Unwelcome Surprise

11.7K 191 0
                                    


DUMAPA si Merlinda sa ibabaw ng lounge chair upang ibilad sa araw ang kanyang likod. Naroon siya sa kanilang home atrium. Alas-siyete pa lang ng umaga. Bahagya pa lang ang init ng araw sa kanyang balat na lumalagos mula sa fiberglass na bubong. Kapag hindi siya nakakapag-jogging sa labas ay nagsa-sunbathing lang siya sa atrium. Sa isang taong abala na gaya ni Merlinda, batid niyang mahalaga ang bawat minutong magugugol sa pag-eehersisyo o pagbibilad sa pang-umagang araw. Mahalaga ang health benefits na ibinibigay ng araw sa kanyang katawan. Nakatutulong ang vitamin D mula sa araw para mas maging matibay ang kanyang mga buto at mas maging malakas ang kanyang immune system. 
May kalahating oras na siya sa atrium nang makarinig siya ng katok sa pinto. Pinagbilinan niya ang mga katulong na huwag siyang aabalahin tuwing nagsa-sunbathing. Para siya katukin doon ay tiyak na may mahalagang dahilan.
Kinuha ni Merlinda ang kanyang robe. Naisuot na niya iyon nang mabuksan ang pinto. Lumitaw roon ang ama niyang si Montero. May kargang sanggol ang daddy niya na nahihimbing sa bisig nito. “Lindy, do you have a minute?” sabi nito, bakas ang kakulangan ng tulog at pagod sa mukha. Ngayon lang din napansin ni Merlinda na mas pumayat ang daddy niya kaysa dati.
“Yes, Dad.”
“I need to talk to you.”
“Talk to me about what?” Muling bumalik ang tingin ni Merlinda sa kalong nitong sanggol. Bigla siyang kinabahan. “Kaninong baby 'yang dala n’yo?”
Hindi siya sinagot ng ama. Tumalikod na ito kaya napilitan siyang sumunod. Sa family room nagtungo ang daddy niya. Naupo ito sa sofa kaya napilitan din siyang maupo sa katapat nitong sofa. Oo at guwapo pa rin ang kanyang ama, ngunit parang nadagdagan ng sampung taon ang edad nito; litaw ang mga gatla sa noo. Kahit hindi nakatawa ay halata na rin ang kulubot sa gilid ng mga mata ng kanyang ama. Tinitigan niya ito. Gusto niyang makita ang lahat ng emosyong ililitaw ng mukha nito. Ama niya ito at gusto niyang lagi itong maging matagumpay sa ano mang larangan. Liban lang sa larangang sila ang magkakumpitensiya. Mas gusto ni Merlinda na talunin ang ama sa balitaktakan, sa katwiran, sa tagisan ng kanilang mga opinyon. Sa anumang bagay. Nakakaramdam siya ng satisfaction kapag napapatunayan sa kanyang ama na mas magaling siya rito.
“Dad?” untag ni Merlinda dahil naumid na ang dila nito.
Humugot ito ng malalim na hininga. Kasabay ng pagbuga nito ay nagbaba rin ng tingin. “He’s mine.”
Kahit nahuhulaan na iyon ni Merlinda ay nabigla pa rin siya. Nagulat pa rin na marinig sa ama ang katotohanan ng kataksilan nito sa mommy niya. Siyam na buwan mula sa pagkabuo ay isinisilang ang isang sanggol. Pitong buwan nang hiwalay ang daddy niya sa kanyang ina. Nakipaghiwalay ang mommy niya sa kanyang ama sa bintang ng pambababae. Bagay na mariing itinatanggi ng daddy niya.
Two months ago, the divorce was finalized. Siya pa ang nakatanggap ng divorce papers ng mga magulang.
Muntik nang tumaas ang isang sulok ng bibig ni Merlinda. Gusto niyang tuyain ang ama; ipamukha kung gaano ito kasinungaling. Na totoo nga palang taksil ito. Na hindi lang bali-balita na isang kolehiyala ang babae ng daddy niya.
It was a good thing her parents were married in the States. Madali ang proseso ng paghihiwalay. Pero ang legal aspects lamang niyon ang madali, hindi ang emotional. Hanggang ngayon, may mga araw pa rin na tumatawag ang mommy ni Merlinda para lang maghinga sa kanya ng sama ng loob. Ginawa raw ng mommy niya ang lahat para pangalagaan ang relasyon ng mga ito. Pati ang pananatiling maganda at kaakit-akit sa paningin ng daddy niya ay ginawa ng kanyang ina. Ngunit sadya raw gusto ng daddy niya na maghanap ng ibang kaligayahan sa ibang kandungan. At napakasakit para sa kanyang mommy na ganoon lang kadali sa kanyang ama na itapon ang dalawampu’t anim na taon ng pagsasama ng mga ito. Kaya naniniwala siya na sa kabila ng matinding galit nito sa daddy niya ay mahal pa rin ang asawa. 
