Wicked Chapter Eighteen

Start from the beginning
                                    

Agad napanganga ang lalaki sa sakit. Halos mapaluhod pa nga ito.

"Yan ang napapala ng mga tulad mong gago," ang mga huling salita ni Cindy bago niya tinalikuran ang lalaki at naglakad palayo.

Alam niyang may mangilan-ngilang matang sumunod ng tanaw sa kanya ngunit hindi na niya napigilan pa ang sarili niya. Tuluyan nang nagbagsakan ang mga luha niya. Kinagat na lang niya ang kanyang pang-ibabang labi at nakayukong nagpatuloy sa paglakad.

Madilim naman, wala nang makakapansin, ang bagay na nais niyang paniwalaan.

Sana.

Sa paglalakad niya, dahil sa nakayuko siya, hindi niya napansin ang isang lalaking naglalakad pasalubong sa kanya.

"I'm sorry," ang mga salitang nagmula sa lalaking nabangga niya. Hindi na niya kinailangang mag-angat ng mukha para malaman kung sino ang lalaking iyon. Ayaw man niya, nakabisa na niya ang boses ni Prince.

Sa halip na tumugon o ibaling sa binata ang sama ng loob, mas pinili ni Cindy ang umiwas. Ayaw rin naman niyang makita ng lalaki ang luhaang mukha niya.

Pahakbang na sana siya palayo pero nakilala siya ni Prince.

"Cindy?" Kunot-noong paniniguro ng binata. Hinawakan pa niya si Cindy sa braso. Gusto niyang iharap sa kanya ang babae ngunit nanatili itong nakayuko.

Hindi nakawala sa pandinig niya ang maya't-mayang pagsinghot ni Cindy. Maging ang tila paghahabol nito ng hininga ay umaabot sa tenga niya.

"Bitawan mo 'ko," utos niya sa nanghihinang boses.

"Bakit, may nangyari ba?" ang nag-aalalang tanong ni Prince. Kilala niya si Cindy. Mapagmataas ito. Hindi normal na kanina pa itong nakayuko.

Inulit ni Cindy ang utos niya. "Sabi ko, bitawan mo 'ko." Nagkaroon ng kakaibang diin sa tinig niya. Desidido siyang makawala sa hawak ng binata. Ngunit tulad ng hindi niya pagbawi sa sariling braso, hindi niya pa rin magawang mag-angat ng tingin dito.

"Cindy, bakit ba?" ang pangungulit ni Prince.

Napuno na si Cindy. Nag-angat na siya ng tingin at pasigaw na nagwika, "Sabing bitawan mo 'ko eh!"

Dahil sa tuluyang pagtatama ng mga mata nila, napansin ni Prince ang mga bakas ng luha sa pisngi ng dalaga. Tila ba siya nanghina sa imaheng kanyang namasdan at nabitawan niya ang braso nito. Pinangingiliran pa rin ng luha ang mata nito na noo'y titig na titig sa kanya.

Unti-unting tumaas ang kamay ni Prince. Balak niyang punasan ang luha ni Cindy kahit alam niyang hindi ito papayag. Padampi pa lang ang mainit niyang palad sa kaliwang pisngi ni Cindy nang bigla itong maglakad palayo.

"Cin-"

Hindi na naituloy ni Prince ang pagtawag niya. Wala na siyang nagawa kundi ang pagmasdan ang untiang paglayo ni Cindy. Gusto niya itong sundan, pero alam niyang lalo lang itong maiinis sa kanya. Alam niyang kahit siya na lang ang tao sa mundo, hinding-hindi gugustuhin ni Cindy na makasama siya. Hindi siya ang taong nanaisin ni Cindy na dumamay rito.

Pero hindi niya mapigilan ang sarili. Tila may buhay ang mga paa niya at kusa itong humakbang pasunod sa dalagang nawala na sa paningin niya.

"Prince!"

Narinig ni Prince ang pamilyar na tinig na tumawag sa kanya ngunit hindi niya iyon pinansin. Walang ibang tumatakbo noon sa isipan niya kundi ang ibalik ang sarili sa tabi ng kanyang malupit na prinsesa.

"Prince!" mas lumakas ang tinig ng babaeng tumatawag sa kanya. Alam niyang papalapit ito-si Stephanie. Pero hindi niya pa rin ito pinansin. Si Cindy... ito lang ang laman ng isip niya. Tanging ang bruhang ito lang ang mahalaga sa kanya.

Halos tumakbo si Stephanie kahit hirap siyang bilisan ang lakad sa taas ng takong niya masundan lang si Prince. Talagang hindi siya nito pinapansin.

Tumawag siyang muli, "Prince! Ano ba!"

Sa wakas ay naabutan niya ito. Hinatak pa niya sa braso ang lalaki, dahilan para matigil ito sa paglalakad.

Pumihit si Prince paharap kay Stephanie. Bakas sa mukha niya ang labis na pag-aalala. Kaharap niya si Stephanie pero parang hindi niya ito nakikita.

