Imposible, Z. Magkaiba kayong dalawa. Kahit ano pang gawin mo, hindi ka niya mapapansin. Magkaiba kayong dalawa.
Pero iba pala pag naranasan mo na ang bagay na dati'y pinapangarap mo lang.
Ayaw na niyang pakawalan si A. Pero kailangan.
---
Ilang araw matapos ang away sa pagitan nina A at mga kaibigan nila, may nangyaring hindi inaasahan.
Sa kalagitnaan ng paggawa niya ng isa sa pinakamagandang salita, tahimik na pumanaw ang manunulat.
Punung-puno ng kalungkutan ang bawat pahina, tinta at letra noong araw na 'yon. Lahat ng letra ay nakiramay sa pagkamatay ng kanilang pinakamamahal na manunulat. Malungkot man ang paligid, walang sumubok na umiyak sa kanilang lahat. Ayaw kasi ng manunulat na malungkot ang mga mahal niyang letra.
Sina A at Z ang namahala sa burol at libing ng manunulat. Gustuhin man nila na mag-usap, maraming mga nakamatyag sa kanilang dalawa. Gusto nilang yakapin ang mga salitang iniwan sa kanila ng manunulat, sariwain ang mga kwento sa likod nito. Gusto nilang maramdaman na buhay ang mga alaala ng mga salita.
Ngunit hanggang gusto na lamang sila.
Alam nila na hindi ito dapat.
---
Kumalat ang usap-usapan sa mga letra. May pinili na bagong manunulat ang mga tao. Mas mahigpit daw ito, mas mapili kumpara sa mahal nilang manunulat. Ayon sa tsismis, magtatanggal daw ng mga letra. Masyado raw kasing marami ang mga ito, sabi ng mga tao, hindi naman nagagamit lahat.
Unang naisip ni A ay si Z. Siya ang pinakamadalang na ginagamit sa kanilang lahat. Baka mawala ka, bulong niya dito habang nasa pagpupulong sila kasama ang ibang mga letra. Hindi ka pwedeng mawala sa'min.
Tanggap na ni Z ang magiging kapalaran niya. Minsan nang nabanggit ng dating manunulat na baka magkaroon ng malaking pagbabago sa kanila kapag namatay siya, at maaaring si Z ang isa sa matanggal. Dapat ay sasabihin niya kay A 'yon kaso mas pinili niyang tumahimik. Hindi makakatulong sa sitwasyon nila ang dagdag na problema.
Ayos lang ako, A. Tanggap ko na. Hindi naman talaga ako ginagamit sa mga salita eh. Ikaw ang mas kailangan. Wag mo na akong problemahin pa.
Z..
May mga bagay na dapat hindi patagalin, A. Dapat alam mo yan. Lahat may hangganan. Malay mo.. kung.. ako man ang mawawala.. baka magkasama pa rin tayo sa ibang salita. Sabi nga ng manunulat.. bagay tayo, di ba? Ang mga bagay na bagay sa isa't isa.. kahit anong mangyayari.. dadating sa puntong magkakasama tayong muli. Magtiwala ka lang, A. Malakas ang mga salita. Pagsasamahin ulit nila tayo. Hindi man ngayon, o bukas. Maniwala ka lang. Dadating din ang panahon natin.
---
Nagkatotoo nga ang mga haka-haka, mas mahigpit ang bagong manunulat.
Katulad ng mga taong pumili sa kanya, wala siyang pagmamahal sa mga letra. Kung ano lang ang maisipan niyang letra para sa isang salita, yun ang gagamitin niya. Hindi niya tinitingnan ang mga kwento ng letra.
Wala siya siyang awa.
Unti-unting namatay ang ilang letra dahil sa kapabayaan ng bagong manunulat. May iilan na ang umalis at hindi na kailanman pang bumalik. Para sa kanila, wala nang saysay ang pagbuo ng mga salita kung walang pagmamahal ang manunulat.
---
Dalawampu't anim na lang silang natira sa dulo.
Ang mga tao na ang nagdesisyon na gumawa ng pagkakasunud-sunod ng mga letra.
Pinakauna si A. Nasa dulo si Z.
--
Lumipas ang maraming taon, nasanay sina A at Z na magkalayo sa isa't isa.
Dalawampu't apat na letra sa pagitan nila.
At kailanman, hindi na sila magtatagpong muli.
----
Ang bawat pagtatapos ay may kaakibat na bagong simula.
Natapos man ang kanilang kwento, may bagong magsisimula.
Maaaring sila pa rin ang bida, maaaring hindi sila pero parehas ng katapusan.
Maaaring masaya, masakit o malungkot.
O maaari ring wala nang kwento.
Nasa kamay ng manunulat ang tadhana ng mga salita.
Sa kanya ka manawagan.
*****
A/N: Okay, FYI: ang most used letter sa English alphabet ay ang letter E, at least used naman ang letter Z. For this story, ginawa kong letter A kasi for me, yun ang popular letter (and of course, for the story's purpose HAHAHAHA)
YOU ARE READING
The Spaces In Between
General FictionThe thing with Valentine's Day is, either you hate it or you love it. And Zade Pascual definitely belongs to the first category. Para sa kanya, isang araw lang ito ng commercialized version ng pag-ibig. Walang kakilig-kilig at napakalayo sa true lov...
Write The Saddest Lines
Start from the beginning
