Kalilakilabot ang hitsura nito. May matatalim na ngipin, mahaba at matulis na dilang lumalawit-lawit sa kanyang malaking bibig. Ang hahaba ng kanyang mga kuko, maitim at makintab ang kanyang balat, malalaki ang kanyang mga paa, at ang mga pakpak naman niya ay maihahalintulad sa isang malaking paniki.

*Hiiiissss* Parang ahas ang kanyang tunog.

Pakiramdam ko'y kumakawala sa dibdib ko ang puso ko sa sobrang takot, lalo pa at animo'y walang takot itong papalapit sa akin. Mas mabuti na ito, para mailayo ko siya sa kinahihigaan ni Helga. Iginala ko ang mga mata ko habang pilit kong inaalala kung saan ko isinuksok ang buntot pagi na ibinigay sa akin ni Luke.

Nang mamataan ko na ang tangkay nito sa may gilid ng kabinet, ay doon ko sinadyang umatras hanggang sa unti-unti ko nang nakapa ang tangkay nito sa aking likuran.

*WOOOSSHHH KAASSCCHHHAKKH! THUGH!* Tunog iyon ng hawak kong buntot pagi na inihataw ko sa espasyo ng sahig, sa pagitan namin ng aswang.

*Harrr Hiiissssssss* Napaatras naman 'yung aswang sa ginawa ko, kaya naman inulit ko ito habang umaabante akong pasugod sa kanya...

*WOOOSSHHH KAASSCCHHHAKKH! THUGH!*

*Arrwwwaaarrrrhhhh Hiiiisssss Akkkkhhhh.* Daing nito dahil nahagip ng buntot paging hawak ko ang kanyang pakpak. Nagpatuloy ang kanyang pag-atras patungo sa bukas na bintanang pinasukan niya kanina.

Kita ko naman sa peripheral vision ko na nagigising na si Helga.

"Eeeeeehhhhhh!" sigaw ni Helga, sabay talon paalis sa katre, at saka niya isiniksik ang sarili sa isang sulok ng silid.

*Haarrrrrr* Nilingon pa siya ng aswang bago ito nagmadaling lumabas sa bintana. Hinabol ko naman ng tanaw sa bintana kung saan nagpunta ang aswang. Kitang-kita ko kung paano ito pumailanlang sa ere at lumipad papalayo. Halata namang hindi na pantay ang kanyang paglipad, marahil ay dahil sa pagkakahagip ko sa kanyang kaliwang pakpak.

Nang masiguro kong wala na ang kakilakilabot na nilalang na 'yon ay isinara ko na ang bintana, dali-daling tinungo ang kinaroroonan ni Helga, at niyakap ito. Damang-dama ko ang kanyang panginginig dahil sa takot.

"J-Jason... natatakot ako," bulong niya.

"Alam ko... pero huwag kang mag-alala. Nandito ako."

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2013, All rights reserved.  

Hindi pa man din kami nakakaalis sulok na kinasisiksikan namin ay may narinig kaming katok. Inaasahan ko na ito, sigurado akong narinig nina Papang at Mamang ang ingay at kalabugan ng pagtataboy ko sa Aswang, pati na rin ang malakas na pagtili ni Helga kanina.

"Anong nangyayari?" Nag-aalalang tanong ni Papang pagkabukas namin ng pinto..

Nagkatinginan kami ni Helga.

Wala akong balak sabihin kay Papang kung ano man ang nangyari, alam ko rin namang hindi siya maniniwala. Sa aming pamilya, ako lang at ang kapatid ko ang naniniwalang may aswang. Marahil ay dahil pareho na kaming nakakita ng ate ko noong nagtungo kami sa Iloilo para bisitahin ang kanyang kaibigan doon. Nasa high school pa lang ako noon, habang nasa kolehiyo naman si ate.

"Ah... eh... wala po Papang. Pasensya na. Nagkakatuwaan lang po kami ni Helga."

Naniwala naman sa alibi ko ang Papang, kaya naman iniwan na rin niya kami kaagad.

"Bakit ako nilalapitan ng aswang, eh hindi naman ako buntis?" tanong ni Helga, habang magkayakap kaming nakahiga na sa kama.

"Para namang hindi 'yun ang pakay niya sa iyo, Helga." Nag-aalinlangan akong sabihin sa kanya kung anong eksaktong eksena ang nadatnan ko kanina. Ayoko kasing matakot siya, pero ayoko rin namang magsinungaling. "Nakita ko kasing pinagmamasdan ka lang ng aswang, at pakiwari ko ay gusto ka lang nitong mahawakan."

Ang Pag-ibig ng Aswang [PUBLISHED]Where stories live. Discover now