9th Night: Bawiin Mo Ang Permiso

12.6K 211 9
                                    

 9th Night:

Loki's POV:

Napapaligiran ako ng nagliliyab na damuhan. Ang dahilan ng sunog ay ang mga natirang abo ng pinaslang kong grupo ng mga bampira. Nagsiklab ang kanilang abo nang umihip ang hangin.

Ipinagpag ko ang espada ko upang maalis ang dugo bago ko ibinalik sa kaha nito.

Paalis na ako nang makaramdam ako ng matinding presensya. Hindi iyon galing sa isang ordinaryong bampira lamang.

Hindi ko siya nakitang lumapit ngunit nandirito na siya sa aking tabi.

"Ako si Tyr." aniya. Marahil ay alam niyang itatanong ko rin iyon mamaya.

Hindi na namin kailangang pag-usapan kung ano ang pakay niya.

Iisa lang ang alam kong dahilan ng kanyang pagparito. Upang patayin ako.

Bubunutin ko pa lamang ang aking espada ay nasaksak na niya ako sa tagiliran.

Gumawa ako ng paraan upang makalayo sa kanya.

Pambihira ang kanyang bilis. Pero nasasalag ko pa rin ang kanyang pag-atake.

****

Tyr's POV:

Noong una ang akala ko ay madali kong mapapatay ang aking bunsong kapatid.

Nasaksak ko siya dahil sa kanyang hindi kahandaan. Dapat ay hindi ko na siya binigyan ng pag-asang makalayo at magamit ang kanyang espada.

Magaling ang kanyang pamamaraan sa pakikipaglaban. Gumagamit lang siya ng natural na lakas kaya't nangingibabaw ang aking aura sa kapaligiran.

Dahil dun ay napapakiramdaman niya kung saan ako aatake.

Hasa na siya sa pisikal na pakikipaglaban. Malayo sa iniisip kong umaasa lang siya sa kapangyarihang ng pagiging bampira.

Lumayo ako sa kanya. Humahanga ako sa kanyang husay bilang kapatid ko. Subalit bilang tagahatol ng mga palalong bampira, mayroon akong tungkulin na dapat kong isakatuparan ngayong gabi maging buhay ko man ang maging kapalit.

Kailangang matapos na ang gabi ni Loki upang hindi na siya makapaminsala pa sa mga kalahi namin.

Hinubad ko ang itim na roba. Kasabay nun ay pinagtatanggal ko ang makapal na benda sa aking mukha at katawan.

Humanda ako para muling umatake sa kanya.

****

Loki's POV:

Pinipilit ako ni Tyr na gumamit ng mas mataas na antas ng lakas. Hindi niya ako tatantanan hangga't wala sa aming dalawa ang naaabo katulad ng mga naunang bampirang nandirito kanina.

Hinubad niya ang kanyang itim na roba at pinutol ang benda na bumabalot sa kanya.

Napatda ako ng bahagya. Halos magkaedad lamang kami. Napakaamo ng kanyang mukha bagamat walang emosyon. Wala sa hitsura niya ang pagiging berdugo ng mga nagkakasalang bampira.

Iwinasiwas niya mula sa malayo ang kanyang espada. Nagulat ako dahil may naipon doong hangin na ngayon ay papunta sa direksyon ko.

Hindi ko nailagan ang tirang iyon.

Malamig itong dumaan sa aking katawan. Pagkawala nun ay saka ko naramdaman ang hapdi na para bang hiniwa ako ng isang libong beses. Sumirit ang dugo sa kahit saang parte ng aking katawan.

Mabilis namang nawala ang pananakit dahil nga bampira ako. Pero kung paulit ulit akong matatamaan ng kanyang atake gamit ang hangin, posibleng manghina ako katagalan.

Nahuli na naman ako ng kanyang atake. Lubhang mahirap kalaban ang hangin. Kung sana ay may magagawa lamang ako—

May magagawa ba ako kung gagamitin ko ang kapangyarihan ko bilang bampira?

