Wizard's Tale 1: Chapter 10

Start from the beginning
                                    

Tinapos ko muna ang lahat ng gawain ko bago ko hinanap si Brylle. Natagpuan ko naman siya sa silid-aklatan ng mansyon at kasama niya si Vander na may inaaral na spell.

"Anong ginagawa mo dito?"

"Magpapaalam lang sana ako. Kailangan kong bumalik dun sa dati kong tinitirahan."

"Lalayas ka?"

"Hindi! Kung lalayas ako, hindi ako magpapaalam!" At tsaka wala naman na akong planong umalis dito. Ayos na ayos kaya ang kalagayan ko dito. "May bagay lang ako na kailangang ayusin."

"Bakit dala mo yang pera mo?" Nang mapansin niya yun, agad ko itong itinago sa bulsa ko.

"Utang. May utang ako na kailangang bayaran."

Bumalik ako sa lugar na ayaw ko na sanang balikan. Nang silipin ko ang loob ng bahay ko, may ibang mga gamit na ang nakalagay dito. "Tao po." Kumatok ako. "Tao po!"

Pagbukas ng pinto, laking gulat ni Mrs. Highblood na makita ako. "Alyanna!"

Nginitian ko siya pero hindi ako masaya. "Nandito po ako para bayaran ang utang ng auntie ko sa inyo."

Pagkasabi ko pa lang nun, halatang na-excite siya. Pinapasok niya ako agad sa loob ng bahay at pinaupo sa upuan. Pinaghintay niya lang ako sandali dahil may kausap daw siya sa telepono. Pero nang magbalik na siya, "Akala ko hindi ka na magpapakita. Alam mo bang pinahahanap pa rin kita sa kapatid kong pulis?"

"At anong kaso naman ang isasampa niyo saakin?"

"Pagnanakaw."

"Hindi ako ang nagnakaw sa inyo. Si Auntie Seline!"

"Kung ganun, bakit mo ako tinakbuhan nung araw na yun?"

"Dala po ng takot." Napa-buntong hininga na lang ako at dinukot ko na ang pera sa bulsa ko. "Heto po ang bayad na hinihingi niyo."

Nasa harap na ni Mrs. Highblood ang pera, pero hindi siya masaya sa ipinakita ko. "Ano yan? Barya?"

"Twenty-five thousand po yan."

"Eh magkano ba ang utang niyo? Di ba alam mo nang higit kalahating milyon yun? Babayaran mo ako ng tingi-tingi?"

Dinampot ni Mrs. Highblood ang perang binigay ko at saka ito tinapon sa mukha ko.

"Ang gusto ko, magbayad ka saakin ng buo!"

"Masyadong malaking halaga ang hinihingi niyo. Saan ako makakahanap ng ganun kalaking pera?"

"Aba malay ko! Nakakuha ka nga ng twenty-five thousand kung saan! Eh di maghanap ka pa ng ibang paraan para mabayaran ng buo ang utang niyo!"

"Pero imposible ang gusto niyo!"

Biglang napapalo sa lamesa si Mrs. Highblood. She stood up and now she's looking down at me. "May hindi ka pa rin yata naiintindihan. Masyado nang matagal ang utang na 'to, Alyanna. Kaya hindi na ako papayag na tumakas ka pa uli! Magbayad ka ng buo para matapos na ang usapan."

"Pero—"

"Gawin mo yun sa kahit na anong paraan!" She demanded.

Yumuko na lang ako. Hindi ko kaya ang gusto niyang mangyari. "Bakit ba ang hirap sa inyo na pagbigyan ako? Wala naman akong kasalanan sa inyo di ba?" At unti-unti na akong nadadala sa emosyon ko. Parang ayaw talaga akong patahimikin ng problema.

"Pumayag na ako na bayaran ang utang na hindi naman ako ang may gawa. Ano pa bang kailangan niyo! Bakit gusto niyong ginigipit ako!" May luha na sa mga mata pero dahil ito sa sa may halong galit na nararamdaman ko rin.

Pero nabaling ang atensyon namin nang biglang bumukas ang pinto. Isang lalaking naka-uniporme ng pulis ang dumating. Halata ang pagkakahawig nila ni Mrs. Highblood.

"Ate, yan na ba yung may atraso sayo?"

"Oh nandyan ka na pala! Sige damputin mo ang babaeng yan at ikulong mo sa presinto niyo." Lumapit na saakin ang pulis at pinosasan agad ang mga kamay ko.

"Teka—sandali lang po! Nakikipag-negosasyon ako sa inyo ng maayos, bakit huhulihin niyo ako!" Naiyak na ako pero may lakas pang magpumiglas. "Bigyan niyo pa ako ng kahit konting panahon! Mahahanap ko rin si Auntie para mabayaran kayo!"

"Sumusobra na yun Alyanna. Kailangang may magdusa na sa hindi niyo pagbabayad ng utang!"

"At gusto mong ako ang magdusa?" Ang sama nila para saakin isisi ang pagkakasala ng Auntie ko. Ni hindi nila magawang pakinggan ang pagmamakaawa ko.

"Sige ikulong mo na yan! Hangga't walang pera sa harapan ko, sa kulungan dapat ang bagsak ng babaeng yan!"

Gaano kalalim ba ang hukay kung saan gusto nila akong ibaon? Hindi na ako makapag-isip pa ng maayos dahil hindi ko na rin mapigilan ang sarili ko sa pag-iyak. Takot, lungkot, galit at awa ang nararamdaman ko para sa sarili ko.

Kinaladkad ako ng kapatid niyang pulis papunta sa sasakyan nito. Naglabasan na nga rin ang ilang kapitbahay dahil sa eskandalong nagaganap.

Gusto ko nang maglaho dahil sa sobrang kahihiyan. Bakit kailangang pagdaan ko ang mga bagay na 'to? "Hindi niyo ako pwedeng ikulong! Maawa po kayo! Nakikiusap ako—" Pinipilit kong magsalita habang humihikbi. "Ang Auntie ko ang dapat na huliin niyo."

Pero nang inakala kong tuluyan na akong pinagsakluban ng langit at lupa, nang inakala kong mababalot uli ng dilim ang buhay ko, dumating siya.

"Sandali!" Napatingin kaming lahat sa boses ng isang lalaki. Boses na pamilyar sa pandinig ko. "Bitawan niyo siya."

Lumapit siya saamin at kitang-kita ko sa mga mata niya ang awa para saakin.

"Anong ginagawa mo dito?" Lalo akong naiyak pero sa pagkakataong ito, nakaramdam ako ng pag-asa. "Brylle..."




Wizard's Tale Trilogy (1-3) ✔Where stories live. Discover now