Chapter Thirty Five

2.5K 175 10
                                    

Ang araw ay napaka-layo pa sa pag-sikat nang aming ihanda ang aming sarili at lahat ng aming kakailanganin, at ngayon, amin nang isasagawa ang bagay na babago sa lahat, ang Rebelyon, ang makabuluhang rebelyon.

Ang bawat kinatawan ng Felon ay nahahati sa apat na grupo, tatlong grupo para sa tatlong Mark Area; ang Trooper, Slave at Independent Area, at ang isang grupo naman ay maiiwan dito, sila ang magbabantay sa Stronghold sa kung ano man ang maaring kaharapin nito habang wala ang karamihan. Kasama sa grupong mag-babantay ng Felon Stronghold ang mga Monitoring Officer at mga kinatawang hindi kayang makilahok sa Rebelyon, ang mga kinatawang nasa puting kasuotan at madalang lamang na nakikita sa regular na araw.

Ang unang grupo ay pinamumunuan nina Sea, Denim, at Kith. Trooper Area ang kanilang lugar kung saan doon nila gagawin ang aming mga pinlano, ang ikabit ang mga malalaking tarapal sa mga kabahayan bago sumikat ang araw. Ganoorin rin sa grupo na pinamumunuan nina Fern, Crane, at Idyll na sa Slave Area naman naka-destino. Ang grupo na aking pinamumunuan kasama sina Ace at Gaia ay sa Independent Area naman isasagawa ang parehong bagay. At ang mga mananatili dito sa Stronghold ay pamumunuhan nina Zax, Odium, at Gray.

"Ito na ang pagkakataong pinakahihintay natin!" anunsyo ni Sea sa lahat sa matapang, direkta, at galit na paraan. Kami ay nasa malawak na tuktok ng Felon Stronghold at sa malayo ay mga nag-aantay na mga sasakyang panghimpapawid—bawat grupo ay may dalawang sasakyan na ang bawat isa ay kayang magsakay ng limampong katao. Sa pagkakatayo at expresyon ng mukha ng lahat, masasabi kong ito talaga ang kanilang nais, dama ko sa bawat-isa ang pinagsama-samang nagaalab na apoy sa kani-kanilang puso, apoy na susunog sa pamamahala ng Gobyerno.

Tumayo ako ng matuwid at nagsalita. "Nabubuhay tayo pero hindi iyon sapat. Kailangan nating mamuhay, kailangan nating magkaroon ng sariling buhay, buhay na ipinagkait sa atin ng Gobyerno." Sandali akong huminto at nagpatuloy. "Hindi na tayo mabubuhay pa sa ilalim ng hindi makataong pamamahala ng Gobyerno! Diniktahan nila ang ating katauhan. Inalis nila ang kamalayan ng bawat isa, inalis nila ang ating kalayaan at tunay na kaayusan! Inalis nila ang pagiging tao ng bawat isa! Kaya ngayon, atin na iyong tutuldukan! Lalaban tayo hanggang dulo!" Bawat sigaw ko sa mga salita ay siyang lalong pagtaas ng tensyon sa bawat isa, maging sa akin, bagay na aming kailangan upang magawa ang lahat, tensyon na bubuhay sa aming dugo at magpapanatili ng kagustuhang tuldukan ang mapang-aliping Gobyerno.

"Rebelyon! Rebelyon! Rebelyon!" sigaw ng lahat kasabay ng pagtaas ng kanilang kanang kamao.

Naramdaman na namin ang hanging dulot ng mga sasakyang pang-himpapawid sa dulo, ngayon na.

Mabilis na sumakay ang bawat isa kasama ang kani-kanilang grupo, ang mga kagamitan ay nasa loob na ng sasakyan. Sa pagtawag ni Gaia sa aking pangalan ay napansin kong ako na lamang ang nananatiling nakatayo dito kaya naman agad akong kumaripas ng takbo.

Nauna nang lumipad ang sinasakyan nina Sea, sumunod sina Fern, at ngayon ay kami na, pupunta na kami ng Independent Area. Sa aming pagtaas ay kita ko sa tuktok ang mga naiwang hukbo ni Zax, alertong gina-gwardyahan ang Felon Stronghold. Habang palayo kami nang palayo ay lalo silang lumiliit sa aking paningin hanggang sa tuluyan ko na nga silang hindi matanaw.

Sa aking tabi ay si Aurora. Oo, kagrupo ko siya at masaya ako sa bagay na iyon, nangungulila na ako sa kanya, matagal ko na siyang hindi nakakausap simula nung nawala si Ayo, at pagkakataon ko nang ibalik ang lahat, gagawin ko iyon para sa kanya dahil ramdam kong hindi lumayo ang loob niya sa akin, sadyang umiiwas lamang siya, hindi ko alam kung bakit ngunit hindi ko maiwasang isipin na may kinalaman si Sea sa lahat. Sa kanyang tabi ay si Hawk at sumunod si Sonder, maging sila ay aking nakagrupo, napaka-palad ko ngayon at napaka-saya sa kabila ng tensyong meron ako sa Gobyerno. Tahimik lamang sina Hawk at Sonder na marahil ay hinihintay lamang ang aming paglapag, ngunit maari ring binibigyan nila kami ng pagkakataon ni Aurora upang makapag-usap.

The Felon Mark (Wattys 2020 Winner) (Filipino Dystopian Novel)Where stories live. Discover now