Part 14

17.4K 460 12
                                    


"MARISSA, ayoko na! Gulo itong pinasok ko! Hindi ako matatahimik dito!" ani Grace sa kaibigan. Nang matapos ang taping para sa unang episode ng Search for Miss Right ay tinawagan agad niya ang mga kaibigan niya. Mabuti na nga lang at pinapayagan silang gumamit ng telepono, kaya hayun siya ngayon at hindi matapos-tapos ang pagsesentimyento.

"Relax, Gracie. Ano ba kasi ang nangyari? Guwapo ba ang man-in-search?"

Parang biglang sumakit ang ulo niya sa tanong ng kaibigan. "Hindi ka maniniwala! Hindi ito nangyayari, Diyos ko! Ano'ng nagawa kong kasalanan? Bakit ako pinarurusahan nang ganito? Saan ako nagkamali? Masunurin naman ako sa batas, bakit ganito?"

"Puwede ba, Graciana, ayusin mo ang pagkukuwento mo? Para ka na namang sinasaniban ni Sisa. Ano ba ang nangyari?"

"Si Mikael Henric Villamor ang man-in-search! Can you believe that? Paanong magiging man-in-search ang lalaking 'yon, eh, alam naman ng buong Pilipinas kung gaano kadalas magpalit ng girlfriend ang palikerong 'yon?" nanggagalaiting litanya niya. Nasa kontratang pinirmahan nila na bawal maglabas ng ano mang impormasyon hangga't hindi pa natatapos ang pagte-tape ng buong show. Pero wala na muna siyang pakialam sa kontratang iyon. Basta kailangan niyang mailabas ang nilalaman ng dibdib niya dahil parang puputok na iyon sa dami.

"S-si Mike ang man-in-search? Seriously?!" hindi makapaniwalang tanong ni Marissa.

"Ay, hindi! Nagbibiro lang ako!" mataray na sagot niya, na tinawanan lang nito. "Marissa... gulo itong napasukan ko. Napasubo yata ako sa gulo!"

"Ano bang gulo ang pinagsasabi mo? Si Mike 'yon, gaga! Kung alam ko lang na si Mike ang man-in-search, nagpumilit din sana akong makasali."

"Hindi mo naiintindihan, eh!" nakalabing wika niya.

"Naiintindihan ko. Isa iyang malaking biyaya at pambihirang pagkakataon. Alam mo namang kapag natupad ang pangarap kong makadaupang-palad ang isa sa magkakaibigan ay puwede na akong mamatay, hindi ba?"

Hay, hindi lingid sa kanilang magkakaibigan kung gaano kabaliw si Marissa sa grupong iyon. Lahat yata ng mga magazine kung saan na-feature ang magkakaibigan ay mayroon itong kopya. Ano kaya ang magiging reaksiyon nito kapag sinabi niya na ang lalaking naging biktima ng truth or dare nila nang gabing iyon ay walang iba kundi si Mike Villamor? Come to think of it, bakit hindi nakilala ni Marissa na si Mike pala iyon? Dahil ba masyadong madilim ang puwesto ni Mike noon?

"Marissa..."

"Grace, ano ba kasi ang ipinagkakaganyan mo?"

"Natatandaan mo ba 'yong lalaking nilapitan ko noong nag-truth or dare tayo sa bar sa Libis noong lumuwas tayo sa Maynila? Noong nakaraang buwan?"

Humagikgik ito. "Paano ko makakalimutan 'yon, eh, doon ko nakita na puwede ka palang maging wild? Ginawa mo pa ngang ice cream 'yong lips ng kawawang lalaki. 'Tapos, noong hinila na kita, binalikan mo—"

"Stop it, Marissa! Kailangan mo pa ba talagang ipaalala ang bagay na iyan? Lasing ako noon, wala ako sa huwisyo," namumula ang mukhang wika niya. Lumagutok sa sahig ang suot niyang heels dahil palakad-lakad siya sa kuwarto niya.

Tumawa ito nang malakas. "Kaya mula noon ay hindi ka na uli uminom ng alak, ganoon ba? Wait, bakit mo pala biglang naitanong ang tungkol sa lalaking 'yon? Hinahabol mo ako ng walis-tambo kapag binubuksan ko ang topic na iyan. Ano'ng meron?"

"Marissa, ang lalaking 'yon! Si Mike 'yon!"

"A-ano?!"

Bahagya niyang inilayo ang telepono mula sa tainga niya dahil sa lakas ng tinig ng kaibigan.

"Hindi puwedeng mangyari 'yon, Gracia! Bakit hindi ko siya nakilala? Nagpalit ba ng mukha si Mike? Kahit buhok niya, makikilala ko, eh!"

Siya naman ang natawa rito. "Ewan ko kung bakit hindi mo nakilala si Mike. Understood naman siguro 'yong sitwasyon ko dahil lasing ako. Pero ikaw, matino ka naman noon, eh. At ang masama pa, siya pa mismo ang nagpaalala sa akin ng bagay na iyon. I mean, hello? Paano niya nalamang ako 'yon?"

"Okay, suko na ako!" biglang wika nito.

"Suko saan?" naguguluhang tanong niya.

"Suko na ako sa pagpapantasya kay Mikael. Friend, malinaw naman na mukhang hindi niya nakalimutan ang kiss mo. Ikaw na ang may pamatay na lips at ikaw na rin ang magaling humalik!" natatawang wika nito. "Hindi na tuloy ako makapaghintay na mapanood ang reality show na iyan. Search for Miss Right—malay mo, ikaw pala ang Miss Right na 'yon. OMG, it's a fairy tale in the making!"

"Marissa naman, eh. Heto nga at hindi na ako magkandatuto sa pag-iwas sa lalaking iyon. Ano ba ang gagawin ko?"

"Oh, my God, apektado ka na ng pagkatao ni Mike? Nakikita mo na ba 'yong sinasabi ko sa iyo dati na kakaibang epekto ng mga mata niya?"

Naitirik niya ang kanyang mga mata. Hinding-hindi malalaman ni Marissa na palihim niyang binubuklat ang mga koleksiyon nito ng magazine para tingnan ang litrato ng abogadong si Milo. Sekreto niya iyon. Halos pagtawanan niya ang kaibigan kapag nagpapantasya ito sa mga lalaki gayong ang totoo ay lihim din siyang nagpapantasya sa mga ito. Wala nga lang siyang lakas ng loob para ipakita iyon.

"Marissa, alam mo namang—hello? Hello? Nandiyan ka pa ba? Hello?" Napapalatak na lang siya nang makitang wala nang signal ang telepono niya.

Dare To Love You (Completed)Where stories live. Discover now