"My Prince," panimula ng dalaga. Hinaplos niya ang braso ni Prince na kanina'y hawak niya. "San ka ba pupunta? Kanina pa kita tinatawag ah?"

"Si Cindy..." ang mabilis na sagot ni Prince. Para siyang hirap na hirap sa boses niya. Pailing-iling pa siya na parang naguguluhan. "She... she needs me."

Agad inalis ni Prince ang kamay na nakahawak sa braso niya. Pumihit siyang muli, sa pagkakataong ito, patalikod kay Stephanie.

"Pero Prince?"

"Kailangan niya 'ko." Hindi muna itinuloy ni Prince ang paghakbang. Hinintay niya ang sasabihin ng kanyang kasintahan. Umaasa siyang iintindihin siya nito at papayagang pumunta kay Cindy.

"Prince naman eh." Nag-umpisa nang magdamdam si Stephanie. Kausap nga niya si Prince ngunit hindi manlang siya nito magawang harapin. Likod lang nito ang kaharap niya.

"Stephanie... try to understand. She needs me. She needs me right now."

"At ako, hindi?!" pasigaw na tanong ni Stephanie. Pero hindi pa rin siya hinaharap ni Prince.

Prince tried to stay calm when he said, "Mas kailangan niya 'ko."

"Kailan ka ba kinailangan ng babaeng yon? Prince, ako, kailangan kita. Ako ang talagang nangangailangan sa'yo." Para lang pigilan si Prince, niyakap niya ito mula sa likod. "Don't leave. Please, my Prince. Don't leave."

Umangat ang kamay ni Prince para hawakan ang parte ng brasong nakapulupot sa bewang niya.

"I'm sorry." Iyon lang ang sinabi niya at pinilit niyang kumalas mula sa yakap ni Stephanie.

Nanghihinang bumulong si Stephanie. "Prince..."

Ngunit hindi na siya binigyang-pansin ng binata.

***

Panay ang singhot at punas ng pisngi ni Cindy. Kahit noong hindi pa siya tuluyang nakakalabas ng ballroom ay wala na siyang pakialam sa ibang makakakita. Nasasaktan siya. Nasasaktan talaga siya. At wala siyang ibang magawa kundi ang umiyak. Mahal niya si Zach. Hindi naman siya maaapektuhan ng ganito kung hindi. Ngayon ay gusto niyang pagsisihan ang pagpili sa gagong lalaki.

Maingay ang pagtangis niya bagaman nakatapal ang kanan niyang palad sa kanyang bibig. Bukod pa sa maya't-maya niyang pagpikit, hindi niya na nakikita ang dinaraanan niya dahil sa mga luhang nagpapalabo ng kanyang paningin. Hindi niya tuloy napansin ang mga grill na tumatakip sa isang mahaba-habang drainage sa daraaan niya. Lumusot sa grill ang manipis na takong ng kaliwa niyang sapatos. Halos mapatid pa nga siya sa nangyari. Mabuti at napanatili niya ang kanyang balanse. Nahirapan nga lang siyang bawiin ang sapatos niya't inuna niya ang pagmamaktol.

Nang mainis siya, mas pinili niyang hubarin ang kaliwa niyang sapatos. Parang tanga siyang naglakad na iisa lang ang suot na sapatos. Pero wala siyang pakialam. Iyak pa rin siya nang iyak.

"Cindy!"

Napahinto si Cindy nang marinig niya ang boses ni Prince. Ayaw man niyang makita ng binata ang luha niya, hindi niya inabala ang sariling punasan ang ilalim ng mga mata niya. Alam naman kasi niyang meron at meron pa ring luhang babagsak para dungisan ang pisngi niya.

"Leave me alone!"

Walang narinig na tugon si Cindy. Sa halip ay isang kakaibang ingay ang umabot sa pandinig niya. Parang tunog ng isang bagay na kumukuskos sa isa pang bagay. Nang bahagya siyang lumingon, nakita niya si Prince na halos nakaluhod at pinipilit na alisin ang naipit na takong ng kanyang sapatos.

"Itigil mo yan," utos niya. "Bumalik ka na sa girlfriend mo. Iwan mo 'ko rito."

Wala sa mga utos na iyon ang nais sundin ni Prince. Isa lang naman ang gusto niya, ang samahan si Cindy.

"Ano ba, hindi mo ba 'ko naiintindihan?!" Nag-umpisa nang tumaas ang boses ni Cindy ngunit hindi pa rin sumunod si Prince.

Ilang saglit pa at nabunot na niya ang takong ng sapatos ni Cindy mula sa maninipis na butas ng grill. Tumayo na si Prince at nilakad ang ilang hakbang na distansyang pumapagitna sa kanilang dalawa. Tapos ay agad siyang lumuhod sa harap nito habang hawak ang pula nitong sapatos.

The Wicked CinderellaWhere stories live. Discover now