“Anak mo kanino? Doon ba sa kolehiyala?” pananalakab ni Merlinda.
“No, Lindy.”
“Kanino, Dad?”
“Kay... Emily, sa dati kong sekretarya.”
Oh, great! Ka-close ni Merlinda si Ate Emily, ang napaka-efficient na sekretarya ng kanyang daddy. Nalungkot pa nga siya nang magpaalam ang babae na magre-resign dahil mag-aasawa na raw. Hindi pala mag-aasawa; nabuntis lang ito. Binuntis ng magaling niyang ama. Tumalim ang tingin niya rito. “Ang galing n’yo ring magtago ng kerida n’yo, ah.” Hindi na niya napigilan ang sarili na uyamin ang ama. “Hindi halata. Ilang taon n’yo nang pinagtataksilan ng Emily na 'yon si Mommy?”
“Lindy, it’s irrelevant to discuss it now.”
“But it is, Dad,” pahumindig niyang sabi. Napatayo siya. “Lalo na kung dito n’yo ititira 'yang bastardo n’yo.”
Iritadong nagbaling ng tingin ang daddy niya. Ngunit agad ding nakabawi at tila sumusukong tumingin sa kanya. “Patay na si Emily. Namatay siya sa panganganak sa batang ito.”
Hindi man lang niyon nabawasan ang ill-feeling ni Merlinda sa ama. “Nagbayad pala agad siya sa panloloko ninyo kay Mommy. Pero binigyan niya kayo ng anak na lalaki. Ang lakas n’yo kay Satanas. Binigyan pa kayo ng reward sa kataksilan ninyo.”
“Lindy, please. You’re mom and I are already through. Can’t we just forget about the past? Move on with our lives?”
“Hindi rin naman gano’n lang kadaling tanggapin na sira na ang pamilyang kinabibilangan ko, Dad. Ang pamilyang minahal at pinahalagahan ko mula nang magkaisip ako.” Sadyang hindi siya iyakin, ngunit nang mga sandaling iyon, nang banggitin ng ama na tapos na ito at ang kanyang ina at gusto na nitong makausad ay parang may gakamaong bagay na humarang sa kanyang lalamunan.
Bumuntong-hininga uli ang kanyang ama. “Mula ngayon, dito na titira ang batang ito,” paglilihis nito sa usapan. Tahimik pa rin na natutulog ang bata. Napakaliit nito. Parang napakanipis ng balat na tila sa munting pagkakamali ng paghawak ay masusugatan. Sa kabila ng pagkamuhi ni Merlinda sa kataksilan ng ama ay may naramdaman siyang tenderness sa sanggol. “Anak ko siya, Lindy. Kapatid mo. I named him Montero II. Sanggol pa lang siya, pero nawalan na agad ng ina. Tayo lang ang meron siya, Lindy. He needs all the love and care and protection he could get from us. Sana naman hindi mo idamay ang batang ito sa galit mo sa amin ng kanyang ina. Wala siyang kasalanan.”
“Kapag ba pinagmalupitan ko ang batang 'yan, gaano katinding sakit ang mararamdaman mo, Dad?” Tiningnan nang tuwid ni Merlinda ang ama. Wala siyang balak na maging malupit sa sanggol na nagkataong half-brother din niya. Pero gusto niyang iganti kahit kaunti ang sakit ng loob na ibinigay ng kanyang ama sa mommy niya.
Gumalaw ang muscle sa panga ng daddy niya. Ngunit agad din nitong nakontrol ang sarili; sinalubong nang tuwid ang kanyang tingin. “Kasintindi ng kung makikita ko na pinagmamalupitan ka rin ng iba.”
May nakanti sa puso ni Merlinda, ngunit itinaboy niya agad.
“Pansamantala, si Yaya Liway muna ang mag-aalaga sa kanya hangga’t hindi pa tayo nakakakuha ng bagong yaya. Sana, anak, tumulong ka na mapagaan ang pagtira dito ng kapatid mo.” Pinagmasdan siya ng ama. Hindi nagbago ang kanyang anyo, matigas pa rin ang ekspresyon. “Mas mapalad ka kaysa sa kanya, Lindy. Hindi mo naranasan na maulila.”
Nalukot ang noo ni Merlinda. “You’re wrong, Dad. Mas mapalad pa rin sa akin ang batang'‘yan. Bago siya lumaki, sigurado na magiging adjusted na siya sa isang broken home. Hindi gaya ko. Hanggang ngayon hindi ko alam kung kailan makaka-move on sa sitwasyon na oo nga at may kompletong mga magulang, pero hindi na  mabubuo pa ang pamilya.” Humalukipkip siya. “Kung wala na kayong sasabihin, babalik na ako sa atrium.” Hinintay niyang magsalita ang ama ngunit hanggang sa makalabas siya ng family room ay hindi na ito umimik.

InstaGroom Series 3 Emperor (COMPLETED)Where stories live. Discover now