11th Night: Ang Dalawang Ama

12K 195 6
                                    

11th Night

Faust's POV:

Mataman kong pinagmamasdan ang aking anak habang mahimbing siyang natutulog.

Hawak ko ang isang lampara at ang liwanag niyon ay tumatama sa kanyang namamahingang katawan.

Sa kadiliman ko na lamang siya namamasdan ngayon; hindi na kagaya ng dati.

Inilapag ko ang lampara sa isang mesita at naupo ako sa sofa.

Sa mga ganitong sandali ay naaalala ko ang aking mahal na anak.

Naaalala ko si Dante.

Hindi lingid sa akin na mayroon siyang sakit na kanyang namana mula sa aking namayapang asawa.

Ginawa ko ang lahat upang mapangalagaan ang nag-iisa kong anak. Ni ang pag-aasawang muli ay hindi na sumagi pa sa aking isip.

Sa awa naman ng poong Maykapal ay lumaki si Dante na isang perpektong maginoo. Naging paborito siya ng lahat.

Ang mga kumpadre ko ay inilalapit sa akin ang kani kanilang mga anak na babae at nagbabakasakaling maibigan ang mga iyon ni Dante.

Pero binigyang laya ko siya sa aspeto ng pag-ibig dahil nakita ko naman ang saya sa kanyang mga mata nang ipagtapat niya sa akin na mayroon na siyang napupusuan.

Akala ko ay nasa tama na ang lahat.

Sinira iyon ng kanyang karamdaman. Napakabilis at nakagugulat.

Nang malaman kong mamamatay si Dante ay halos magunaw ang mundo ko sa pighati.

Ngunit isang batang lalake ang lumapit sa akin at nag-alok ng tulong.

Kaya daw niyang iligtas ang aking anak.

Noong mga panahong yun ay wala na akong pakialam kung paano niya magagawa iyon. Ang mahalaga ay gumaling ang anak ko.

Binigyan niya ng dugo si Dante. Kaming dalawa lamang ang saksi doon dahil pinalabas ko sandali ng silid ang kasintahan ng anak ko.

Pagkatapos niyon ay huminto sa pagtibok ang puso ni Dante.

"HAYUP KA! Ang sabi mo ay pagagalingin mo ang anak ko! PERO LALO MO'NG MINADALI ANG PAGPANAW NIYA!" galit na galit ako sa ginawa niya.

Pero ngumiti lang siya na parang sigurado siya sa kanyang ginawa. "Kaagad mo siyang ipalibing ngayon, bago sumapit ang gabi. Pagsapit ng hatinggabi, muling babalik sa pagkabuhay ang iyong mahal na anak."

Nahiwagaan ako sa kanyang sinabi. At lalo akong nahiwagaan na sa pagkurap ko ng mata ay naglaho siya.

Nagdalamhati kami sa pagkawala ng aking anak. Sinisi ko ang aking sarili dahil nagtiwala ako sa isang batang paslit.

Sa kabila nun ay sinunod ko pa rin ang gusto niyang mangyari. Bago sumapit ang takipsilim ay ipinalibing ko ang aking anak.

Nagdaan ang mga araw..

Patuloy ako sa aking pangungulila.

Hanggang isang gabi, nasumpungan ko si Dante sa tapat ng aming pintuan.

Buhay na buhay siya!

Sabik ako na makita siya ngunit kinilabutan akong bigla lalo na nang masipat ko ang tumutulong dugo sa kanyang bibig.

"Ama, papasukin mo ako.." aniya.

Nakapagtataka..

"Bahay mo rin ito, bakit hindi ka na lang tuloy tuloy na pumasok?" tanong ko.

Mula sa likuran niya ay may nagpakitang batang lalake. "Nakita rin kita. Wag kang pumasok Loki. Dapat ay putulin mo na ang kahit na anong koneksyon mo sa taong yan."

"Anong sinasabi mo?! Dante ang kanyang pangalan!" lumapit ako sa pintuan.

"DIYAN KA LANG!" sigaw ng batang lalake. "Si Loki ay mapanganib dahil siya ay bagong silang pa lamang bilang isang bampira. Hindi pa niya kayang kontrolin ang kanyang gutom!"

"B-BAMPIRA?!"

Nakita kong lumuha si Dante. Hindi ko mapigil ang awa ko.

"Ama, ayokong maging—halimaw.. Parang awa mo na, tulungan mo ako. IBALIK MO AKO SA DATI—"

"P-pero anak, hindi ko alam kung paano—"
 napatingin ako sa batang lalaki. Nakangiti siya habang umiiling.

"Loki, siya ang nagbigay pahintulot para ikaw ay maging bampira."

Kitang-kita ko ang biglang pagpapalit ng kulay ng mga mata ni Dante. Kulay pula. Singpula ng dugo.

Sinakmal niya ako sa leeg at pagkatapos ay nilantakan ang sumasagong dugo sa aking sugat.

Nawalan ako ng ulirat. Akala ko ay katapusan ko na.

Subalit dumilat pa rin ako. Nasumpungan ko ang sarili ko sa isang silid ng ospital.

Simula ng araw na iyon, isinumpa ko na ang mga bampira.

Isinumpa ko ang hayup na lumapastangan sa aking anak.

At isinumpa ko rin ang halimaw na ngayon ay nananahan sa katawan ni Dante.

****

Ymir's POV:

"Ama ko, malapit na po akong matapos sa preparasyon." 
ani Freya.

Sisimulan na niya ang aming planong mapasok ang diwa ni Loki.

Nagliwanag ang buong katawan ni Freya. Unti unti itong sumasanib sa puno ng Yggdrasil. Ilang saglit pa ay wala na siya.

Umupo lang ako sa damuhan upang maghintay ng resulta.

Totoong ako nga ang pinakaunang bampirang nabuhay sa mundo at siyang pinakamakapangyarihan. Kaakibat naman niyon ang isang malaking responsibilidad. Gaya na lang ng pangangalaga sa Yggdrasil na siyang sentro ng buhay sa mundong ito.

Ngunit sa tagal na ng aking eksistensya ay rumurupok na ang aking katawan.

Kalaunan ay hindi ko na kinakaya ang sobra-sobrang enerhiya na nananalaytay sa akin.

Napagdesisyunan kong ibahagi sa pitong nilalang ang lumabis sa aking kapangyarihan.

At ang pitong nakatanggap niyon ay ang aking mga anak: si Odin, Thor, Tyr, Heimdall, Balder, Freya, at Fenrir.

Habang lumilipas ang panahon ay patuloy pa ring humihina ang aking katawan. Kinailangan ko ulit na mag-ampon ng panibagong pagpapasahan ko ng kapangyarihan.

At dumating sa aking landas ang binatilyong si Dante tatlumpu't pitong taon na ang nakakaraan.

Una ko siyang nakita noon sa isang pagtitipon, bisperas iyon ng pasko.

May mag-asawa akong nahipnotismo. Nagpanggap ako bilang kanilang anak.

Saka ko siya nilapitan.

"Kuya, ano'ng pangalan mo?"

Magiliw siya at mabait na tao. "Ako si Dante Helgarin. Ikaw?"

"Ang pangalan ko ay Ymir."

"Kakaibang pangalan."
 komento niya.

Nang mga sandaling yaon ay pinag iisipan ko na kung ano ang ipapangalan ko sa kanya sa sandaling maging anak ko na siya.

Meron na talaga. Loki ang bagay sa kanya at hindi Dante.

"Kuya, napapansin kong panay ang sulyap mo sa dalagang nakaupo sa may di kalayuan. Napupusuan mo ba siya?"

Magaling siyang pumili ng babae. Maging ako ay humanga sa kariktan ng binibining kanyang nililigawan ng tingin.

"Parang—ganoon na nga. Pagkita ko pa lang sa kanya ay talagang tinamaan na ako."

"Kung ganoon ay wag ka na mag-aksaya ng panahon at lapitan mo na siya. Ikaw rin, baka maunahan ka pa ng iba."

Napagtanto niya ang sinabi ko. Hindi siya torpe at malakas ang kanyang loob.

Pinagmasdan ko siya nang lapitan niya ang dalaga.

Nagkakilala sila. At di kalaunan ay nag-ibigan.

Batid kong may malubhang sakit si Dante na mabilis siyang iginupo.

Doon na ako kumilos. Nakipagkasunduan ako sa kanyang amang desperado na.

Binigyan ko ng dugo ko si Dante. Ang epekto niyon ay sa hatinggabi pa kung kaya't tumigil ang pagtibok ng puso ni Dante.

Galit na galit sa akin ang kanyang ama pero wala na akong pakialam.

Inabangan ko ang pagsapit ng hatinggabi.

Ang panahon ng pagsilang ng aking bagong anak. Loki ang pangalan niya.

****

Loki's POV:


Madilim. Masikip. Mabaho. Gusto kong huminga. Hangin!!

Sinikap kong igalaw ang aking kamay at itinulak ko pataas. Nadampian ng hangin ang kamay ko na iyon.

Agad kong ikinilos iyon upang alisin ang nakatabon sa akin.

Napabilis ang ginagawa ko. May tumutulong sa akin.. Sino?

Nang makaahon ako, ang una kong nakagisnan ay ang babaeng mahal ko.

"Kristanna, nagugutom ako.." sabi ko habang humihingal.

Eh, sino si Kristanna?!

Hindi ba ang pangalan niya ay—


Natigilan ako nang madako ang paningin ko sa kanyang malusog na leeg. Napalunok ako.

Bago ko pa man din maisip ay niyapos ko na siya at kinagat sa leeg.

Masarap. Matamis. Iyon ang lasa ng kanyang dugo.

Natakot siya sa ginawa ko. Dali dali siyang tumakbo palayo.

Nagugutom pa rin ako. Gusto ko pa.

"Maligayang pagsilang, Loki." boses bata ang nagsabi noon.

Nilingon ko siya. Kilala ko siya. Ang bata sa piging noong bisperas ng Pasko. Si Ymir.

Lalo akong nagutom. Mukhang mas malasa ang dugo niya.

Inilahad niya ang kanyang braso.

Sinunggaban ko iyon at kumagat ako sa pulso.

Mapait ang kanyang dugo. Nakakasuka ang lasa!

Ang isa niyang kamay ay lalong idinukdok ang ulo ko upang patuloy kong mainom ang kanyang dugo.

"Loki, sige pa. Kulang pa ang naiinom mong dugo. Sige pa. Huwag kang tumigil hanggat hindi ko sinasabi."

Ayoko na! Tama na Ymir! Bakit ba napakalakas niya? Wala akong magawa laban sa kanya!

Patuloy ako sa paglagok ng kasumpa sumpang dugo.

Sa wakas ay nilubayan din ako ni Ymir.

Sobrang sama ng pakiramdam ko pagkatapos nun. Nanginig ang buo kong katawan at namilipit ako sa sakit—

"Ikaw ang bukod kong pinagpala sa lahat ng iyong mga kapatid, huwag mong kakalimutan yan Loki."

"Sandali!" daing ko.


Nanlabo ang aking paningin at saka sinundan ng kadiliman.

Pagdilat ko ng aking mga mata ay may isang batang babae na nakatunghay sa akin.

"Ako si Freya." pagpapakilala niya. "Isa akong bampira na naglalakbay sa mga panaginip ng kahit sino at tagapaghatid ng bangungot."

"Bakit ka naririto?"

"Loki, ito ay isang uri ng bangungot. Kaya't kailangan mo'ng magising kundi ay mamamatay ka."


Namamatay din pala ang mga bampira sa bangungot?

"Eh bakit mo ako binigyan ng bangungot kung nais mo naman akong magising?"

"Ito lang ang tanging paraan para maibalik sa iyo ang nawala mong alaala pero—" may tumulong dugo sa mga mata ni Freya. 

"WALA NA AKO'NG ORAS! MASYADONG MALAKAS HUMIGOP NG KAPANGYARIHAN ANG YGGDRASIL! GUMISING KA NA!"

Wala akong naintindihan sa mga pinagsasabi niya. Ganito din yata ang nangyari kay Serenity. Siya kaya ang may gawa nun?

Nagunaw na lang bigla ang paligid. Nagliwanag ang buong katawan ni Freya.

"GUMISING KA LOKIIII!"

Katahimikan pagkatapos ng unos. Iyon ang masasabi ko sa nangyaring bangungot.

Pasalamat na lamang ako at namulat pa rin ako sa totoong mundo.

Alas singko na naman ng hapon.

LOKI: The War of 8 Vampire Heirs (PUBLISHED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon