Paunang salita

99 12 7
                                    

Sa pag-uumpisa ng unang mga pangungusap sa maikling kwento, mababanaag ang mga katagang pipiga sa puso ng sinuman. Katulad ng luha ng kandila, ang mga pangungusap ay masakit. Papasakit ng papasakit hanggang sa unti-unting maupos. Wala ng mas sasakit pa sa makita mo ang liwanag nitong dahan-dahang namamatay.

Ang mga pangyayari ay tila sugat na gawa ng isang matalim na bakal. Hindi gaanong ramdam ang hapdi sa umpisa pero habang tumatagal, kumikirot ito. Kirot na maaaring matiis samantalang naghihintay ng paghilom. Mabuti pa ito. Mas mabuti kaysa sa kwentong nasaksihan ko.

Sa mundo, may mga bagay na hindi para sa isa't isa. Sa umpisa pa lamang ay pinaglalayo na ngunit kahit hindi pahintulutan ang pagtatagpo'y may magtatapat at magtatapat pa rin ang sa wari'y magkasalungat na landas. Samakatuwid, anumang gawin ng mga likas na pwersa'y may mas malakas pang pwersang kayang magpabago ng landas. Ang mga landas na iyon ay may dalawang natatanging direksyong patutunguhan. Ito ay kaligayahan o kasawian.

Magtatatlong dekada na ang nakalilipas nang masaksihan kong naulila ang isang batang batang babae, sa pagkakatanda ko'y mga huling dekada iyon ng ika-labing siyam na siglo.

Sa panahong iyon ko unang nasilayan ang kagandahan ng kanyang kulay-kapeng mga mata. Animo'y isa iyong nabuong butil ng kape sa gitna ng makinang na itim na bato na nasa gitna ng kulay gatas na karagatan. Napakaganda ng kanyang mga mata ngunit walang kinang. Tunay na walang buhay ang mga ito gaya ng tingin ng mga tao sa mga liryo sa kaparangan.

Tulad ng mga ordinaryong bato'y mukhang nakalimutan na ng tumitingin ang mga bilugang diyamante dahil malungkot ang kinasadlakan niyang maagang buhay. Magkagayunman, walang nag-akalang makapapasok siya sa isang kilalang unibersidad at makakukuha ng suporta mula sa gobyerno upang makapag-aral.

Pangkaraniwan na, ang mababang pagtingin ng mga tao sa katulad niyang ulila. Sa mga nakaririwasa'y isa lamang siyang hampaslupang walang puwang sa mundo. Mapangmata ang mga taong nasa rurok ng trayanggulo. Hindi nila iniisip ang mga tao sa ilalim na pundasyon na pawang nasasadlak sa dilim. Magkagayunman, tiniis ng babae ang lahat ng panghahamak at pang-aalipusta ng lipunan.

Nakapagtapos siya. Nagtapos siya ng may karangalan sa lahat ng paaralang kanyang napasukan. Natapos niya ang mga kursong edukasyon at panggagamot. Matagumpay siya sa mga larangang iyon ngunit may kulang pa rin sa buhay niya. May kung anong bagay na nag-iiwan ng puwang sa kanyang puso. Doon niya natantong balewala ang lahat ng bagay kung walang sinuman ang nagmamahal sa iyo.

Sa isang pagkakataon habang naglalakad siya, napadaan siya sa isang abandonadong lugar.

Walang tao.
Nakapangingilabot.
Sanay siya sa ganoon ngunit iba ang pakiramdam niya sa lugar.
May mga bakas ng dugo....

Sa kyuryosidad niya ay sinundan niya ang mga markang nakakintal sa daan. Walang pag-aalinlangan siyang pumasok sa dakong iyon ng pagkakuwan ay nakakita siya ng isang lalaking nakatali ang kamay at paa sa isang matandang puno.

Mapusyaw ng kaunti ang balat nito kaysa sa kanyang kayumangging balat. Hindi na niya masyadong pinagmasdan ang wangis ng mukha nito dahil sa bugbog na natamo ng lalaki mula sa isang walang awang gumawa nito sa kanya.

Sa habag ng babae'y kinalagan niya ang gapos sa kamay at paa nito. Doon na niya napansin ang napakaraming sugat ng walang malay na lalaki bukod sa mga pasang makikita sa mukha nito. Sa pagkakataong iyon ay malasigurado na siyang nabugbog ito ng kung sinuman.

Lihim ni PlacidaWhere stories live. Discover now