Umatake na naman si Tyr. Napaluhod ako.

Kailangang subukan ko ang lahat ng paraan upang makaligtas mula kay Tyr.

Tumayo ako at tumalon ng ubod ng taas. Susugurin ko siya mula sa itaas.

Nasangga niya ang espada ko ng espada niya. Bigla na lamang akong nakulon sa napakalaking bola ng hangin. Ilang ulit ang sakit na naramdaman ko kaysa sa mga nauna niyang atake.

"Masakit ba Loki? Ang katawan ng mga bampirang gaya natin ay nasasaktan din ng mga piling elemento ng mundong ito. Mabuti nang malaman mo yan bago ka tuluyang mamaalam sa mundong ito—"

Hinihingal ba siya? Humina rin ang presyon ng hanging nagkukulong sa akin.

Ayoko pang mamatay. May pangako ako kay Serenity na poprotektahan ko siya. Kapag hindi ko natalo si Tyr, paano ko pa magagawa yun?

Kung sana.. Kung sana ay may kapangyarihan din ako kagaya ng kay Tyr..

"A-anong—" ani Try.

Nag-iba bigla ang ihip ng hangin. Ang bola ng hangin ay unti unting naiipon sa paligit ng aking espada.

Paano? Bakit?

Mamaya na ang tanong.

Ibinato ko kay Tyr ang hangin. Sa gulat niya marahil kung bakit hindi siya nakailag.

Ang galing! Kaya ko bang gayahin ang kapangyarihan niya?

Sinubukan ko ang atakeng ginawa niya sa akin kanina. Paulit ulit. Hanggang sa malasog ang kanyang katawan.

May nararamdaman akong kakatwa habang ginagawa iyon. Nahuhumaling ako. Gusto ko pa ng dahas.. At.. Nagugutom ako.

****

Tyr's POV:

Nakita kong nag-iba ng hitsura ang pulang mga mata ni Loki. May kabangisan doon ng isang halang na nilalang.

Masama ito! Hindi niya alam kung paano gagamitin ang kanyang kapangyarihan. Subalit aksidenteng nadiskubre niya kung paano habang inaatake ko siya.

Wala na akong nagawa nang agawin niya ang kakayahan kong manipulahin ang hangin upang gawing libo libong punyal na nakakasugat ng katawan.

Ibinalik niya sa akin ang mga ginawa kong atake at sobra pa!

Ang ipinagtataka ko ay ang hindi paghilom ng mga sugat na aking natatamo.

Katapusan ko na nga marahil ito. Nagkamali ako sa pagmamaliit kay Loki. Patawad ama. Patawad mga kalahi kong bampira.

Ipagtanggol ninyo ang mga sarili ninyo mula sa halimaw na nakatakdang magising.

May naramdaman akong malamig na kamay sa aking balikat. Ilang sandali lang at wala na ang mabagsik na bugso ng hanging bumabayo sa akin.

****

Ymir's POV:

Dumating ako sa tamang oras upang mamagitan sa paglalaban ng aking mga anak.

Hindi ko inakalalang darating sa puntong magpapatayan na sila.

"—Ama.." 
gulilat at hindi makapaniwala si Tyr nang mapagsino niya ako.

"Ano ang ginawa mo kay Loki? Nagising na siya sa kanyang unang antas!"

"—Patawad ama. Minarapat ko na siya'y paslangin sapagkat lubha siyang mapanganib—"

Bumugso ang aking galit sa kanyang sinabi. Si Loki ang pinakamamahal kong anak sa lahat.

Maraming taon akong nagsakripisyo para muli ko siyang mabawi.

"—Pangahas ka Tyr.. Kapag muli mong sinubukang kantihin ang kapatid mo, ako na ang makakalaban mo!"

Yumuko siya. "Patawarin mo ako ama. Hindi ko sinasadya ang kapangahasang aking nagawa."

Tinadyakan ko siya. "Lumayas ka sa harap ko ngayon din!"

Agad naglaho si Tyr.

Nilibot ko ang aking paningin. Wala sa paligid si Loki.

Sinamantala niya ang pag-uusap namin ni Tyr at tumakas.

****

Serenity's POV:

Nasa kalaliman na ang gabi nang dumating si Loki. Hindi ako natulog. Hinintay ko siya.

May kakaiba kay Loki nang siya ay masilayan ko. Mabalasik ang kanyang mga mata. Walang emosyon ang kanyang mukha.

At..

Naroroon na naman ang takot na ibinigay niya sa akin noong unang gabi kaming magkita.

Nakatayo kami nang nakaharap sa isa't isa. Nagpapakiramdaman.

Tingin ko, hindi ito ang tamang panahon upang sabihin ang tungkol sa talaarawan gaya ng balak ko kanina.

Lubhang nanunuot sa aking kaibuturan ang takot.

Tatakbo ba akong palayo? O lalapit sa kanya upang yakapin siya at itanong kung ano ang nangyari?

Mas pinili kong lumapit sa kanya. Yumakap ako.

"Loki, ano'ng problema?"

"S-serenity, habang kaya ko pa.. Bawiin mo ang permiso. At pagkatapos, wag na wag kang lalabas at wag kang titingin sa mga mata ko."

Ano ang sinasabi ni Loki? Nagpunta siya ngayon dito para makita ako hindi ba?

"Ayoko.." sagot ko. "Dito ka lang sa tabi ko hanggang makatulog ako—"

Naramdaman ko ang bagay na gustong bumaong muli sa aking leeg. Ang mga pangil niya.

Pagaling pa lang ang sugat na ginawa niya noong unang gabi naming magkita.

Nahintatakutan ako. Sasaktan ba akong muli ni Loki? Papatayin na ba niya ako?

Naisip ko ang mga tao sa loob ng mansion. Hindi sila maaaring madamay.

Tumatangis ako. "B-binabawi ko ang permiso mo.. Loki."

Parang isang makapangyarihang salita ang sinabi ko. Nawala si Loki.

Napunta siya sa may veranda. Kitang-kita ko na nabuwal siya at nanghihina.

Tutungo ako sa kanyang tabi.

"Wag kang lalabas ng bahay!" utos niya sakin.

"Bakit ka pa pumunta dito kung ganyan ang gagawin mo?" tanong ko naman.

Matagal bago siya sumagot. "Gusto kitang makita.. Tuwing gabi.. Bago ako ako matulog.."

Sumaya ako sa aking narinig at naibsan ang takot ko. Humakbang ako palapit.

"Diyan ka lang Serenity. Aalis na ako—"

Nagmatigas ako. Tinawid ko ang protektadong bahagi ng mansion at lumabas sa veranda.

Kung mapapahamak man ako sa mga kamay ni Loki, sarili kong desisyon iyon. Walang kahit sinong madadamay sa mga taong nasa loob.

Lumuhod ako sa kanyang harapan at niyakap siya.

"Nagugutom ka hindi ba? Bibigyan kita ng dugo."

"Ayoko."
 pagmamatigas pa niya.

Kinapa ko ang pahilom kong sugat. Ibinaon ko doon ang aking mga kuko hanggang sa muli itong magdugo.

Masakit. Namilipit ako sa sakit. Pero alam kong wala ito kumpara sa sakit na pinaglalabanan ngayon ni Loki.

"Inumin mo. Kung hindi, lalo kong paduduguin ang sugat ko—"

Tumalima siya dahil alam niyang gagawin ko ang banta ko.

"Ahh.." napasinghap ako nang muling bumaon ang matatalas niyang pangil sa aking balat.

Ito ang sakit na kailangan kong maranasan. Dahil ayokong magbago si Loki.

Dahil mahal ko siya.

LOKI: The War of 8 Vampire Heirs (PUBLISHED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon