din sabay suntok-suntok nito sa direksyon niya.

         Otomatiko akong napasigaw nang sa isang iglap ay bigla na lamang tumama ang bola sa mukha ni Lucho. Nagsigawan ang lahat ng mga nakakita habang ang ilan naman ay agad na nagtawanan. Tawang-tawa ako sa nangyari pero hindi ko magawang tumawa nang lubos, naiinis kasi ako sa mga schoolmates naming pinagtatawanan si Lucho. Kami ang mga kabarkada niya, kami lang ang may karapatang pagtawanan siya!

        "Foul! Foul!" Pagwawala ni Riley na kulang nalang ay sugurin ang referee.

        "Hindi 'yon foul! Tanga yung lalake kaya tinamaan!" Biglang sumigaw ang isa sa mga schoolmates namin na nasa ibabang parte ng bleachers. Natahimik kaming apat, parang napanting ang mga tenga namin sa narinig.

          "Anong sabi mo?!" Napaigtad ako sa gulat nang sumigaw si Piper pabalik na animo'y isang nanay na na-triggered nang wala sa oras.

         Lumingon sa amin ang malaking lalake na siyang sumigaw at tumawag kay Lucho na tanga. Malaki ang pangangatawan niya, tipong tadtad ng muscles. Parang humupa na agad ang inis ko't napalitan na ito ng takot. "Tanga yung kaibigan niyo, bakit? Angal kayo?" sigaw nito na tila ba nanghahamon, dahilan para magsigawan lalo ang mga schoolmates namin. Kulang nalang magsigawan sila ng suntukan! Suntukan!

Good night, Enemy (Published under PSICOM)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon