Part 4

19.2K 487 6
                                    

"SEE? TAMA ako, 'di ba? Hindi nila pakakawalan ang alindog mo. Sayang, hindi namin nakita ni Sisi kung paano ka nila inapura para pumirma ng kontrata. Kung bakit naman kasi hindi mo ako isinama. Ni hindi ko alam na nag-audition ka roon," nagtatampong wika ni Marissa. Tinutulungan siya nitong mag-empake ng mga damit niya habang si Sisi naman ay pangiti-ngiti lang sa isang tabi.

"Sus! Huwag ka nang magtampo, ipapasalubong ko naman sa iyo ang mapapanalunan kong boyfriend. Basta akin lang ang cash, ha?"

Lingid sa kaalaman ng dalawang kaibigan niya ay pumunta siya sa huling araw ng audition ng Search for Miss Right. Urong-sulong pa siya kung tutuloy sa VBN. Hanggang sa mapagdesisyunan niyang tumuloy sa pag-o-audition.

Nakarating siya sa itinakdang audition site. Halos puno ang auditorium ng kababaihang nais humabol sa audition. Kumakabog man ang dibdib niya sa nerbiyos ay pumila pa rin siya. Habang nakapila, napansin niya ang ilang staff na paroo't parito na para bang tinitingnan silang mga nag-o-audition. May isa pa ngang tumigil sa harap niya at tiningnan siya mula ulo hanggang paa. Tatarayan na sana niya ito nang tumalikod ito, at nang bumalik ay may kasama ng isa pang staff. Halos hindi na niya naunawaan ang mga sumunod na nangyari. Basta namalayan na lang niyang kasama na siya ng dalawang staff sa isang silid at ipiniprisinta sa kanya ang mga dokumentong dapat pirmahan bilang isang opisyal na kandidata sa reality show.

Tinanong din siya kung desidido raw ba siya, at kung ano-ano pa. Kailangan talaga niya ng pera at iniisip niya ang halagang puwede niyang mapanalunan doon kaya agad siyang napapirma ng kontrata. Halos hindi nga niya naunawaan kung ano-ano ang mga nakalagay roon.

"Tarsier ang ipasalubong mo sa akin, ipapaubaya ko na kay Marissa ang boyfriend," wika ni Sisi.

Natawa siya. "Para namang puwedeng ipasalubong ang tarsier. Endangered na kaya ang mga 'yon. Chocolate hills, type mo?"

Sa isang private beach house sa Bohol ang location ng show. Hindi pa nila alam kung saan ang eksaktong lokasyon ng beach house, pero sa unang gabi nila sa Bohol ay sa LaVill Hotel muna sila tutuloy para sa karagdagang instruction at briefing. Hula niya na ang "Vill" sa pangalan ng hotel ay Villamor ang ibig sabihin. Kung ganoon ay may posibilidad din na pag-aari ng mga Villamor ang beach house na iyon.

"Sige, sa akin mo ipasalubong ang boyfriend, dahil ibig sabihin n'on ay ikaw ang nanalo. Kapag nagkataon, solve na agad ang problema mo. Huwag kang mag-alala, magsasayaw ako sa Obando para ikaw ang manalo."

Napatayo bigla si Sisi mula sa kinauupuan nito at pabirong sinabunutan si Marissa. "Anong magsasayaw ka sa Obando? Fertility dance 'yang sinasabi mo!"

Ang lakas ng tawa ni Marissa. "Alam ko 'yon. Pinapatawa ko lang itong si Grace. Kung makapag-react ka naman..."

"Mabuti na iyong maliwanag," nakaingos na sabi ni Sisi. Bumaling ito sa kanya. "Gracie, huwag mong kalilimutan na reality show 'yon. Beinte-kuwatro oras na umiikot ang mga camera sa beach house na tutuluyan n'yo."

"Alam ko 'yon. At saka malabo sigurong makalimutan ko iyon dahil beinte-kuwatro oras din na may nakakabit na lapel mic sa katawan ko," wika niya, bagaman hindi pa niya alam kung paano mag-a-adjust sa ganoong sitwasyon. Kunsabagay, sinabi sa orientation sa kanilang mga kasali sa show na mahigit isang buwan lang diumano gagawin ang shooting dahil dalawang babae ang tatanggalin kada linggo. Sampu lang naman silang mga babae kaya sa tantiya niya ay isang buwan at isang linggo lang tatagal iyon kung double elimination ang mangyayari. Sa tingin niya ay makakaya niya iyon.

"Basta mag-iingat ka roon, ha?" bilin ni Marissa.

"Oo naman. Isa pa, allowed naman kaming gumamit ng cell phone. Madali akong makakatawag sa inyo."

"Allowed ang cell phone? Hindi ba weird 'yon? 'Di ba dapat walang cell phone o kahit na anong bagay na puwede ninyong magamit para makapag-communicate sa outside world?" nanlalaki ang mga matang tanong ni Sisi.

"OA ka na, Sisi, hindi naman Big Brother ang sinalihan ko," natatawang sagot niya. "Makakalabas naman kami ng bahay sa dates namin. At 'yong sa cell phone, allowed nga pero 'call at your own risk' ang paggamit. Ibig sabihin, hindi kami puwedeng magbigay ng impormasyon o development tungkol sa nangyayaring taping. Nakalagay sa kontrata na kakasuhan ang sino mang pagmumulan ng leakage," paliwanag niya.

Tumango-tango ang mga ito.

"Siyanga pala, Grace, huwag kang masyadong iinom ng alak kapag nandoon ka na, ha?" ani Marissa na kumikislap ang mga mata sa panunukso.

"Mars!" hiyaw niya bago dumampot ng damit at ibinato iyon dito. Hanggang maaari ay ayaw na niyang alalahanin pa ang pagkakalat na ginawa niya sa isang bar dahil nalasing siya nang husto.

Itinaas nito ang kamay. "Ikaw na nga itong pinapaalalahanan, eh. Mamaya niyan, kung ano ang gawin mo ro'n, ha," anito, sabay tago sa likuran ni Sisi na hindi rin maitago ang panunukso sa mga mata.

Ilang sandali pa at hinahabol na niya ng kurot ang dalawa.

   

Dare To Love You (Completed)Where stories live. Discover now