Prologue

36.5K 565 106
                                    

Prologue

 

Loki's POV:

Wala akong maalala na kahit ano tungkol sa aking pinagmulan. Kung pipilitin ko mang alalahanin, babalik at babalik lamang ako sa kinagisnan ko'ng alaala.


Iyon ay dalawang taon na ang nakararaan.


Gumising ako na nasa isang malaking silid ng nasusunog na mansyon. Maalinsangan kung kaya't agad akong bumangon. Inilibot ko ang aking paningin.


Malaimpyerno dito! Ang nagngangalit na apoy ay mabilis na nilalamon ang kisame, gayundin ang pintuan. Ang mga salamin ng bintana ay nagsisibasag.


Natuon ang aking atensyon sa terasa. Doon na lamang ako maaaring makalabas. Agad ko iyong tinungo subalit agad akong napaatras nang masipat ko ang bulto ng isang taong nakaabang sa aking lalabasan.


"S-sino ka?" tanong ko.


Binuksan niyang maigi ang glass double door ng terasa. Doon ko lamang namalas ang kanyang buong anyo. Middle-aged na lalaki, pormal ang suot na kagaya sa isang maginoo. Ang mga mata niya ay asul at namumuti na ang ilang piraso ng buhok niyang kahel. Ngumiti siya ng makahulugan.


"Loki.." aniya. "Ako ito, ang iyong ama.."


Siya si Don Faust Helgarin, ang aking ama. Siya lamang ang tanging nakakakilala sa akin at lahat ng sinasabi niya ay pinaniwalaan ko. Hanggang ngayon ay naroroon pa din ang tiwala na iyon dahil siya ang aking ama. Tama. Natural lamang bilang anak niya na pagtuwalaan ko siya..


Pero kahit mag-ama kami, iba ako sa kanya. Hindi ako isang ordinaryong tao. Isa akong bampira.


Ang sabi niya, may natatanging paraan upang maging bampira ang isang tao. Iyon ay kapag nakainom ka ng dugo mula sa mga pureblood na bampira.


Bilang na lang sila sa panahong ito subalit ang mangilan-ngilan na yun ay patuloy na nabubuhay dahil lubha silang makapangyarihan.


Kung dati akong tao na naging bampira, sino ang nagbigay sa akin ng dugo kung ganun?


Una sa lahat, hindi ko hiniling na maging ganito ako. Isa itong sumpa.


Ang pag-inom ng dugo ay hindi tinatanggap ng aking prinsipyo. Ngunit ano ang magagawa ko? Hindi ako maaaring mamatay hanggat hindi ko nalalaman kung bakit nawala ang ibang alaala ko.


Si ama, malaki ang galit niya sa mga bampira. Ginagamit niya ako upang paslangin ang iba pang kauri ko.


Masugid akong sumusunod sa kanyang utos dahil na rin may gusto akong makamit. Kapag marami-rami na akong napaslang na mga bampira, mabubulabog ang mga purebloods. Isa-isa na silang maglalabasan upang lupigin ang lumalapastangan sa kalahi nila. Sa paglantad nila, madali kong mahahanap kung sino ang nagbigay sa akin ng dugo.


Kapag nakita ko siya, umaasa ako na maibabalik sakin ang nawala kong nakaraan.


Papatayin ko ba siya? Hindi ko pa alam. Maaaring oo, maaaring hindi.


Tumayo ako mula sa sanga ng puno kung saan ako nakaupo. Ramdam ko mula sa lagaslas ng hangin sa kakahuyang ito ang aking target.


Kasing bilis ng hangin akong nagpalipat lipat sa mga puno hanggang huminto ako sa daraanan ng kalaban.


"Bakit mo ako tinutugis?!" aprehensibong tanong niya sakin.


Sinuri ng aking pulahang mga mata ang lalaking nasa harapan ko. Katamtaman ang kanyang tangkad, katamtaman din ang hitsura subalit gulagulanit at gusgusin ang pananamit. Ang pangil niya ay nakasungaw mula sa kanyang duguang bibig.

LOKI: The War of 8 Vampire Heirs (PUBLISHED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon