Chapter Thirty Four

Start from the beginning
                                    

"Hindi. Wala tayong laban kung giyera, hindi natin sila kakayanin kung gano'n." tutol ni Sea.

"Hangga't maari, wala sanang maraming buhay ang malalagas," dugtong ko.

"Eh paano?" wika ni Fern. Babaeng ang mahabang pulang buhok ay nasa kaliwang parte lamang at may tatlong hikaw sa magkabilang tenga, kita rin ang mga tattoo sa kanyang braso katulad ni Cluster. Ang kanyang itsura ay hindi tugma sa kanyang pangalan, kaya napapaisip na lamang ako na marahil ay hindi siya ganyang noon, na isa rin siyang inosenteng babae ngunit ngayo'y sinira ng mapag-larong kapalaran. Bawat isa sa atin ay may paraan upang matanggap ang sitwasyong kinalalagyan, at marahil ay paraan niya ang pagkakaroon ng ganyang itsura.

"Pwede kong pasukin ang ilan sa kanilang Computer," mungkahi ni Gray. Lalaki na hindi kalakihan ang katawan ngunit matalino kung tignan, tila magaling sa mga teknolohiya.

"Hindi. Wala iyong maitutulong at malalaman lang ng Gobyerno ang pinaplano natin," tutol ni Denim.

"Sa bagay," tugon ni Gray sa tonong tila wala lang ang lahat. "Ano na?" dugtong niya.

Muling nilamon ng katahimikan ang paligid.

"Paano kung magtanim tayo ng mga bomba," mungkahi ni Odium na katabi ni Zax at wala na ring masyadong pinagkaiba sa pangangatawan nito(Zax). Sa tono ng kanyang pagkakasabi ay masasabi kong hindi siya sigurado.

"Bomba?" ulit ni Gaia na nasa aking tabi. "Hindi 'yon magandang ideya, Odium," tuloy pa niya.

"Meron ang Gobyerno ng tinatawag nilang Genetically Enhanced Animals na kayang kilatisin ang paligid para sa mga bomba na maaring sumabog," singit ni Kith.

"Tulad ng Vendrocour," wika ni Denim.

"Vendrocour?" Nakakagulat ngunit nagsabay kami ni Sea sa pagsabi.

"Isang maliit na aso na nagagawang tukuyin kung mayroon bang nakabaong bomba o wala," paliwanag ni Denim. Ngunit paano nila alam ang mga bagay na 'yon?

"Bumalik tayo sa pag-iisip. Paano na?" singit ni Ace, isa rin sa mga lalaking kinatawan ng Felon Jury.

Siguro'y dapat ko nang sabihin ang kanina'y nais ko nang imungkahi, at sa tingin ko'y wala nang maiisip pa ang iba sa amin, kaya sasabihin ko na.

"Paano kung . . ." Ang lahat ng atensyon ay lumipat sa akin sa aking pagsasalita. "Paano kung tulungan nating mag-isip ang mga mamamayan, paano kung tulungan natin silang buksan ang kanilang mga mata sa katiwalian ng Gobyerno?" mungkahi ko sa malinaw at direktang pananalita.

"Malabo 'yon. Ang mga marka sa kanilang leeg," paalala ni Mar, babaeng kinatawan ng Felon Jury at katabi ni Sea.

"Nabago na ang kanilang likas na mga katangian at kakayahan. Hindi na nila kayang mag-isip para sa kanilang sarili, ni magalit at kwestyonin ang Gobyerno ay hindi na nila magagawa. Kaya sang-ayon ako kay Mar," mungkahi ni Idyll, babaeng pinapagitnaan nina Zax at Odium.

"Mali kayo. Magagawa nilang magalit, magagawa nilang magtaka at mangwestyon, iyon ay kung atin silang tutulungan upang magawa iyon. Para saan pang nandito tayong mga Felon na hindi nakokontrol kung hindi natin sila tutulungan," angal ko.

"Ngunit malabo at napaka-liit lamang ng ating pag-asang maging matagumpay doon," taliwas ni Idyll—Ay-dal.

"Ano pa bang mapag-pipilian natin? Kailangan nating kumapit sa katiting na pag-asang iyon," angal ko na halos pasigaw na. Sa aking pagkakasabi, agad na pumasok sa aking isipan si Camelot. Ngayon alam ko na. Ngayo'y naiintindihan ko na kung bakit siya kumakapit sa mga napaka-liit na pag-asa.

"Paano? Paano natin ibabalik sa kanila ang mga likas na katangian ng isang tao na siyang nawala?" Kalamadong at buong suportang tanong ni Sea. Ramdam ko iyon sa kanyang tono at kita sa kanyang mga mata. Ngunit bakit? Bakit niya iyon ginawa? Ang kanyang tanong ay paraan ng pagsuporta? Bakit? Upang hindi siya mahalata? Upang ipakitang kunwari ay handa rin siyang pabagsakin ang Gobyerno?

The Felon Mark (Wattys 2020 Winner) (Filipino Dystopian Novel)Where stories live. Discover now