Patak ng ulan,
Naging bagyo kaya't bumaha sa daan
Ilog ay naging karagatan,
Ngunit walang isdang naglalanguyan
Inanod na ng tubig
Paos na't wala nang tinig
Kasisigaw, kahihingi ng tulong
"Ayaw ko na," paulit-ulit ibinubulong
Kaunting ambon mula sa mata,
Paglalim ng tubig nadama
Kaunti pa,
Pusod ng dagat, lalamunin na siya
Sa gitna ng pagdaing,
Isang tao ang dumating
Unti-unti siyang iniahon,
Subalit 'di huminahon mataas na alon
Alam niyang siya'y isasalba,
'Di alam maglalaho rin pala bigla
Kamay niya'y nabitawan,
Natitirang pag-asa'y naglaho nang tuluyan
Marami pa ang nasubok,
Subalit bangka ay masyado nang marupok
Ayaw na niyang kumapit
Lulubog lang lalo't masasaktan ulit
Pilit iminulat ang mata
Malabo ang nakita,
Ngunit malinaw sa pandinig niya
'Di ang ragasa ng tubig kun'di iba
Mga pagtatangis
Pare-parehong nagtitiis,
Pare-parehong inaanod,
Parehong pagod na pagod
Habol ang hininga,
Hirap na hirap na
Ganoon na lamang ang dagat ng luha, kaya pala—
Hindi siya nag-iisa
Isa... Dalawa... 'Di na mabilang pa
Mga bagong mukha
Nagtaka!
Naroon din sila— ang mga kakilala
May sumisigaw ng saklolo,
May nagagawang magbiro,
May malamig na lang na bangkay,
May natututong ipagpatuloy ang buhay
Sino'ng dapat parisan sa kanila?
Alam niyang ayaw na niya
Ilang "Ayaw ko na talaga" na ba?
Ilan na rin ba'ng "Kaya ko pa"?
Paano siya makakaahon?
Pinangungunahan ng sariling panaghoy
Alam niyang maaari pang lumangoy,
Alam din niyang 'di siya marunong
Kung paano'y sana
Alam na niya
Bago pa dumating sa punto na
Alam niya, huli na.
#
Written: 31 Jan 2017
Posted: 3 Feb 2017
YOU ARE READING
Tuwing Umiiyak Lang Ako
PoetryHighest Ranks Achieved: #2 in MENTAL HEALTH #3 in FREE VERSE #8 in THOUGHTS #9 in SPOKEN POETRY Minsan kailangan nating iiyak ang lungkot, sakit, galit, takot. Dahil kung patuloy nating iipunin lahat ng luha, mas malungkot, mas masakit, mas nakagaga...
