Part 20

17.5K 504 83
                                    


HINDI mapakali si Grace habang nag-aayos siya sa harap ng salamin. Gusto niyang maging maganda sa paningin ni Mike kaya todo-effort siya sa pagpili ng susuotin. Dumating na kasi ang pagkakataon niya para maka-solo date siya nito. Niloloko niya ang sarili niya kapag sinabi niyang hindi siya nae-excite sa lakad na iyon. Ang totoo ay pinananabikan niya iyon. Kailan nga ba nagsimulang umusbong ang damdamin niya para dito? Sa group date nila kung saan nakita niya kung gaano kabuti ang puso nito? O noong bigyan siya nito ng tatlong sunflowers?

Pero hindi. Kung magpapakatotoo lang siya ay malalaman niyang nagsimulang magulo ang mundo niya noong matikman niya ang tamis ng mga labi nito. Para siyang ginayuma kaya kahit wala siyang ideya kung sino ang lalaking hinalikan niya ay ilang ulit din siyang bumalik sa bar na iyon sa pagbabaka-sakaling matagpuan niya ito roon kahit alam niyang parang imposible iyon.

Napapitlag siya nang may kumatok sa pinto.

"Grace, nasa 'baba na si Mike," anang tinig ng isang staff.

"Sige, Ate, bababa na po ako."

Isang beses pa niyang pinasadahan ng tingin ang kanyang sarili sa salamin. Nang makontento ay lumabas na siya ng silid. Wala siyang ideya kung anong klaseng date ang inihanda ng staff ng show para sa kanila. Pero kung anuman iyon, she was looking forward to it. Kahit na nga ba alam niyang bahagi pa rin iyon ng palabas. Gayunman, gusto niyang kausapin si Mike tungkol sa mga bulaklak. Hindi kasi niya alam kung saan siya lulugar. Mike acted as if he liked her too, but he hadn't said anything to her.

Muntik pang sumalabid ang hakbang niya nang mamataan niya ito sa ibaba ng hagdan at matikas na naghihintay sa kanya. Dumoble na naman ang tibok ng puso niya. He looked every inch a prince charming. Naka-brush up ang buhok nito pero may ilang hiblang bumabagsak sa noo nito. Tila mas nakadagdag pa iyon sa taglay nitong karisma at nag-uumapaw na presensiya.

Pinayapa niya ang sarili bago maingat na humakbang pababa ng hagdan. Humawak siya sa balustre upang maging matatag ang kanyang mga hakbang. Hindi niya gugustuhing bigla na lang gumulong pababa dahil sa sobrang kilig na nararamdaman.

"You look stunning," puri nito nang tuluyan siyang makababa ng hagdan.

Hindi niya napigilang matuwa sa nakitang paghanga sa mga mata nito. Tama si Marissa; Mike possessed very expressive eyes.

"T-thanks," Oh, boy! Huwag mo akong tingnan nang ganyan, Mike, at baka tuluyan na akong mahulog sa iyo. Ang tanong, sasaluhin mo ba ako?

"So, shall we go?" nakangiting sabi nito. Kinuha nito ang kamay niya at sa panggigilalas niya ay pinagsalikop nito ang mga daliri nila habang iginigiya siya nito palabas.

Hindi na siya tumanggi dahil ang totoo ay kinikilig siya. Natawa na nga lang siya nang kumindat pa ito sa kanya bago inginuso ang magkahugpong nilang mga kamay. Halos makalimutan na nga niya na may camera na nakatutok sa kanila.

Bumuntong-hininga ito at kapagkuwan ay biglang tumigil sa paglalakad. "I can't fight this feeling anymore," bulong nito. Naguluhan naman siya.

Pinaalis nito ang cameraman na agad namang sumunod. Luminga-linga ito at nang may makitang camera sa bandang kanan nila ay hinila siya nito paalis sa lugar na iyon. Wala siyang nagawa kundi magpadala kahit gulong-gulo na siya sa inaasal nito. Dinala siya nito sa isang sulok ng bahay kung saan walang makakapansin na may tao roon at wala ring nakakabit na camera doon. Isa iyon sa mga tatak ng arkitektong si Jared Montecillo—ang paggawa ng mga bahay na maraming secret nook.

Isinandal siya ni Mike sa pader, nakatitig sa kanyang mga mata. Kasunod niyon ay tinanggal nito ang lapel mic na nakakabit sa kanya, saka basta na lang iyon inihagis. Ganoon din ang ginawa nito sa sarili nitong microphone. Dumadagundong ang puso niya dahil napakaraming emosyon ang nagsasalimbayan sa mga mata nito.

"M-Mike... a-ano'ng—"

Naputol ang sinasabi niya nang mapatitig uli siya sa mga mata nito. Sa napakaraming emosyong nababasa niya sa mga iyon, may isang higit na nangingibabaw.

Oh, my God! bulalas niya sa isip. Buong buhay niya ay pinangarap niyang makita ang ganoong emosyon sa mga mata ng isang lalaki—pagmamahal.



Autor's note: Nakapost po ang complete story since 2017. Pero dahil nakakontrata na po ito sa Dreame ay kailangan ko nang burahin ang ibang parts. Sa Dreame na po ninyo mababasa ito mababasa nang buo. Salamat. :)

Dare To Love You (Completed)Where stories live. Discover now