CHAPTER TWO

493 8 0
                                    

Hindi ikinakatuwa ni Lhae ang tahasang pagtawag palagi sa kanya ni Nathan ng "Sis". Hindi niya maatim na talagang kapatid lang ang turing nito sa kanya kahit lantaran na ang pagpapa-cute at pagpapapansin dito tuwing nagkakaharap sila.

"Hi Nate!" malakas niyang tawag-pansin mula sa tapat ng gate ng bahay ng mga ito habang nakasandal ito sa motor nito sa may garahe at mukhang abala sa pakikipag-usap sa cellphone. Sabado ng hapon iyon. Ang totoo, kanina pa siya naghihintay na pumunta ito sa kanilang bahay tulad ng kinagawian nito mula ng lumipat ang pamilya nito sa lugar nila. At dahil mukhang wala itong balak mangapit-bahay ngayon, kaya naman siya na ang dumayo. May bitbit pa siyang mangkok na may laman ng umuusok na sopas.

"Oh, sis, bakit?" anito na mabilis nakalapit para pagbuksan siya. Automatic na umikot ang kanyang eyeballs sabay napasimangot nang marinig ang tawag nito sa kanya.

"Wala, nagluto ako ng sopas. Hindi ka pumunta ng bahay kaya dinalhan na kita."

"Wow! Ang sweet naman." Nakangiti nitong sabi na kinuha sa kanya ang mangkok.

Agad lumiwanag ang kanyang kapaligiran sa sinabi nito. "Hindi lang ako sweet, tunay na mapagmahal pa. Take note, tapat ako magmahal at stick to one." Ngiting-ngiti niyang sabi.

Saglit itong natigilan na napatitig sa kanya.

"Ikaw lang at wala ng iba."dugtong ng kanyang maharot na utak habang nagbi-beautiful eyes dito. Gusto niyang maglulundag dahil para na itong natulala sa kanya sa paraan ng pagkakatitig nito.

Ano? Ito na ba? napansin na ba nito ang kagandahan niya? Sinadya niya talagang magpaganda ng husto bago pumarito. Katunayan ay naglagay pa siya ng blush on at lipstick. Gusto niyang maging maganda sa paningin nito. At sa paraan ng pagkakatitig nito ngayon sa kanya, hindi niya mapigilan ang mapa-Yes! at last, sa tinagal-tagal, tatlong linggo! Tatlong linggo na rin at sa wakas nagtagumpay siya! nakuha rin niya ang attention ng kanyang Prince Charming!

"Oh, bakit ganyan ka makatingin? Hmm..." Tanong niya na may halong lambing ang boses at kunwari ay tinaasan ito ng kilay pero sa kanyang kalooban, naglulundag siya sa tuwa.

Kumilos ang isang kamay nito pataas sa kanyang pisngi. Wala sa loob na napaawang ang kanyang bibig. Bigla siyang kinabahan, parang biglang nabingi siya sa lakas ng kabog ng kanyang dibdib. Walang kakurap-kurap na nakatitig siya rito at hinintay na lumapat ang palad nito sa kanyang pisngi. Sa pakiramdam na pati mukha nito ay unti-unti ring lumalapit sa kanyang mukha, kusang napapikit ang kanyang mga mata kasabay ang panunulis ng kanyang mga nguso at handa nang salubungin ang labi nito.

"This is it! Oh my... Oh my! Ito na 'yon, ito na ang halik ni Prince Charming! Ang tamis ng aking unang halik."subrang excited na nagdidiwang ng kanyang kalooban. "Yes! Yes!" patuloy na sigaw ng kanyang utak habang hinihintay na lumapat ang labi nito sa kanyang labi.

"Oh, my prince charming..."

Bakit ang tagal? Shit! nagpapasabik ba ito ng husto? Lalo pa niyang pinatulis ang nguso.

"Lhae, okay ka lang? Anong nangyari sa 'yo?" Dinig niya na tanong nito sabay yugyog sa kanyang balikat. Para siyang binuhusan ng malamig na tubig sa kinatatayuan. Nang magmulat siya nakita niyang todo-kunot ang noo nito na animo'y takang-taka.

"Anong nangyari sa magkabila mong pisngi?" tanong nito na sinipat-sipat ang magkabila niyang pisngi. "Pati labi mo, bakit pulang-pula? Parang namamaga. Kumain ka ba ng 'sang damukal na sili?"

"Huh!?" bigla siyang napamulagat. wala sa loob na napahawak siya sa magkabila niyang pisngi saka bahagyang yumuko para pasimpleng punasan ang bibig.

IKAW NA BA SI MR. RIGHT? (Unedited: Published under PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon