April's Mother

19.8K 1K 152
  • Dedicated to Josie Verzosa
                                    

(The 22nd of April side story)

Tuwing umaga, hinahandaan ko si Mama ng kape. Bata pa ako noong unang inutusan niya akong magtimpla, panggising lang niya sa umaga. E 'di, siyempre, anong reaksiyon ko, 'di ba? E, hindi naman ako marunong. Juice lang yata ang tinitimpla ko noon at chocolate.

Pero alalang-alala ko pa ang araw na iyon. Siguro mga seven o eight years old ako.

"Di ako marunong gumawa ng kape, Mama!" 

"Kunin mo yung three-in-one diyan sa may lalagyan tapos yung cream."

Siyempre ako, kinuha ko naman.

"O, ihalo mo 'yan, tapos lagyan mo ng isang kutsarang cream. Ganyan magtimpla ng kape ko, ha?" 

"Okey lang madamihan ng cream?" 

"Isang kutsara lang, anak. Maglalasang dodo ng cow 'yan, sige ka." 

"Patikim ako!"

Pero nang tinikman ko, halos mabuga ko hindi dahil sa init kundi dahil sa tabang! Three-in-one ba talaga 'yon?! Feeling ko one-in-one lang, e!

"Ma, ano ba 'to? Walang lasa!" 

"Ikaw 'yon. Mayro'n sa 'kin." 

"Lagyan ko po ng asukal!" 

"Ayoko ng may asukal, anak. Three-in-one na nga, o. Timpla ka ng iyo. Iyong may asukal." 

"Three-in-one? Wala ngang lasa. E, ba't mo dinamihan ng cream?" 

"Okey lang sa 'kin ang kapeng walang asukal, basta may cream."

At doon ko unang natikman ang kape, as in iyong sarili kong gawa. Pero siyempre, mas masarap talaga ang kapeng may asukal. Thee-in-one plus one ulit kumbaga.

Simula noon, tinitimplahan ko na si Mama ng kape tuwing umaga. Parehas lang kami ng pasok, pero minsan mas nauuna akong nagigising. Hindi ko rin alam kung bakit. Siguro kasi kapag dating ni Mama mula sa trabaho, magtatrabaho ulit siya, kaya nakakatulog siya dahil sa pagod.

Madalas, sinasamahan ko ang kape na may pandesal. Ang sarap kasi.

Isang beses, umuwi ako sa bahay na umiiyak. Paano, secod place lang ako at ang nakakuha ay ang long-time kaaway kong si Kurt.

"O?" tinanong ni Mama. "Ba't ka umiiyak?" 

"Paano! Letse 'yong Kurt na 'yon! Nanungkit ng place!" 

"Anak, ganoon talaga sa contest." 

"Pero, Ma, mali yung spelling niya ng Chulalongkorn! Double L!" sinagot ko, tukoy-tukoy ang tungkol sa isang tanong sa isang quiz bee kung saan pinanlaban ako. "Maling-mali pero hindi yata nakita ng judges!" 

"Baka sumayad lang 'yong chalk." 

"Ma, hindi talaga! Mali dapat yun!" 

"O, tahan na. Magiging honor ka naman, e." 

Tapos tinimplahan ako ni Mama ng kape plus pandesal. Ayaw kasi niya na umiinom ako ng kape lang.

"May asukal ba 'yan?" tanong ko pa sa kanya.

"Wala." 

"Ma, gusto ko may asukal." 

"Wala tayong asukal, 'nak. Okey lang 'yan." 

"E, sa 'yo na lang 'yan. Akin na 'yong pandesal. Hehe."

Tapos naging okey na ako.

Nagkaroon ako ng kapatid noong patapos na ako ng grade 6. Iyon, happy family naman. Wala na ako sigurong mahihiling na iba.

Pero kung kailan tingin ko perpekto na ang lahat, dumating naman ang araw kung kailan may hiniling ako na alam kong hindi matutupad.

Magpa-Pasko noon. Nagpuyat ako kalalaro ng kompyuter. Late ako nagising kinaumagahan ng Sabado. Nakita ko na wala na si Mama.

Naglalaro ako ng computer nang biglang tumawag sa 'kin si Papa, "Anak, magbihis ka. At bihisan mo si Louise. Susunduin kita in ten minutes." 

"Bakit po—"

Pero binabaan ako ni Papa.

Ginawa ko ang utos niya. Nagbihis ako at binihisan ko si Louise. Hindi na ako naligo dahil sabi nga ni Papa, in ten minutes e dapat handa na kami.

Dumating siya na namumula ang buong mukha.

"Pa, bakit?" tanong ko, pero tahimik lang siya. Pinasakay niya kaming dalawa sa kotse ng tito namin.

Hindi ko alam kung saan kami pupunta. Tahimik lang ang buong kotse. Hanggang sa . . . napadpad kami sa ospital.

Sinundan ko si Papa.

Binuksan niya ang pinto at . . . nakita ko si Mama.

Muntik ko na mailaglag si Louise. Naiyak ako pagkakita ko sa kanya. Pinabuhat ko si Louise kay Tito at saka tumakbo papunta kay Mama.

"Ma . . . Ma . . . Ma . . ."

Hawak ko ang kamay niya—kamay niyang malamig.

"Ma . . . Mama, I love you . . . Ma . . . anong nangyari? Ma . . ."

Alam kong may buhay pa siya. Humihinga—

Tapos nakarinig ako ng isang matinis at nakabibinging tunog.

Nagkagulo. Pinalayo ako ng nars at ng doktor. Iyak ako nang iyak. Iyak lang ako nang iyak. Wala akong ginawa kundi umiyak.

Umiyak hanggang sa nakita kong tumango ang doktor.

Tinapik niya ang balikat ni Papa.

Umiyak lang si Papa. Si Tito.

Umiyak lang ako at tumakbo ulit papunta kay Mama.

"Mama . . . Magtitimpla ako ng kape pagdating natin sa bahay. Gising ka na . . ."

Pero . . .

Hindi na siya nagising.

Kapag inaalala ko ang araw na 'yon—ang tanging araw na hindi ko nagawan ng kape ang nanay ko, naiiyak ako.

Simula noon, naging okey na sa akin ang kapeng walang asukal.

April's MotherWhere stories live. Discover now